Buod

Ang sipilis o syphilis ay isang uri ng impeksyon na nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Ito ay mabilis na lumalala kapag hindi naagapan. Ang pangalan ng sakit na ito ay hango sa bagong Latin na “Syphilus” na tumutukoy sa isang karakter sa tula na sinasabing kauna-unahang taong nagkaroon nito.

Ang sipilis ay nakukuha mula sa mga taong apektado ng Treponema pallidum na bacterium na siyang pangunahing sanhi ng sakit na ito. Ang bacterium na ito ay hindi naipapasa sa pamamagitan ng pagkakadikit lamang ng balat sa taong apektado nito.

Ang mga karaniwang sintomas ng pagkakaroon ng sipilis ay ang pagkakaroon ng skin sores o mga sugat sa balat na kung tawagin ay chancres, pananakit ng mga kalamnan, pagkakaroon ng lagnat, pananamlay, pagkalagas ng mga buhok, pananakit ng lalamunan, at iba pa.

Karaniwang ginagamot ang sakit na ito sa pamamagitan ng mga antibiotic na penicillin.

Kasaysayan

Ang kauna-unahang naitala na pagkalat ng sipilis sa Europa ay naganap noong 1494 sa Naples sa Italya nang nilusob ng mga Pranses ang bansang ito. Inakala noon na ang sakit na ito ay kumalat dahil sa mga sundalong Pranses, kaya ito ay unang tinawag ng mga taga-Naples na “French disease.”

Noon namang 1530, ang “syphilis,” na hango sa pangalan ng isang tauhan sa isang tula, ay unang ginamit ng Italyanong manggagamot at manunula na si Girolamo Fracastoro. Pinili niya ito bilang pamagat ng kaniyang Latin na tula na nagsasalarawan sa pagkalat ng isang uri ng sakit noon sa Italya. Noong mga panahong iyon ay tinawag din ang sipilis na “Great Pox” dahil sa bilis ng pagkalat nito sa Europa.

Noong mga ika-16 hanggang ika-19 na siglo ay naging malaking pampublikong suliranin ang sakit na sipilis. At noon namang 1905 ay unang nakilala ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng sakit na ito: ang bacterium na Treponema pallidum. Ang nakadiskubre nito ay sina Fritz Schaudinn at Erich Hoffmann, mga siyentipikong Aleman.

Noong mga panahong iyon ay ginamit ang Salvarsan na ginawa ni Paul Ehrlich, isang Aleman na manggagamot, noong 1910 bilang panggamot sa sipilis. Samantala, noon lamang 1943 napatunayan ang bisa ng penicillin laban sa sakit na ito.

Mga Uri

Iisa lamang ang uri ng sipilis. Subalit ito ay may apat na baitang o stages. Ito ay ang mga sumusunod:

  • Sa stage na ito ay may mga sugat na kung tawagin ay chancre na maaaring hindi masakit at karaniwang matatagpuan sa bibig, sa puwet, maging sa sa ari.
  • Sa puntong ito ay magkakaroon ng mga pamamantal at iba pang mga sintomas.
  • Sa stage na ito ng sipilis ay nasa katawan pa ng tao ang bacteria na nagdudulot nito, subalit ito ay dormant. Maaaring hindi ito makahawa sa puntong ito. Subalit, ang mikrobyo ng sipilis ay maaaring umapekto sa utak, sa puso, sa buto, at maging sa mga ugat.
  • Kapag nawala na ang mga sintomas ng secondary na stage, makikita na ang mga sintomas ng tertiary stage. Hindi nakahahawa ang sipilis sa puntong ito. Subalit, apektado na nito ang iba’t ibang bahagi ng katawan na maaaring magdulot pa ng kamatayan.

Neurosyphilis at ocular na sipilis

Sa puntong ito ay kumakalat na sa utak, sa nervous system, at sa mga mata ang sipilis. Ito ay maaaring mangyari sa alinman sa mga nabanggit na mga stage sa itaas.

Mga Sanhi

Ang pangunahing sanhi ng sakit na sipilis ay ang bacterium na Treponema pallidum. Ang pangunahing paraan naman para maipasa sa ibang tao ang bacterium na ito ay ang pagkakadikit ng bahagi ng balat na maaaring pasukin ng bacteria sa mga sugat ng taong mayroon nito sa panahon ng pagtatalik. Ang bacterium na ito ay maaaring pumasok sa katawan sa pamamagitan ng mga maliliit na sugat sa balat o kaya ay sa mga mucous membrane.

