Buod

Kung may atake sa puso, mayroon ding atake sa utak at mas kilala ito sa tawag na stroke. Ang stroke ay isang nakamamatay na sakit na nakaaapekto sa utak. Sa Pilipinas lamang, ang stroke ay itinuturing na pangalawa sa sampung mga pangunahing sakit na nakamamatay. Sa katunayan, halos 300,000 na Pilipino ay nanganganib na magkaroon ng stroke taun-taon.

Kadalasang nagkaka-stroke ang isang tao dahil sa mga sumusunod: malakas na pag-inom ng alak at paninigarilyo, pagkakaroon ng labis na timbang, pagkakaroon ng diabetes, pagkakaroon ng altapresyon, at marami pang iba. Ang mga ito ay nagdudulot ng pagbabara o pagdurugo sa mga ugat ng utak, kaya naman walang sapat na oxygen ang dumadaloy sa mga ugat. Kapag nangyari ito, ang mga selula ng utak ay unti-unting mamamatay at posibleng maging sanhi ng permanenteng pinsala sa utak.

Kapag ang isang tao ay nagka-stroke, makararamdam siya ng pamamanhid sa kalahating bahagi ng kanyang katawan at mahihirapan din siya sa pagsasalita. Marami pang mga sintomas ang stroke, pero ang mga nabanggit ang pinakakilalang sintomas.

Bagama’t ang stroke ay nakamamatay lalo na kung hindi ito naagapan, maaari pang maka-recover sa stroke kapag nalapatan ng karampatang lunas.

Kasaysayan

Ang unang nakadiskubre ng sakit na stroke ay ang Ama ng Medisina, si Hippocrates. Pero noong kapanahunan niya, ang tawag pa sa stroke ay apoplexy. Dahil sa kakulangan ng teknolohiya, hindi pa matukoy noon ng mga doktor kung ano ba talaga ang sanhi ng apoplexy at paano gamutin ito. Ang tanging alam nila ay nagdudulot ito ng pagkaparalisa sa katawan at nakaaapekto ito sa pang-araw-araw na pamumuhay ng tao.

Pero noong sumapit ang kalagitnaan ng ika-16 na siglo, nadiskubre ni Jacob Wepfer na ang mga pasyenteng namatay dahil sa apoplexy ay nagkaroon ng pagbabara at pagdurugo sa utak. Dahil sa pagkakadiskubreng ito, patuloy na pinag-aralan ng iba pang mga doktor at mananaliksik ang apoplexy. At noong 1928, nabansagan ang apoplexy bilang stroke.

Mga Uri

Ayon sa American Stroke Association, mayroong 5 uri ng stroke o atake sa utak at ito ay ang mga sumusunod:

  • Ischemic Stroke – Ang ischemic stroke ay ang pinakalaganap na uri ng stroke. Base sa datos, 87% ng stroke ay ischemic stroke. Nagkakaroon nito kung ang mga ugat sa utak ay nabarahan ng mga namuong taba o dugo.
  • Hemorrhagic Stroke – Kung ang ischemic stroke ay ang pagbabara ng mga ugat, ang hemorrhagic stroke naman ay ang pagdurugo ng mga ugat. Dahil sa pagtaas ng presyon sa utak, ang mga ugat nito ay maaaring pumutok o malagot, kaya naman nagkakaroon ng pagdurugo.
  • Transient Ischemic Attack (TIA) – Ang transient ischemic attack o TIA ay kaugnay ng ischemic stroke, pero hindi ito kasinglala nito. Sa TIA, nagkakaroon ng pansamantalang pagbabara ng mga ugat. Bagama’t hindi ito kasinglala ng ischemic stroke, hindi pa rin ito dapat balewalain. Ang TIA ay hudyat na maaaring magkaroon ng mas malalang stroke na magdudulot ng permanenteng pinsala sa utak.
  • Cryptogenic Stroke – Ang cryptogenic stroke ay isang uri ng stroke na hindi malaman-laman kung ano ang dahilan kahit madami na’ng laboratory tests ang isinagawa. Sa kasong ito, nangangailangan pa ng maigting na kolaborasyon sa pagitan ng mga neurologist, cardiologist, at electrophysiologist.
  • Brain Stem Stroke – Kapag nagka-stroke ang isang tao, ang kadalasang napaparalisa ay ang kalahating parte ng katawan. Pero kapag ito ay isang brain stem stroke, ang buong katawan ay napapaparalisa. Sa uri ng stroke na ito, hindi magagawang makapagsalita at makakilos ang pasyente.

