Gamot at Lunas  

Image Source: www.freepik.com

Ang simpleng sipon ay maaaring gumaling nang kusa kahit walang iniinom na gamot. Sa mga matatanda, maaaring mawala ang sipon sa loob ng 7 o 10 araw. Subalit para sa mga bata, mas matagal silang gumaling mula sa kondisyong ito at karaniwang inaabot ng hanggang 14 na araw. Kung nais na mas mapabilis ang paggaling ng sipon, maaaring gawin ang mga sumusunod na lunas kahit nasa bahay lamang:

  • Pag-inom ng maraming tubig o juice. Ang tubig o juice, maging ang iba pang mga uri ng inumin, ay nakatutulong upang lumambot ang sipon at mabilis itong mailabas. Mas mainam din kung maligamgam na tubig o juice ang inumin sapagkat mas nakapagdudulot ito ng ginhawa sa lalamunan.
  • Paghigop ng mainit na sabaw. Ang mainit-init na temperatura ng mga sabaw ay nagbibigay ginhawa sa lalamunan at nakatutulong sa pagluwag ng mga daanan sa ilong. Bukod dito, ang mga sabaw at sopas ay naglalaman ng mga masusustansyang gulay at karne na nakatutulong sa pagpapabalik ng gana ng pasyente sa pagkain.
  • Pagkain ng maaasim na prutas. Ang pagkain ng maaasim na prutas ay nakatutulong upang mas mabilis na gumaling mula sa sipon. Nagtataglay kasi ang mga ito ng bitamina C. Bukod dito, ang katas ng mga maaasim na prutas ay nakatutulong sa pagginhawa ng makating lalamunan ng pasyenteng may sipon. Halimbawa ng mga prutas na mayaman sa bitamina C ay ang orange, dalandan, at
  • Pagtulog o pagpapahinga. Ang pagtulog ay nakatutulong upang mabilis na gumaling ang katawan mula sa sipon. Sa pagkakaroon ng sapat na tulog, ang katawan ay nakagagawa ng mga antibody na lumalaban sa impeksyon. Hangga’t maaari matulog ng 8 oras araw-araw upang mas mabilis makabalik sa dating kondisyon ang katawan.
  • Paglalagay ng humidifier sa kuwarto. Dahil ang ilong ay may nakabarang sipon, malaki ang maitutulong ng paglalagay ng humidifier sa kuwarto. Ang humidifier ay isang uri ng electrical appliance na nagbubuga ng malamig at mamasamasang usok o singaw. Sa tulong ng kagamitang ito, mananatiling mamasamasa ang ilong, lalamunan, at mga daanan sa baga kaya naman mas magiging madali ang paghinga. Maaaring makabili ng humidifier sa iba’t ibang tindahan ng mga appliance o kaya naman ay sa mga online shop. Ito ay kadalasang nagkakahalaga ng 400 piso pataas.
  • Pagmumog ng maligamgam na tubig na may asin. Kung masakit ang lalamuman, maaari ring magmumog ng maligamgam na tubig na may asin. Bukod sa pinapalambot nito ang sipon, binabawasan nito ang pamamaga ng lalamunan.
  • Pag-inom ng pinaglagaan ng lagundi. Kung nais uminom ng halamang gamot para sa ubo, unahin munang subukan ang lagundi sapagkat isa ito sa 10 aprubadong halamang gamot ng Department of Health (DOH). Ang lagundi ay kadalasang may 5 piraso ng dahon sa bawat tangkay nito kaya naman madali itong makilala. Upang gamitin ito bilang lunas sa sipon, kumuha lamang ng ½ tasa ng mga dahon nito, linisin, at ilaga sa takure na may 2 basong tubig. Inumin ang pinaglagaan 3 beses sa loob ng 1 araw hanggang sa gumaling. Maaari ring gamitin ang mga ugat ng lagundi at siyang ilaga para inumin.
  • Pag-inom ng pinaglagaan ng oregano. Ang oregano ay isang uri ng halaman na kadalasang ginagamit bilang pampalasa sa mga pagkain dahil sa mabango nitong amoy. Bukod dito, tanyag din itong halamang gamot para sa sipon, ubo, masakit na lalamunan, pigsa, UTI, at masakit na tiyan. Upang gamitin itong gamot para sa sipon, kumuha lamang ng 1 tasa ng sariwang dahon ng oregano. Linisin ang mga dahon at pakuluan sa takure na may 3 tasa ng tubig. Ilaga ang mga dahon sa loob ng 10 hanggang 15 minuto. Inumin ang pinaglagaan ng oregano 3 beses sa loob ng 1 araw hanggang sa gumaling.
  • Pagpapahid ng vapor rub. Ang mga vapor rub ay maaari ring makatulong sa mga taong may sipon. Ang ointment na ito ay nagtataglay ng camphor, menthol, at eucalyptus oil na lumilikha ng malamig at maginhawang pakiramdam. Maaari itong ipahid sa leeg, diddib, likuran, at mga paa ng pasyente. Ang “mint” na amoy nito ay nakatutulong upang lumuwag-luwag ang mga daanan ng ilong. Bukod dito, ang ointment na ito ay nagtataglay ng pain relieving property at nakatutulong sa pagpapawala ng sakit ng ulo at mga kalamnan. Ganunpaman, hindi iminumungkahi na ipahid ito sa bukana ng ilong sapagkat maaari itong magdulot ng pagka-irita. Kung gustong lumuwag nang husto ang nagbarang ilong, maaari namang gumamit ng inhaler na uri nito sa halip na

