Buod

Ang anumang problema sa pagtulog ay hindi dapat ipagsawalang bahala. Maging ang simpleng paghilik ay maaaring senyales na pala ng isang delikadong kondisyon gaya ng sleep apnea.

Ang sleep apnea ay isang laganap na uri ng problema sa pagtulog na nakaaapekto sa maraming Filipino. Apat sa 100 lalake at 2 sa 100 babae ay mayroon nito. Ang pinakakilalang senyales ng sleep apnea ay ang malakas na paghilik na may kasamang pagtigil ng paghinga habang natutulog. Dahil dito, maaaring maihanay ito bilang isang karamdaman sa respiratory system ng katawan.

Kadalasang nagkakaroon ng sleep apnea dahil nahaharangan ang itaas na bahagi ng daluyan ng hangin o upper airway. Maaaring ito ay dulot ng katabaan, namamagang tonsils, at iba pang kondisyon na puwedeng makaantala sa paghinga habang natutulog.

Ang nakababahala sa sleep apnea ay hindi alam ng taong apektado na mayroon pala sila nito, lalo na kung walang nag-oobserba sa kanilang pagtulog. Ang patigil-tigil na paghinga habang natutulog ay delikado at posibleng ikamatay kalaunan sapagkat hindi nahahatiran ng sapat na oxygen ang iba’t ibang parte ng katawan.

Bagama’t ang sleep apnea ay delikado, posible namang magamot ang kondisyon na ito sa pamamagitan ng medikasyon, therapy, paggamit ng oral appliances, at pagpapa-opera. Upang hindi ka magkaroon ng sleep apnea, alamin ang mga sintomas, gamot, at sanhi nito.

Kasaysayan

Ang sleep apnea ay laganap na noong sinaunang panahon pa lamang, mahigit 2,000 taon na ang nakararaan. Kilala ito sa tawag na Pickwickian Syndrome noong ika-19 na siglo at ito ay inilarawan bilang isang kondisyon na may naantalang paghinga dulot ng katabaan. Subalit, ang pag-aaral na ito ay tumutok lamang sa katabaan at hindi bilang isang uri ng problema sa pagtulog.

Nabigyang linaw lamang ang kondisyon na ito noong taong 1965, na kung kailan ay opisyal na nadiskubre ang sleep apnea sa pamamagitan ng polysomnography. Ang polysomnography ay isang klase ng pag-aaral sa pagtulog at itinatala nito ang brain waves, lebel ng oxygen sa dugo, bilis ng pagtibok ng puso, at paghinga.

Kasunod ng pagkakadiskubre ng sleep apnea ay ang pag-imbento ni Colin Sullivan, isang doktor at propesor na Australyano, ng nasal Continuous Positive Airway Pressure o CPAP noong taong 1980. Ang CPAP ay isang makina na nakatutulong upang makatanggap ng sapat na hangin ang taong may sleep apnea.

Mga Uri

Ang sleep apnea ay may 3 uri. Kabilang na rito ang mga sumusunod:

  • Obstructive Sleep Apnea (OSA) – Ang ibig sabihin ng “obstructive” ay may nakaharang o nakabara. Kaya naman sa kondisyon na Obstructive Sleep Apnea o OSA, ang itaas na bahagi ng daluyan ng hangin ay nababarahan. Ito ay nangyayari kapag ang mga masel sa lalamunan o dila ay masyadong naka-relax habang natutulog. Ito ay dahil posibleng “kumapal” ang lalamunan o “umurong” ang dila at bahagya o tuluyan nitong takpan ang daluyan ng hangin na siyang nagiging sanhi ng patigil-tigil na paghinga. Ang madalas na maapektuhan ng OSA ay ang mga taong may katabaan, pero hindi ibig sabihin nito ay ligtas na sa OSA ang mga taong payat at yung mga taong may katamtamang timbang.
  • Central Sleep Apnea (CSA) – Sa Central Sleep Apnea naman o CSA, naaantala ang paghinga sa pagtulog sapagkat hindi nagawang magbigay ng utak ng senyales na ikaw ay huminga. Hindi ito gaya ng OSA na may pisikal na nakabara. “Central” ang tawag sa uri na ito, sapagkat ang utak ang siyang pinaka-puno o command center ng ating katawan. Sa oras na magkaroon ng diperensya ito, maraming parte ng katawan ang maaapektuhan. Kadalasan, hindi nagagawa ng utak na magbigay ng senyales na huminga lalo na kung may iba pang karamdaman gaya ng sakit sa puso o stroke.
  • Complex Sleep Apnea Syndrome – Ang ibig sabihin ng “complex” ay komplikado o mas malala. Sa uri ng sleep apnea na ito, pinagsama ang panganib na hatid ng OSA at CSA. Bukod sa may nakabara sa daluyan ng hangin, ay hindi pa nagagawa ng utak na magbigay ng senyales na huminga habang natutulog.