Mga Sanhi

Image Source: unsplash.com

Kadalasang nagkaka-stroke ang karamihan sa mga Pilipino dahil sa pagkakalulong sa bisyo, o kaya naman ay may iba silang karamdaman na nagiging sanhi ng stroke. Upang makaiwas sa stroke, narito ang iba’t ibang sanhi nito.

  • Labis na pag-inom ng alak – Marami sa mga kabataang Pilipino ay labis-labis na ang pag-inom ng alak. Base sa datos, kahit edad 20-anyos pa lamang ay pwede nang magka-stroke. Ang alak kasi ay maraming masamang naidudulot. Pinapalabnaw nito ang dugo na siyang maaaring magdulot ng hemorrhagic stroke.
  • Paninigarilyo – Bukod sa alak, ang paninigarilyo ay isa rin sa mga sanhi ng stroke. Ang sigarilyo ay naglalaman ng nikotina na siyang nagiging dahilan ng pamumuo ng dugo. Dahil dito, nagkakaroon ng pagtaas sa presyon at ang mga cell ng utak ay namamatay dahil sa kakulangan ng oxygen.
  • Mataas na presyon – Ang pagkakaroon ng mataas na presyon ay pwede ring magresulta sa stroke. Kung ang presyon ay 140/90 pataas, dapat magkaroon ng maigting na pag-iingat sa lifestyle o paraan ng pamumuhay.
  • Sakit sa puso – Anumang uri ng sakit sa puso ay posibleng magdulot ng stroke. Dahil kadalasang may nakabarang taba sa mga ugat ng katawan, hindi malayong umabot din ito sa mga ugat ng utak.
  • Labis na timbang – Base sa pag-aaral, ang mga taong may labis na timbang ay siyang madalas magkaroon ng transient ischemic attack o TIA. Dahil sa mga naiipong taba sa mga ugat, ang daluyan ng dugo ay sumisikip at nagdudulot ito ng mataas na presyon. Kapag tumaas na ang presyon at ito ay lumala nang lumala, posibleng magka-stroke ang isang tao.
  • Diabetes – Isa pang sanhi ng stroke ay ang diabetes. Ayon sa pag-aaral, ang pagkakaroon ng mataas na blood sugar level ay nakapipinsala sa mga ugat ng katawan, lalo na ang mga ugat sa utak.

Sintomas

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Masasabing nagkaka-stroke ang isang tao kung nakararanas siya ng alinman sa mga sumusunod na sintomas:

  • Biglaang pamamanhid ng kalahating bahagi ng katawan – Ang pinakakilalang sintomas ng stroke ay ang biglaang pamamanhid ng kalahating bahagi ng katawan gaya ng mukha, braso, at binti. Kadalasan, ito ay kalahating bahagi lamang sapagkat kalahating bahagi lang din ng utak ang naaapektuhan ng stroke.
  • Pagkalito at hirapan sa pagsasalita – Dahil apektado ang kalahating bahagi ng utak, ang taong may stroke ay makararanas ng pagkalito. Mahihirapan din siyang magsalita sapagkat hindi niya makontrol nang ayos ang kanyang dila.
  • Paglabo ng mga mata – Makararanas din ng paglabo ng isa o dalawang mata ang taong may stroke. Ayon sa datos, 20% ng naka-recover sa stroke ay nagkaroon na ng permanenteng panlalabo ng mga mata.
  • Biglaang pananakit ng ulo – Dahil ang utak ay hindi nabibigyan ng sapat na oxygen, makararamdam ang pasyente ng biglaang pananakit ng ulo. Bukod dito, makararanas din ang pasyente ng pagkahilo.
  • Hindi makabalanse at makalakad nang maayos – Isa pang sintomas ng stroke ay ang hindi makabalanse at makalakad nang maayos. Nawawalan ng koordinasyon sa pagkilos ang taong may stroke sapagkat may pinsala ang utak at hindi nito magawang bigyan ng senyales ang naparalisang bahagi ng katawan.

