Buod

Ang singaw ay kilala sa mga tawag na mouth sore o canker sore sa wikang Ingles. Sa larangang medikal naman, kilala ito sa mga tawag na apthous stomatitis o aphtous ulcer. Dahil nakiita ito sa mga bahagi ng bibig, naituturing din ito bilang isang . Ayon sa datos, 30% ng mga tao ay nagkakaroon ng singaw. Sa kondisyong ito, ang anumang bahagi ng bibig gaya ng likod ng labi, likod ng pisngi, o dila ay tinutubuan ng tila bilog na sugat. Karaniwang kulay puti ito at masakit o mahapdi sa pakiramdam, lalo na kapag umiinom o kumakain.

Karaniwang nagkakaroon ng singaw dahil naiirita ang bibig. Maaaring ito ay dulot ng aksidenteng pagkakagat ng labi, pisngi, o dila, pagkakapaso ng bibig, pagkatusok sa bibig ng matutulis na bagay gaya ng brace, retainer, o pustiso, pagsisipilyo nang madiin, pagsisigarilyo, at iba pa. Dagdag sa mga ito, maaari ring dulot ng singaw ang mainit na panahon, mahinang resistensya ng katawan, hormonal changes, at vitamin deficiency.

Upang magamot ang singaw, maaari namang magsagawa lamang ng mga simpleng home remedy gaya ng pagmumumog ng tubig na may asin, paggamit ng baking soda, pag-inom ng malamig na tubig, pagngata ng yelo, at iba pa. Kung hindi mabisa ang mga ito, maaaring magreseta ang doktor ng mga topical ointment, pain medication, anti-inflammatory drug, at nutritional supplement.

Kasaysayan

Ang singaw o aphtous stomatitis ay nagsimula sa Griyegong salita na aphtha na nangangahulugang “eruption” o “ulcer.” Ang stomatitis naman ay ang pangkalahatang termino para sa anumang uri ng pamamaga ng bibig.

Noong ika-4 na siglo, marami ng nababanggit tungkol sa singaw o mouth sore at kadalasang isa ito sa mga sintomas ng mga taong may herpes simplex virus infection o cold sore. Ganunpaman, ang simpleng singaw at herpes simplex ay magkaiba batay na rin sa masusing pag-aaral.

Ang mouth sore ay hindi nakahahawa at kadalasang dulot lamang ito ng iritasyon sa bibig. Bukod dito, ang mga singaw nito ay sa loob lamang ng bibig. Sa cold sore naman, ito ay isang uri ng lubos na nakahahawang sakit sapagkat ang sanhi nito ay isang virus. Dagdag dito, ang mga tila singaw na sintomas nito ay kumakalat din sa labas ng bibig.

Maraming mga paraan kung paano nilulunasan ang singaw noong unang panahon. Sa tradisyonal na medisina ng mga Tsino, ang paggamot sa singaw ay umiikot sa pagtatanggal ng init sa katawan at pagpapalakas ng resistensya. Habang mas lumalawak ang pang-unawa tungkol sa kondisyong ito, maraming mga mananaliksik sa iba’t ibang panig ng mundo ang naka-imbento ng mga toothpaste at ointment na nakapagtatanggal ng singaw.

Mga Uri

Ang singaw o canker sore ay may tatlong pangunahing uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Minor canker sore. Sa uring ito, ang singaw ay tila bilog o hugis-itlog. Kadalasang gumagaling ang minor canker sore sa loob ng 1 hanggang 2 linggo nang walang iniiwan na bakas o peklat.
  • Major canker sore. Kumpara sa minor canker sore, ang uri ng singaw na ito ay mas malalaki at mas malalalim ang mga sugat. Karaniwang hindi pantay-pantay ang gilid ng mga sugat nito at inaabot ng hanggang 6 na linggo ang paggaling. Dahil mas malubha ito, maaaring magkaroon ng malalim na peklat ang loob ng bibig.
  • Herpetiform. Ang mga singaw sa herpetiform ay kadalasang maliliit ang mga bilog-bilog. Ganunpaman, mas marami ang kanilang pagtubo. Maaaring magkaroon ang pasyente ng 10 hanggang 100 maliliit na singaw sa bibig kapag naapektuhan ng kondisyong ito.