Kung ang sipon ay hindi gumagaling kahit nagawa na ang mga nabanggit na home remedy, ang doktor ay maaaring magmungkahi ng mga sumusunod na lunas:

  • Pag-inom ng mga gamot. Hindi nangangailangan ng antibiotic ang sipon sapagkat ang uri ng gamot na ito ay para sa mga sakit na dulot ng bacteria Ang mga gamot na maaaring inumin kapag may sipon ay mga gamot gaya ng decongestant upang lumuwag ang sipon at madaling mailabas. Bukod dito, maaari ring uminom ng paracetamol o ibuprofen kung may mga sintomas ng pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, at lagnat. Puwede ring uminom ng antihistamine lalo na kung ang sipon ay dulot ng alerhiya.
  • Paggamit ng mga decongestant nasal spray. Bagama’t may mga decongestant na gamot na iniinom, mayroon din itong nasal spray na uri. Sa pamamagitan nito, ang mga kumapal at namagang blood vessel o daluyan ng dugo sa ilong ay iimpis at magbibigay sa pasyente ng mas maginhawang paghinga.
  • Paggamit ng saline nasal drops. Ang saline nasal drops ay karaniwang ibinibigay sa mga sanggol o bata. Ito ay sterilized water na naglalaman ng saline solution o kaunting dami ng asin. Dahil sa saline solution, tinutunaw nito ang sipon at binabawasan ang pamamaga ng mga daanan ng ilong. Para gamitin ito, bahagyang itingala ang ulo ng bata at patakan ito ng saline nasal drops ayon sa payo ng doktor. Kadalasan, ang mabibiling saline nasal drops ay mayroon na’ng kasamang Kung ang ilong ng bata ay nababarahan ng sipon, linisin muna ito gamit ang malinis na tuwalya o sipsipin ito gamit ang nasal bulb o nasal aspirator.
  • Pag-inom ng mga supplement. Sa ibang mga doktor, nireresetahan din nila ang kanilang mga pasyente ng mga supplement. Ang mga supplement kasi ay nakatutulong sa mas mabilis na paggaling ng mga pasyenteng may sipon. Ilan lamang sa mga supplement na puwedeng ireseta ng doktor ay yung mga nagtataglay ng bitamina C, echinacea, o zinc. Ayon sa mga pag-aaral, ang pag-inom ng vitamin C supplement ay nakababawas ng kalubhaan ng sipon kaya naman mas mabilis na gumagaling ang pasyente. Ang echinacea supplement naman ay nakapagpapataas ng dami ng white blood cell sa katawan. Ang white blood cell ay nagsisilbing sundalo ng katawan na tumutulong sa pagpuksa ng mga mikrobyo. Kapag dumami ang mga ito, mas mabilis nilang mapupuksa ang mga mikrobyong sanhi ng sipon. Maaari ring magreseta ang doktor ng zinc supplement. Ayon sa mga pag-aaral, pinipigilan nito ang pagdami ng virus na sanhi ng sipon, partikular na ang rhinovirus. Bukod dito, pinipigilan ng zinc ang pagkapit ng virus sa mga mucous membrane ng ilong at lalamunan.

Bagama’t ang sipon ay maaaring gamutin sa bahay lamang, iminumungkahi na magpakonsulta agad sa doktor lalo na kung ang sipon ay may kasamang mataas na lagnat na hindi gumagaling, o kaya naman ay hirapan na sa paghinga ang pasyente. Kung sanggol ang may sipon, iminumungkahi na dalhin agad sila sa doktor lalo na kung wala pang higit na tatong buwan ang kanyang edad sapagkat maaaring sintomas ito ng pulmonya.

Sanggunian