Buod
Ang sore eyes ay kondisyon sa mga mata na bunga ng iba’t ibang mga impeksyon at nakaiiritang mga sanhi. Ito ay tinatawag din na conjunctivitis o kaya naman ay “pink eye” dahil sa kulay ng mga mata ng mga taong mayroon nito. Sa malalalang kondisyon naman, ang mga mata ay maaaring maging kulay pula.
Nagkakaroon ang tao ng sore eyes kapag namaga ang mata dulot ng mga irritant o sangkap na nakaiirita. Maaari rin itong maging bunga ng mga mikrobyo, katulad ng ilang mga bacteria at virus. Kapag ito ay dulot ng mikrobyo, ito ay lubhang nakahahawa.
Ang pamumula at pamamaga ng mga mata kapag may sore eyes ay maaaring bunga ng alikabok, maruming contact lens, o anumang maliliit na bagay na nakapasok sa mga mata. Maaari rin itong bunga ng pagkahawa sa taong may viral or bacterial na conjunctivitis.
Ang mga karaniwang sintomas nito na nakikita sa mga mata ay ang pamumula, pamamaga, pananakit, pagluluha, pagmumuta, maging ang pagkakaroon ng makati o mahapdi na pakiramdam ng mga ito.
Maaaring lunasan ang sore eyes sa pamamagitan ng mga anti-allergy na mga gamot (kung ito ay dulot ng alerhiya), mga antibiotic (kung ito ay dulot ng bacteria), at anti-redness na mga lunas na ipinapatak sa mga mata (kung ito ay dulot ng mga irritant). Samantala, ang viral na sore eyes ay walang gamot. Kusa na lamang itong nawawala pagkaraan ng ilang mga araw.
Kasaysayan
Ang sore eyes ay singtanda na ng panahon. Pablihasa ay napakarami ng uri ng sakit na ito, kaya walang tiyak na tala na makapagtuturo kung kailan ito tiyak na naging kondisyong medikal.
Mga Uri
Marami ang uri ng sore eyes batay sa mga sanhi ng mga ito. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
- Bacterial na sore eyes. Ito ay isa sa mga karaniwang uri ng sore eyes. Ito ay dulot ng bacteria na umaapekto sa mga mata mula sa iba’t ibang pinanggagalingan. Nagkakaroon ang sinuman ng sakit na ito sa pamamagitan ng physical contact o pagdiki sa taong mayroon nito. Ang mga halimabawa ng bacteria na nagdudulot ng bacterial na sore eyes ay ang Staphylococcus aureus, Haemophilus influenzae, Streptococcus pneumoniae, maging ang Pseudomonas aeruginosa. Ang pinakamabisang lunas sa sore eyes na dulot ng mga bacteria na ito ay ang mga antibiotic na cream o kaya ay eye drops.
- Viral na sore eyes. Ang viral na sore eyes ay isa pa sa mga karaniwang uri ng kondisyong ito. Dulot ito ng mga virus na kumakalat sa hangin at lubha itong nakahahawa. Ito ay kumakalat sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing ng taong apektado nito. Ang virus na nagdudulot ng sore eyes ay maaaring kaugnay din ng mga impeksyong nagdudulot ng tigdas, flu, maging ng karaniwang sipon. Ang uri ng sore eyes na ito ay hindi maaaring gamutin ng mga antibiotic. Ito ay karaniwang nawawala lamang nang kusa. Ang nilulunasan sa uri ng sakit na ito ay ang mga sintomas, kagaya ng pamamaga, pananakit, maging ang labis na pagluluha.
- Gonococcal at chlamydial na sore eyes. Ang sore eyes ay maaari ring makuha sa pakikipagtalik sa mga taong may nakahahawang sakit, katulad ng tulo at klamidya (chlamydia). Ang mga bagong panganak na sanggol ay maaari ring magkaroon ng sore eyes kung ang kanilang ina ay mayroon ng mga nabanggit na sakit. Ang isa sa mga uri ng impeksyong dulot ng chlamydia ay ang trachoma. Ito naman ay nagdudulot ng mga peklat sa ibabaw ng mga mata at maaaring magdulot ng pagkabulag kung hindi maaagapan.
- Sore eyes na dulot ng mga allergen. May uri naman ng sore eyes na dulot ng mga allergen. Ito ay maaaring bunga ng pagkalantad alikabok, pollen ng mga bulaklak, maging ng mga kemikal. Ginagamot ito sa pamamagitan ng mga eye drops na may antihistamine para lunasan ang mga allergic reaction. Ang allergic na uri ng sore eyes ay maaaring pana-panahon lamang, lalo na kapag ang allergen na sanhi nito ay natatagpuan sa kalikasan, katulad ng mga pollen ng bulaklak.
