Ang septicemia o sepsis ang kondisyon ng pagkakaroon ng mataas na lebel ng bacteria o mikrobyo sa dugo dulot ng matinding impeksyon sa katawan. Maaaring ituring ang mataas na lebel ng impeksyon bilang lason sa dugo kung kaya’t maaari ding tawagin ang kondisyong ito bilang blood poisoning. Ito ay seryosong kondisyong medikal na nangangailangan ng agarang atensyon at gamutan. Maaari itong magdulot ng matingding pamamaga sa iba’t ibang bahagi ng katawan bilang resulta ng pakikipaglaban ng katawan sa kumalat na impeksyon. Kung ito ay mapapabayaan, maaari itong makamatay.

Ano ang mga maaaring dahilan ng septicemia?

Ang pangunahing sanhi ng pagkakaranas ng kondisyong ito ay ang matinding impeksyon ng bacteria. Maaaring itong mag-ugat mula sa simpleng sugat na napabayaan at hindi ginamot, o kaya ay mula sa isang kondisyon o sakit gaya ng appendicitis, pneumonia, urinary tract infection o UTI, at meningitis, na napabayaan at kumalat sa buong katawan.

Ano ang mga sintomas na mararanasan dulot ng septicemia?

Sa simula ng pagkalat ng impeksyon ng bacteria sa katawan ng tao, maaaring maranasan ang mga sumusunod na mga sintomas:

  • Mataas na lagnat
  • Panginginig
  • Mabilis na paghinga
  • Mabilis na tibok ng puso
  • Pagsusuka at pagliliyo
  • Pagtatae

Ang pagkalat ay mabilis, at kung mapapabayaan, maaari itong magdulot ng ilan pang mas seryosong sintomas o kondisyon gaya ng sumusunod:

  • Pagkalito
  • Hirap sa pag-iisip
  • Hirap sa pag-ihi
  • Mapupulang tuldok sa katawan
  • Shock o kakulangan ng suplay ng dugo sa katawan dahil sa pagbagsak ng presyon ng dugo

Ano ang mga maaaring komplikasyon ng kondisyong septicemia?

Ang taong dumaranas ng matinding impeksyon sa katawan na napabayaan ay maaaring humantong sa mga sumusunod na komplikasyon:

  • Adult respiratory distress syndrome (ARDS) o ang kondisyon na hindi makapasok ang oxygen sa dugo mula sa baga
  • Septic Shock, ang kondisyon ng kakulangan ng tuloy-tuloy na suplay ng dugo sa katawan
  • Pagkamatay

Paaano maiiwasan ang septicemia?

Image Source: www.freepik.com

Ang pangunahing paraan ng pag-iwas sa septicemia ay ang pag-iwas mismo sa kahit na anong impeksyon. Magagawa ito sa pamamagitan ng mga bakuna, pagpapanatili ng kalinisan sa sarili at kapaligiran, at paglayo sa mga posibleng pinagmumulan ng impeksyon. Ngunit kung nagsimula na ang impeksyon ng mikrobyo sa katawan, maaaring sundin ang mga sumusunod na hakbang upang maiwasan ang pagkalat nito sa dugo:

  • Pag-inom ng mga antibiotic kontra sa impeksyon
  • Paglilinis sa sugat sa pamamagitan ng mga antiseptic na gamot