Gamot at Lunas  

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Kadalasan, gumagaling ang singaw kahit walang nilalapat na lunas. Subalit, maaaring abutin ito ng 1 hanggang 2 linggo. Maaari rin itong pagalingin kahit hindi kumukonsulta sa doktor lalo na kung ang singaw ay hindi naman gaanong nakaaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Upang mapabilis ang paggaling nito, maaaring gawin ang mga sumusunod na home remedy o simpleng lunas na maaaring gawin sa bahay:

  • Pagmumog ng tubig na may asin. Isa sa mga pinakakilalang paraan upang mawala ang singaw ay ang pagmumumog ng tubig na may asin. May kakayahan ang asin na tanggalin ang namuong tubig sa singaw upang mabilis itong matuyo. Bukod dito, ang asin ay mayroong antibacterial property na nakatutulong sa pagtanggal ng sakit, pamamaga, at impeksyon. Maghanda lamang ng 1 basong tubig at haluan ito ng kalahating kutsara ng asin. Mumugin ito 3 beses sa loob ng 1 araw hanggang mawala ang singaw. Bagama’t ang tubig sa gripo ay sapat na, maaari rin namang gumamit ng maligamgam na tubig upang mas mabilis gumaling ang singaw. Nakatutulong ang mainit na temperatura upang mag-dilate o lumuwag ang mga daluyan ng dugo sa bibig. Sa pamamagitan nito, mas magiging maayos ang sirkulasyon ng dugo sa bibig na nagreresulta naman sa mas mabilis na paghilom ng mga sugat, gaya ng singaw.
  • Paggamit ng baking soda. Ang baking soda ay napakarami ang gamit sapagkat nagtataglay ito ng sodium bicarbonate. Ito ay kilala bilang mayaman sa antibacterial, antimicrobial, antiseptic, at anti-inflammatory property. Dahil dito, nagagawa nitong labanan ang mga bacteria na sanhi ng singaw. Upang gamitin ito, maghalo lamang ng 1 kutsara ng baking soda sa 1 baso ng tubig at mumugin ito 3 beses araw-araw. Maaari ring gumawa ng baking soda paste sa pamamagitan ng paghahalo lamang ng napakaunting tubig. Itapal ang paste sa mismong singaw at maghintay ng 10 minuto bago mumugin.
  • Pagkain ng malalambot na pagkain. Upang hindi lumubha ang singaw sa bibig, kumain muna ng mga malalambot na pagkain, gaya ng kanin, lugaw, saging, abokado, pakwan, nilagang patatas, pansit, at iba pa. Iwasan muna ang pagkain ng matitigas na pagkain sapagkat maaaring makiskis nito ang singaw at magdulot ng mas malalim na sugat sa bibig.
  • Pagkain ng yogurt. Mainam din na pampagaling ng singaw ang pagkain ng yogurt. Dahil malambot at malamig ito, hindi na muling nadadagdagan pa ng sugat ang singaw. Ayon sa ilang manggagamot, nakatutulong ang pagkain ng yogurt ng 2 beses sa maghapon upang mabawasan ang pananakit nito.
  • Pag-iwas sa mga labis na malalasang pagkain. Bukod sa matitigas na pagkain, iwasan munang kumain ng maiinit, maaanghang, maaalat, maaasim, at matatamis na pagkain. Ang labis na pagkain ng mga ito ay nakapagdadagdag lamang ng hapdi at iritasyon sa bibig.
  • Gumamit ng malambot na sipilyo. Kung ang sipilyong ginagamit ay matigas, palitan muna ito ng sipilyo na may soft bristles. Ang matitigas na sipilyo kasi ay maaaring tumama at kumiskis sa singaw, at magresulta sa paglalim ng sugat nito.
  • Gumamit ng mouthwash. Maaari ring gumamit ng mouthwash upang mabilis na mawala ang singaw. Ang mga mouthwash kasi ay kadalasang naglalaman ng antibacterial property na tumutulong sa pagpuksa ng mga mikrobyo sa bibig.
  • Pag-inom ng malamig na tubig o pagngata ng yelo. Kung ang singaw ay nagdudulot ng pamamaga at pananakit ng bibig, maaaring uminom ng malamig na tubig o ngumata ng yelo. Ang malamig na temperatura ng tubig o yelo ay nakatutulong upang bahagyang mamanhid ang bibig na nagreresulta sa pagkawala ng hapdi at pamamaga na dulot ng singaw.
  • Pagtigil sa pag­-inom ng alak at sigarilyo. Habang nagpapagaling ng singaw, iminumungkahi ng mga doktor na tumigil muna sa pag-inom ng alak at sigarilyo. Ang alak at sigarilyo kasi ay naglalaman ng mga sangkap na nakaiirita at nakapagpapalubha ng singaw sa bibig.

Kung marami ang singaw sa bibig, maaaring tumagal ang paggaling nito at abutin ng 6 na linggo. Kung nagawa na ang lahat ng mga home remedy na nabanggit at wala pa ring pagbabago, iminumungkahi na magpakonsulta sa dentista o doktor. Batay sa kanilang pagsusuri, maaaring resetahan ang pasyente ng mga sumusunod:

Image Source: www.freepik.com

  • Topical ointment. Maaaring magpahid sa singaw ang pasyente ng mga topical ointment na iba’t iba ang uri, gaya ng mga paste, gel, cream, o Halimbawa ng mga topical ointment para sa singaw ay benzocaine, fluocinonide, at hydrogen peroxide. Mayroon ding oromucosal solution na binebenta sa pangalang Pyralvex na tumutulong sa pag-alwan ng pananakit at pagbawas ng pamamaga. Batay sa tindi ng kondisyon, maaaring ipahid ang mga ito ng 3 hanggang 5 beses sa isang araw.
  • Pain medication. Kung nakararanas ng matinding pananakit dulot ng singaw, maaaring magreseta ang doktor ng mga pain medication na gaya ng Ang sucralfate ay kadalasang ginagamit sa mga pasyenteng may intestinal ulcer, subalit ang ilang mga doktor ay ginagamit ang gamot na ito para sa pasyenteng may singaw sapagkat isa rin itong uri ng ulcer. Nagsisilbi itong pain medication sapagkat binabalutan nito ang singaw upang hindi ito gaanong magdulot ng sakit.
  • Anti-inflammatory drug. Maaari ring magreseta ang doktor ng anti-inflammatory drug gaya ng Ang gamot na ito ay kadalasang ginagamit sa mga pasyenteng may gout o arthritis. Subalit, mabisa rin ito para sa mga pasyenteng may singaw sapagkat binabawasan nito ang pamamaga at pananakit.
  • Nutritional supplement. Kung minsan, nagkakaroon ng singaw ang isang tao dahil sa kakulangan ng nutrisyon. Dahil dito, maaaring magreseta ang doktor ng mga nutritional supplement na mayaman sa vitamin B6, vitamin B12, zinc, at folic acid.

Kung hindi pa rin gumagaling ang singaw sa paggamit ng iniresetang gamot at lalong lumaki ang singaw, iminumungkahi na bumalik sa doktor. Maaaring ito ay hindi ordinaryong singaw at sintomas ito ng ibang mga sakit gaya ng herpes simplex, hand, foot, and mouth disease, candidiasis, at iba pa.