Mga Sanhi

Image Source: www.futurity.org

Nagkakaroon ng singaw ang isang tao sapagkat naiirita ng kung anumang bagay ang kanyang bibig. Ilan lamang sa mga pangunahing sanhi nito ay ang mga sumusunod:

  • Aksidenteng pagkakagat ng labi, pisngi, o dila
  • Pagkakapaso ng bibig
  • Pagkatusok sa bibig ng matutulis na bahagi ng mga bagay na gaya ng brace, retainer, o pustiso
  • Pagsisipilyo nang masyadong madiin
  • Paggamit ng mga toothpaste o mouthwash na may sodium lauryl sulfate
  • Pagsisigarilyo

Bukod sa mga nabanggit, maaari ring magdulot ng singaw ang mga sumusunod:

  • Mainit na panahon
  • Pagkakaroon ng mahinang resistensya
  • Hormonal changes na dulot ng pagbibinata o pagdadalaga, pagreregla, at pagbubuntis
  • Vitamin deficiency
  • Pagiging stress
  • Pagkakaroon ng ibang kondisyong gaya ng celiac disease, inflammatory bowel disease, HIV/AIDS, at iba pa

Mga Sintomas

Masasabing may singaw ang isang tao kapag siya ay nakararanas ng mga sumusunod na sintomas:

  • Pagkakaroon ng mga bilog-bilog na sugat sa loob ng bibig
  • Pagkakaroon ng kulay puti at mahapding sugat sa loob ng bibig
  • Pamamaga ng mga sugat-sugat sa bibig
  • Hirap sa pag-inom, pagnguya, o pagsasalita
  • Pagkakaroon ng lagnat

Hindi lahat ng may singaw ay nilalagnat. Maaari lamang lagnatin ang pasyenteng may singaw kung napakarami at malubha na ito.

Mga Salik sa Panganib

Ang lahat ay maaaring magkaroon ng singaw o mouth sore. Subalit, ayon sa mga pag-aaral, mas madalas tubuan ng singaw ang mga sumusunod:

  • Mga binata at dalaga o mga young adult
  • Mga kababaihan
  • Mga taong may kasaysayan ng paulit-ulit na singaw sa pamilya
  • Mga taong may alerhiya sa mga partikular na uri ng pagkain

Karaniwang tinutubuan ng singaw ang mga binata at dalaga sapagkat sila ang mas madalas na makaranas ng hormonal changes sa katawan. Ayon din sa mga pag-aaral, maaari ring mamana ang kondisyong ito sa pamilya.

Mga Komplikasyon

Bagama’t ang singaw ay isang hindi gaanong seryoso o malubhang kondisyon, maaari pa rin itong magdulot ng mga sumusunod na komplikasyon kung ito ay babalewalain lamang. Ilan lamang sa mga posibleng komplikasyon nito ay ang mga sumusunod:

  • Pagkaranas ng matinding pagkapagod
  • Pagkakaroon ng mataas na lagnat
  • Pagkakaroon ng cellulits o impeksyon sa balat

Pag-Iwas

Image Source: www.inc.com

Upang hindi magkaroon ng singaw, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod:

  • Iwasan ang pagkain ng labis na maaanghang, matatamis, maaalat, maaasim, at matitigas na mga pagkain.
  • Kumain ng mga prutas at gulay na mayaman sa vitamin B6, B12, zinc, at folic acid.
  • Magsipilyo ng 2 hanggang 3 beses sa isang araw upang hindi maipunan ng bacteria ang bibig.
  • Gumamit ng orthodontic wax upang hindi makiskis ng brace, retainer, o pustiso ang bibig.
  • Gumawa ng mga bagay na nakalilibang upang hindi ma-stress.

Sanggunian: