Buod
Ang sipon (common cold) ay isang uri ng viral infection na nakaaapekto sa respiratory system, partikular na sa ilong at lalamunan. Ayon sa mga pag-aaral, mayroong mahigit sa 200 uri ng mga virus na maaaring makapagdulot ng sipon, kaya naman laganap ang kondisyong ito at pabalik-balik. Ganunpaman, 50% ng mga kaso nito ay dulot ng mga rhinovirus.
Kapag may sipon ang isang tao, siya ay nakararanas ng baradong ilong, masakit na lalauman, ulo, o kalamnan, pag-ubo, pagbahing, at pagkakaroon ng lagnat. Hindi naman gaanong mapanganib ang kondisyong ito at kadalasang gumagaling ito nang kusa sa loob ng pito hanggang sampung araw kapag nakapagpahinga ang pasyente.
Bagama’t hindi ito gaanong mapanganib, napakabilis nitong makahawa. Kung makakasalubong lamang ng taong may sipon, maaaring magkaroon ka na rin nito dalawang araw matapos malantad sa virus. Ito ay lalo na kung mahina ang iyong resistensya.
Upang gumaling sa sakit na ito, ang pasyente ay nangangailangang uminom ng maraming tubig o juice, magpahinga, at uminom ng mga gamot. Maaari namang malunasan ang sipon kahit nasa bahay lamang. Subalit kung ang sipon ay may kasamang ibang mga sintomas na gaya ng mataas na lagnat, pananakit ng dibdib, hirap sa paghinga, at iba pa, kailangang dalhin sa doktor ang pasyente upang agarang masuri.
Kasaysayan
Noon pa man, ang sipon ay nakaaapekto na sa mga mamamayan ng mga sinaunang sibilisasyon. Ayon sa mga mananaliksik, ang Ebers papyrus ng mga sinaunang taga-Ehipto ay nagbabanggit ng mga sintomas at lunas para rito. Ang Ebers papyrus ay ang pinakamatandang talang medikal na naglalaman ng iba’t ibang mga uri ng sakit.
Ang salitang “cold” ay nagsimulang gamitin noong ika-16 na siglo ng mga Ingles subalit hindi pa rin nalalaman kung ano ang sanhi ng sipon sa kapanahunang ito. Pagsapit naman ng taong 1946, ang Medical Research Council ng United Kingdom ay nagtatag ng Common Cold Unit (CCU). Pagkalipas ng sampung taon, doon lamang natuklasan na ang isa sa mga sanhi nito ay ang rhinovirus. Natuklasan din nila na ang mga zinc gluconate lozenge ay maaaring makatulong sa paglunas sa sipon. Ito lamang ang matagumpay na lunas na kanilang natuklasan at pagsapit ng taong 1989, ang CCU ay nagsara.
Mga Sanhi
Napakaraming uri ng cold virus ang maaaring maging sanhi ng sipon, subalit ang pinakalaganap na sanhi nito ay ang rhinovirus. Maaaring makapasok ang cold virus sa pamamagitan ng mga mata, bibig, at ilong. Maaaring makuha ang cold virus sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Paglanghap ng mga air droplet na mula sa pagubo, pagbahing, o pagsasalita ng taong may sipon
- Paggamit ng mga infected na bagay gaya ng mga kubyertos, tuwalya, laruan, at telepono
- Pakikipag-usap o pakikipagkamay sa taong may sipon
Kapag nakapasok na ang cold virus sa katawan, magkakaroon ng impeksyon ang pasyente. Upang madepensahan ang katawan laban sa virus, gumagawa ng mucus o sipon ang mga mucus gland ng ilong at lalamunan. Sa tulong ng mucus, hindi na maaaring makapasok pa ang ibang mga uri ng dumi at mikrobyo.
Mga Sintomas
Image Source: www.precisionvaccinations.com
Bagama’t ang sipon ay kadalasang isang simpleng sakit, maaari pa ring makaranas ang isang tao ng mga hindi komportableng sintomas, gaya ng mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng baradong ilong
- Madalas na pagbahing
- Pag-ubo
- Pagkakaroon ng lagnat
- Panunuyo at pagsakit ng lalamunan
- Pamamaos
- Pagsakit ng ulo
- Pagsakit ng mga kalamnan
Bukod sa mga nabanggit, maaari ring makaranas ang pasyente ng mga sumusunod na sintomas:
- Pamumula ng mga mata
- Panginginig ng mga kalamnan
- Panghihina ng katawan
- Pagkawala ng gana sa pagkain
- Pagkapagod
Dahil magkakaiba ang pagkabisa ng resistensya ng bawat tao, maaaring ang iba ay magkaroon lamang ng sipon at walang ibang mga sintomas na nararamdaman. Sa mga taong may mas mahina ang resistensya gaya ng mga bata, maaaring makaranas sila ng karamihan sa mga sintomas na nabanggit.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.futurity.org
Ang lahat ng tao ay maaaring magkaroon ng sipon. Subalit, may mga tao na mas naaapektuhan ng ganitong kondisyon dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagiging bata at matanda. Ang mga sanggol o bata ay karaniwang kinakapitan ng sipon sapagkat hindi pa gaanong malakas ang kanilang resistensya. Sa mga matatandan naman, humihina ang kanilang resistensya kaya hindi na makayanan pa ng katawan nila na labanan ang sipon gaya noong kabataan pa nila.
- Pagkakaroon ng mahinang immune system. Kabilang sa mga taong mahihina ang immune system ay ang mga kasalukuyang may iniindang sakit na gaya ng hika, chronic obstructive pulmonary disease (COPD), diabetes, rayuma, lupus, at iba pa. Dahil sa kanilang kondisyon, mas madali silang kapitan ng mga cold virus.
- Pagkakalantad sa malamig na panahon. Maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng sipon sa tuwing malamig ang panahon sapagkat mas nagiging aktibo ang ilang uri ng mga cold virus. Sa katunayan, sa kadalasang pagkalat nito sa mga malalamig na panahon nakuha ang pangalan ng sakit na ito. Dagdag dito, mas humihina ang immune system ng katawan sa ganitong uri ng panahon kaya naman mas mabilis mahawaan at magkaroon ng kondisyong ito.
- Paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay nakapipinsala sa mga selula ng baga. Dahil dito, humihina ang katawan na labanan ang mga cold virus. Dagdag dito, nakapagdudulot ito ng pagka-irita sa mga lining ng ilong at lalamunan kaya naman mas lalong gumagawa ang mga ito ng mga mucus.
Mga Komplikasyon
Hindi pa rin dapat balewalain ang sipon sapagkat maaari pa rin itong magdulot ng mga karaniwang komplikasyon, gaya ng mga sumusunod:
- Acute bronchitis. Ang acute bronchitis ay ang pamamaga ng mga maliliit na tubo ng mga baga na tinatawag na Ang mga sintomas nito ay halos natutulad din sa mga sintomas ng sipon, subalit mapapansin na umaagahas ang paghinga ng pasyente.
- Pulmonya. Sa pulmonya, namamaga rin ang mga baga, subalit ang naaapektuhang bahagi naman ay ang mga alveoli. Ito ay tila mga maliliit na sisidlan ng hangin. Subalit sa kaso ng pulmonya, sa halip na hangin ang laman ng mga alveoli, nasisidlan ang mga ito ng tubig.
- Acute bacterial sinusitis. Bagama’t ang sanhi ng sipon ay mga virus, maaari pa rin itong magresulta sa acute bacterial sinusitis kapag nagkaroon ng impeksyon ang mga sinus dulot ng Dahil mas humihina na ang resistensya ng katawan dulot ng sipon, hindi lamang mga virus ang mga uri ng mikrobyong makapasok dito.
Ang mga komplikasyon ng sipon ay hindi naman ganoon kapanganib. Subalit kung ang pasyente ay isang sanggol o bata pa lamang, maaaring magdulot ito ng panganib sa kanilang buhay. Ito ay lalo na kapag sila ay nagkaroon ng pulmonya.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Mahirap ma-iwasang magkaroon ng sipon lalo na kung kasalukuyang napapanahon talaga ang sakit na ito. Subalit, maaari namang pababain ang posibilidad na magkaroon nito sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Pagkain ng mga prutas at gulay. Ang mga prutas at gulay na makukulay ay mayaman sa vitamin C na nakatutulong sa pagpapalakas ng resistensya ng katawan. Halimbawa ng mga ito ay kamatis, kalabasa, bellpepper, patatas, dalandan, bayabas, papaya, lemon, at iba pa.
- Paghuhugas ng mga kamay. Sa pamamagitan ng paghuhugas, matatanggal ang mga mikrobyong nakadikit sa mga kamay. Siguraduhing gumamit ng sabon sa paghuhugas upang makatiyak na mamatay ang mga mikrobyo.
- Pagkakaroon ng sapat na tulog. Nakatutulong ito upang lumakas ang resistensya ng katawan. Ayon sa mga pag-aaral, ang katawan ay naglalabas ng mga antibody habang natutulog upang malabanan ang mga impeksyon at mikrobyo.
- Pag-eehersisyo. Ang pag-eehersisyo ay nakatutulong din upang lumakas ang pangangatawan. Iminumungkahi ring huwag tigilan ang pag-eehersisyo, lalo na pagsapit ng malalamig na buwan. Ito ay sapagkat ang init na idinudulot ng pag-eehersisyo ay nagpapataas sa bilang ng mga antibody na tumutulong sa pagpuksa ng mga mikrobyo.
- Pag-iwas sa panghihiram ng mga personal na gamit ng iba. Ang mga cold virus ay maaaring kumapit sa mga bagay-bagay na gaya ng mga kubyertos, tuwalya, telepono, at iba pa. Kaya naman iminumungkahi na iwasan ang panghihiram ng mga gamit ng ibang tao.
- Pagsusuot ng face mask. Magsuot ng face mask lalo na kapag panahon ng sipon. Nakatutulong ito upang mapigilan ang rektang paglanghap ng mga air droplet ng infected na tao. Siguraduhin ding magpalit ng face mask araw-araw sapagkat ito ay napupuno ng mikrobyo.
- Pagsusuot ng mga angkop na damit. Kung malamig ang panahon, mas mainam kung magsusuot ng jacket, long-sleeved na mga pang-itaas, o anumang komportable at maiinit na damit. Sa tulong ng mga kasuotang ito, tumataas ang temperatura ng katawan at nakagagawa ito ng mas maraming mga
- Pag-iwas sa paninigarilyo. Hangga’t maaari ay umiwas sa paninigarilyo. Ang sigarilyo ay naglalaman ng nikotina at iba pang mga sangkap na mapanganib para sa mga baga.