Mga Sanhi

Image Source: newsnetwork.mayoclinic.org

Ang mga uri ng sleep apnea ay may iba’t ibang sanhi. Pero kadalasan, ang mga sanhi ng OSA at CSA ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng mabigat na timbang – Ang pagiging overweight o sobra sa timbang ay isa sa mga numero unong dahilan ng pagkakaroon ng OSA. Kapag bumibigat ang timbang, hindi lamang ang mga panlabas na parte ng katawan ang tumataba. Kahit ang mga parte sa loob ng katawan gaya ng lalamunan ay pwedeng magkaroon ng extra na tisyu, masel, o taba kaya naman sumisikip ang daluyan ng hangin.
  • Pamamaga ng tonsils – Ang namamagang tonsils ay maaari ring magdulot ng patigil-tigil na paghinga habang natutulog. Hindi kasi makalabas at makapasok ang hangin nang maayos sapagkat pinasisikip ng namamagang tonsils ang daluyan ng hangin. Namamaga ang tonsils dahil sa impeksyong hatid ng bacteria o virus, at ng mga allergy.
  • Malalang karamdaman – Ang pagkakaroon ng malalang karamdaman gaya ng sakit sa puso, stroke, pinsala sa bungo, utak at likod, at marami pang iba ay posibleng magdulot ng CSA. Kapag may malalang karamdaman ang katawan, ang utak ay nagkakaroon ng bahagya o malaking diperensya na siyang nagiging dahilan para hindi nito magawang magbigay ng senyales na huminga.

Sintomas

Image Source: www.storieshub.net

Paano nga ba malalaman kung ang malakas na paghilik ay sleep apnea na? Bagama’t ang paghilik ay isa sa numero unong senyales, may iba-iba pang sintomas ang sleep apnea gaya ng mga sumusunod:

  • Malakas na paghilik na may kasamang pagtigil ng paghinga – Ang ibig sabihin ng “apnea” sa salitang Griyego ay “walang hininga.” Hindi porket humihilik nang malakas ay naapektuhan ka na ng kondisyon na ito. Kailangan itong may kasamang pagtigil ng paghinga para masabing sleep apnea.
  • Parang nabubulunan o humahangos ang paghinga – Ang taong may sleep apnea ay magigising paminsan-minsan na parang nabubulunan o humahangos ang paghinga. Nagpupumilit kasi ang katawan na kumuha ng maraming oxygen dahil sa nakukulangan ito.
  • Masakit at tuyong lalamunan paggising – Dahil sa nahihirapan ang katawan sa paghinga gamit ang ilong lamang, ang taong may sleep apnea ay walang malay na ibinubuka ang kanyang bibig para mas makasagap ng hangin. Ang resulta nito ay ang pagkakaroon ng masakit at tuyong lalamunan paggising.
  • Insomnia o hindi makatulog nang maayos – Ang sinumang may sleep apnea ay madalas ding makakaranas ng insomnia. Dahil sa naaantalang paghinga, ang taong may sleep apnea ay madalas magising sa kalagitnaan ng kanyang pagtulog.
  • Panghihina at laging inaantok – Para may sapat na enerhiya kinabukasan, ang isang tao ay nangangailangan ng 7 hanggang 9 oras na tulog. Pero ang taong may sleep apnea ay hindi nakakukumpleto ang rekomendadong oras na ito, kaya siya ay madalas na nanghihina at laging inaantok.
  • Pananakit ng ulo at pagiging makakalimutin – Sa sleep apnea, ang utak ay hindi nakatatanggap ng sapat na oxygen, kaya naman nakararanas ng pananakit ng ulo lalo na sa paggising. Maaari rin itong magresulta sa pagiging makakalimutin.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Sino nga ba ang mga taong madalas maapektuhan ng sleep apnea? Kung ikaw ay kabilang sa alinman sa mga sumusunod, kailangan ng mas maigting na pag-iingat para hindi ka magkaroon nito.