Mga Salik sa Panganib

Lahat ay posibleng magkaroon ng stroke, pero lalong tataas ang posibilidad na maapektuhan ng kondisyon na ito kung nabibilang alinman sa mga sumusunod:

  • Edad at kasarian – Kahit 20-anyos pa lamang ay pwedeng ma-stroke, pero lalong tataas ang posibilidad na ma-stroke habang tumatanda. Bukod sa edad, ang kadalasang naaapektuhan ng stroke ay ang mga kalalakihan. Pero ayon sa datos, ang madalas na mamatay sa stroke ay mga kababaihan.
  • Lahi at etnisidad – Base sa pag-aaral, ang mga African-American, Alaskan Native, at American Indian ang mas naaapektuhan ng stroke kaysa ibang lahi. Ito ay dahil sa kanilang lifestyle o paraan ng pamumuhay, pati na rin sa kakulangang medikal at pinansyal na tulongs.
  • Kamag-anak na may stroke – Kung ang ilan sa iyong mga kamag-anak ay nagka-stroke na, malaki rin ang posibilidad na magkaroon nito. Minsan, ang stroke ay dulot ng isang genetic disorder at maaari itong mamana.
  • Pagkakalulong sa bisyo – Isa din sa mga salik sa panganib ang pagkakalulong sa bisyo gaya ng labis na pag-inom ng alak at paninigarilyo. Ang pag-inom ng alak ay pwedeng magdulot ng pagdurugo sa utak, samantalang ang paninigarilyo ay nagiging sanhi ng pagbabara ng mga ugat.
  • Katabaan at hindi aktibong pamumuhay – Kung ang tao ay napakalabis ang timbang at sinabayan pa ng hindi aktibong pamumuhay, tataas din ang posibilidad niya na magka-stroke. Maiipon nang maiipon ang taba sa mga ugat ng utak hanggang sa ito ay magbara at magdulot ng pinsala.
  • Pagkakaroon ng ibang karamdaman – Marami ring sakit ang nagdudulot ng stroke gaya ng high blood pressure, sakit sa puso, at diabetes. Kung hindi mapangangasiwaan nang maayos ang mga sakit na ito, hindi malayong sundan ito ng stroke.

Pag-Iwas

Image Source: unsplash.com

Para maiwasan ang magkaroon ng stroke, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod:

  • Kumain nang tama – Sa pagkain nang tama, maiiwasan ang pagkakaroon ng mataas na presyon, sakit sa puso, labis na timbang, at diabetes—na mga kilalang salik na panganib ng stroke. Upang hindi ma-stroke, kumain ng maraming prutas at gulay at bawasan ang maaalat na pagkain.
  • Mag-ehersisyo – Ang pag-eehersisyo ay nakatutulong upang mapanatili ang wastong timbang. Bukod dito, umaayos ang pagdaloy ng dugo sa buong katawan at nabibigyan ng sapat na oxygen ang utak.
  • Huwag magbisyo – Iwasan na ang pag-inom ng alak at itigil ang paninigarilyo. Ang mga bisyong ito ay nakasasama sa kalusugan at kapag nasobrahan ay hindi lamang stroke ang pwedeng idulot nito.

Kung ma-diagnose ng sakit na stroke, hindi dapat mawalan ng pag-asa. Maraming gamot at lunas para rito. Isa pa, ang stroke ay madalas na nakukuha dahil sa maling lifestyle. Kaya kung aalagaan nang husto ang katawan, maiiwasan ang pagkakaroon nito.

Sanggunian