- Sore eyes na dulot ng mga irritant. Ang mga contact lens na suot-suot nang matagal ay maaaring makairita sa mga mata at maging sanhi ng labis na pangangati ng mga ito. Ito ay maaaring mauwi sa pagkakaroon ng sore eyes. Ganito rin ang magiging epekto ng iba pang mga irritant, kagaya ng maliliit na mga insekto, mga maaanghang na pagkain, makeup, pulbo, alikabok, at iba pang maliliit na mga bagay na nakapasok sa mga mata. Kapag ang mga contact lens ang sanhi ng sore eyes, malulunasan ito sa pamamagitan ng pagpahinga mula sa pagsuot nito hanggang sa mawala ang mga sintomas.
Mga Sanhi
Ang sore eyes ay maaaring dulot ng alinman sa mga sumusunod:
- Mga virus (ito ang pinaka karaniwang dulot nito)
- Mga bacteria (isa rin sa pangunahing sanhi ng sore eyes)
- Iba’t ibang uri ng mga allergy
- Pagtalsik ng kemikal sa mga mata
- Pagkapuwing
- Baradong labasan ng luha (tear duct), lalo na sa mga sanggol
- Pakikipagtalik sa taong may nakahahawang sakit sa mata
Mga Sintomas
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Ang mga nakikitang sintomas ng sore eyes ay batay sa sanhi nito. Subalit, ang lahat ng uri ng sore eyes ay may mga magkakatulad ng sintomas, kagaya ng mga sumusunod:
- Labis na pamumula sa puti ng mga mata o kaya ay sa ilalim ng mga talukap
- Labis na pangangati ng mga mata
- Pag-agos ng malapot na dilaw na likido na kapag natuyo ay sumasara sa mga talukap ng mga mata
- Pag-agos ng berde o kaya ay puting likido mula sa mga mata
- Pagkakaroon ng tila mainit na pakiramdam sa mga mata
- Pamamaga ng conjunctiva (manipis na takip ng mata)
- Labis na pagluluha
- Paglabo ng paningin
- Pagiging maselan sa liwanag
- Pamamaga ng mga kulani, lalo na kung ito ay sanhi ng virus
Mga Salik sa Panganib
Image Source: unsplash.com
Maaaring magkaroon ng sore eyes ang sinuman dahil sa mga sumusunod na mga salik:
- Paggamit ng mga bagay na nagdudulot ng allergic reaction sa mga mata
- Pakikihalubilo sa taong apektado ng sore eyes na dulot ng virus o bacteria
- Paggamit ng contact lens nang mahabang panahon
Pag-Iwas
Image Source: unsplash.com
Ang sore eyes na dulot ng mga allergen ay maiiwasan sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga trigger nito. Samantala, ang sore eyes naman na dulot ng bacteria o virus ay mangangailangan ng mas mahigpit na mga hakbang para maiwasan. Dabil lubhang nakahahawa ang viral at bacterial na sore eyes, kailangang sundin ang mga sumusunod para maka-iwas at mapigilan ang pagkalat nito:
- Ugaliing maghugas ng mga kamay at gumamit ng mga antibacterial na mga sabon o kaya ay ng hand sanitizer o alcohol. Lalo itong kailangang gawin kapag nakahawak ng mga kasangkapang ginamit ng taong may sore eyes.
- Iwasang hawakan o kamutin ang nangangating mga mata.
- Iwasang gamitin ang anumang kasangkapan na ginagamit ng taong may sore eyes, kagaya ng tuwalya, kumot, kobre ng unan, at damit.
- Ugaliing linisin lagi ang salamin para sa mga mata.
- Linisin at ilagay ang mga contact lens sa malinis na lagayan. Sundin ang mga tagubilin ukol sa tamang paglilinis sa mga ito.
- Iwasang gamitin ang makeup o kaya ay ang salamin sa mata ng ibang tao.
Sanggunian
- https://www.webmd.com/eye-health/eye-health-conjunctivitis#1
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pink-eye/symptoms-causes/syc-20376355
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/157671.php
- https://nei.nih.gov/health/pinkeye/pink_facts
- https://en.wiktionary.org/wiki/conjunctivitis#Etymology
- https://en.wikipedia.org/wiki/Conjunctivitis#History
- https://www.allaboutvision.com/conditions/conjunctivitis-types.htm