  • Edad na 45 pataas – Ang sinumang may edad 45 pataas ay mas malaki ang posibilidad na magka-sleep apnea. Sa edad na ito kasi madalas dapuan ng kung anu-anong sakit gaya ng sakit sa puso, stroke, at mga kondisyong may kinalaman sa utak. Posible itong magresulta sa Central Sleep Apnea o CSA.
  • Kamag-anak na may sleep apnea – Ang sleep apnea ay namamana. Kung may myembro sa pamilya na nagka-sleep apnea, posibleng magkaroon ka rin nito.
  • Malapad na leeg – Tumataas din ang posibilidad na magkaroon ng sleep apnea kung may malapad na leeg. Ayon sa pag-aaral, ang mga taong may malalapad na leeg ay mas maraming tissue o laman sa bibig at lalamunan na posibleng maging dahilan ng pag-antala ng paghinga habang natutulog.
  • Mga lalaki – Ayon sa pag-aaral, ang mga lalaki ang mas madalas magkaroon ng sleep apnea kaysa sa mga babae. Iba kasi ang istruktura ng kanilang pangangatawan, lalo na ang kanilang leeg. Bukod dito, mas mabilis din daw numipis ang kanilang cerebral cortex (parte ng utak), na posible ring magdulot ng CSA.
  • Sobrang timbang – Gaya ng nabanggit noong una, ang mga taong may sobrang timbang ay nanganganib magkaroon ng sleep apnea. Nagkakaroon ng extra na tisyu, masel, o taba ang ilang parte ng katawan na pumapalibot sa daluyan ng hangin, kaya naman ito ay nababarahan o sumisikip.
  • Altapresyon o high blood pressure – Kadalasan, ang pagkakaroon ng altapresyon ay nagdudulot din ng sleep apnea. Kapag mataas ang presyon, ibig sabihin ay may extra na taba sa loob ng katawan na posibleng inaantala ang daluyan ng hangin.

Pag-Iwas

Image Source: www.wikihow.com

Upang maiwasang magkaroon ng sleep apnea, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod:

  • Panatilihin ang tamang timbang – Dahil isa ang katabaan sa mga sanhi at salik sa panganib ng sleep apnea, mainam na panatilihin ang tamang timbang, nang sa gayon ay hindi maiipit ng extra na tisyu, masel, o taba ang daluyan ng hangin. Mag-ehersisyo at kumain ng masustansyang pagkain para hindi lumaki nang lumaki ang timbang.
  • Huwag uminom ng alak at manigarilyo – Ang pag-inom ng alak at paninigarilyo ay nakapagpapataas ng presyon. Tandaan, ang pagkakaroon ng high blood pressure ay isa rin sa mga salik sa panganib ng sleep apnea.
  • Matulog nang nakatagilid – Mas mainam na matulog nang nakatagilid para mas maganda ang paglabas at pagpasok ng hangin sa iyong katawan. Ayon sa pag-aaral, ang pagtulog sa likod o supine position ay lalong nagpapalala ng paghihilik at nagpapahirap ng paghinga.

Ang sleep apnea ay isang delikadong kondisyon na sa mga malalang sitwasyon ay maaaring ikamatay. Kung may nagsabi sa iyo na malakas kang maghilik at parang tumitigil ang iyong paghinga, huwag balewalain at magpakonsulta agad sa doktor para malapatan ng karampatang lunas.

Sanggunian