Dapat malaman na ang sakit na ito ay nakahahawa sa kaniyang primary at secondary na mga stage. Maaari rin itong makahawa sa pagsisimula ng latent stage nito. Ito ay maaari ring maipasa mula sa apektadong ina sa kaniyang sanggol sa panahon ng pabubuntis o kaya ay sa panganganak. Dapat ding malaman na maaari ulit magkaroon ng sipilis ang tao kahit na siya ay gumaling na mula sa unang beses ng pagkakaroon nito.

Mga Sintomas

Source: std.uw.edu

Ang sipilis ay may iba’t ibang stage na may kani-kaniyang mga sintomas.

Ang mga pangunahing sintomas ng sipilis ay ang sumusunod:

Pagkakaroon ng isa o higit pa na mga chancre na karaniwan ay hindi masakit, tatlong linggo mula nang pumasok ang bacteria nito sa katawan. Maaaring mawala ang mga chancre sa loob ng tatlo hanggang anim na linggo, o kaya ay lalo pa itong lumala kapag hindi nagamot.

Ang mga secondary na sintomas naman nito ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng makakati na pantal sa buong katawan na karaniwan ay kulay pula o kayumanggi
  • Pagkakaroon ng mala-kulugo na mga sugat sa bibig, sa puwet, maging sa ari
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Pananakit ng lalamunan
  • Pamamaga ng mga kulani
  • Pananakit ng mga kalamnan
  • Pagkalagas ng buhok
  • Pananakit ng ulo
  • Pagbagsak ng timbang
  • Malabis na pagkapagod

Sa latent na stage ng sipilis ay maaaring walang sintomas. Subalit, ito ay tumatagal nang hanggang ilang taon. Sa stage na ito rin ay namamalaging dormant sa katawan ng tao ang mga bacteria ng sipilis. Ibig sabihin, nagiging mas kaunti o kaya naman ay nawawala ang mga sintomas nito.

Pagkaraan ng latent na stage mga may 10 hanggang 30 na taon, nasa tertiary na stage na ang sipilis. Ang mga sintomas nito ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng problema sa puso
  • Pagkakaroon ng problema sa mga daluyan ng dugo
  • Panghihina ng atay
  • Pagkakaroon ng kondisyon sa mga buto at mga kasu-kasuan
  • Pagkakaroon ng gummas o pamamaga ng mga laman sa iba’t ibang bahagi ng katawan

Neurosyphilis

Sa kondiysong ito ay kumakalat na sa nervous system ang bacteria ng sipilis. Ito ay maaring mangyari sa alinmang antas ng sakit na ito. Subalit, mas karaniwang iniuugnay ito sa sa latent at tertiary na stage. Ang mga sintomas nito ay gaya ng mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng dementia o pagbabago ng estado ng pag-iisip
  • Hindi normal na paraan ng paglalakad
  • Kawalan ng kakayahang mag-focus
  • Pagkalito
  • Pananakit ng ulo at kombulsyon
  • Pamamanhid ng mga braso o hita
  • Pagkapinsala ng paningin
  • Pananamlay

Mga Salik sa Panganib

Ang mga salik sa pagkakaroon ng sipilis ay ang mga sumusunod:

  • Pakikipagtalik nang walang proteksyong katulad ng condom
  • Pagkakaroon ng maraming katalik
  • Pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki
  • Pagkakaroon ng HIV

Pag-Iwas

Source: foxnews.com

Maaaring iwasan ang sipilis sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Pag-iwas sa pakikipagtalik, lalo kapag hindi tiyak ang kalagayan ng kalusugan ng katalik
  • Pagkakaroon ng matagalang relasyong sexual sa iisa lamang na tao na walang sakit na ito
  • Paggamit ng condom sa pakikipagtalik
  • Pag-iwas sa oral sex
  • Pag-iwas sa pagpapagamit sa iba ng sariling sex toy, o pag-iwas sa paghiram nito

Tandaan na maaari ulit magkaroon ng sipilis kahit na dati nang nagkaroon nito

Sanggunian