Buod
Ang tigdas-hangin ay kilala sa tawag na German measles sa wikang Ingles. Sa larangang medikal naman, kilala ito bilang rubella. Ang sakit na ito ay isang uri ng viral infection na dulot ng rubella virus. Maaari itong makuha kung nakalanghap ng hangin na nagtataglay ng nasabing virus. Karaniwang nakukuha ito sa mga droplet o maliliit na laway ng taong infected na umubo, bumahing, o simpleng pagsasalita lamang. Kapag nagkaroon ng karamdamang ito, ang pasyente ay makararanas ng pamamantal at pangangati ng katawan, ubo, sipon, at lagnat.
Karaniwang nagtatagal ang sakit na ito ng 3 araw, kaya naman kilala rin ito sa tawag na three-day measles. Ganunpaman, maaari rin itong magtagal ng hanggang isang linggo batay sa tindi ng kondisyon. Ang sakit na ito ay iba sa tigdas o measles lamang. Ang tigdas ay sanhi ng rubeola virus. Dagdag dito, ang mga sintomas ng tigdas-hangin ay hindi mas malubha kaysa sa tigdas.
Gumagaling naman ang tigdas-hangin nang kusa basta inaalagaan nang maayos ang pasyente sa bahay. Ang karaniwang kailangan lamang ng pasyente ay ang pag-inom ng gamot sa lagnat at maraming tubig upang gumaling sa sakit na ito.
Kasaysayan
Ang tigdas-hangin ay unang nailahad noong kalagitnaan ng ika-18 siglo. Si Friedrich Hoffman ang kauna-unahang naglahad ng kondisyong ito noong taong 1740. Si George de Maton naman ang kauna-unahang nagsabi na dapat na ituring na ibang kondisyon ang tigdas-hangin sa tigdas at scarlet fever. Dahil ang mga kauna-unahang nakatuklas ng sakit na ito ay Aleman, tinaguriang German measles ang tigdas-hangin.
Noong taong 1940, nagkaroon ng epidemya ng tigdas-hangin sa Australia at napag-alaman na maraming mga buntis at sanggol ang naapektuhan. Nagkaroon din ng pandemic nito sa pagitan ng taong 1962 at 1965 sa Europa na kumalat naman sa Estados Unidos. Sa pandemic na ito, ang Estados Unidos ay tinatayang nagkaroon ng 12.5 milyong mga kaso ng tigda-hangin.
Umunti lamang ang mga kaso ng tigdas-hangin nang makatuklas ng bakuna para rito. Subalit, noong bandang mga 1970 lamang natuklasan ang measles-mumps-rubella (MMR) vaccine.
Mga Sanhi
Ang pangunahing sanhi ng tigdas-hangin o German measles ay ang rubella virus. Maaaring makuha ang virus na ito sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Paglanghap ng maliliit na droplet ng laway mula sa pag-ubo, pagbahing, o pagsasalita ng infected na tao
- Paghawak ng mga bagay na may maliliit na laway ng infected na tao
- Pagpasa ng virus ng infected na buntis sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan
Lubos na nakahahawa ang sakit na ito. Hindi naman gaanong mali ang sabi ng mga matatanda na nakukuha ang tigdas na ito sa hangin sapagkat sa hangin kadalasang matatagpuan ang mga maliliit na laway ng taong infected.
Mga Sintomas
Image Source: kvennabladid.is
Masasabing may tigdas-hangin ang isang tao kung siya ay nakararanas ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagkakaroon ng kulay pink o pulang mga pantal na patuldok-tuldok. Ito ang pinakapangunahing sintomas ng tigdas-hangin na karaniwang nagsisimula sa mukha at kumakalat pababa ng katawan. Ang mga pantal na ito ay maaari ring magdulot ng matinding pangangati.
- Pagkakaroon ng lagnat. Maaari ring magkaroon ng lagnat ang pasyenteng may tigdas-hangin. Ang lagnat ay maaaring umabot ng 38.9 degrees Celsius.
- Pagkakaroon ng conjunctivitis. Dahil sa rubella virus, ang mga mata ay maaaring magkaroon ng conjunctivitis. Sa kondisyong ito, ang mga mata ay namamaga at nagiging tila kulay pink.
- Pagkakaroon ng masakit na ulo. Maaari ring sumakit ang ulo ng pasyenteng may tigdas-hangin. Ang virus kasi ay nagdudulot ng pamamaga ng mga ugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan, gaya ng ulo.
- Pagkakaroon ng ubo at sipon. Para ring may trangkaso ang pasyenteng may tigdas-hangin. Sa sakit na ito, maaari ring magkaroon ang pasyente ng ubo at sipon. Karaniwan ding nakararamdam ang pasyente ng sipon na patulo-tulo.
- Pagkakaroon ng masakit na kasu-kasuan. Karaniwan ang sintomas na ito sa mga batang kababaihan. Bukod dito, ang pasyente ay maaaring makaranas ng pananakit ng kalamnan.
- Pagkakaroon ng namamagang mga kulani. Mapapansin din na nagkakaroon ng namamagang mga kulani ang pasyenteng may tigdas-hangin. Makakapa ang mga ito sa bandang leeg at likod ng mga tenga.
Ang taong nahawaan ng tigdas-hangin ay maaaring hindi agad magpakita ng mga sintomas sapagkat ang incubation period ng sakit na ito ay maaaring magtagal ng 2 araw o hanggang 3 linggo. Ganunpaman, kahit walang ipinapakitang sintomas ang pasyente, maaari na siyang makahawa.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Bata man o matanda ay maaaring magkaroon ng tigdas-hangin. Subalit, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito ang mga sumusunod:
- Mga taong hindi nabakunahan ng MMR vaccine
- Mga sanggol at bata na walang bakuna
- Mga buntis na walang bakuna
Karaniwang hindi na nagkakaroon ng tigdas-hangin ang isang tao kapag siya ay nabakunahan ng MMR vaccine. Ang bakunang ito ay maaaring panlaban sa tigdas-hangin at tigdas. Sa Pilipinas, ibinibigay ang unang dosage ng bakunang ito kapag sumapit ang sanggol sa edad na 9 buwan. Ang ikalawang dosage nito ay ibinibigay naman pagsapit ng 1-taong-gulang ng bata. Subalit, kapag nagka-outbreak ng tigdas sa bansa, maaaring ibigay ang unang dosage nang mas maaga o kapag 6 na buwan na ang sanggol, gaya na lamang noong nagkaroon muli ng measles outbreak noong taong 2019.
Mga Komplikasyon
Bagama’t napakadalang, kapag ang tigdas-hangin ng isang bata o matanda ay hindi nalapatan ng angkop na lunas, maaaring magdulot ito ng mga sumusunod na komplikasyon:
- Pagkakaroon ng rayuma sa mga daliri at tuhod
- Impeksyon sa tenga
- Pamamaga ng utak
- Pulmonya
Subalit, kapag ang tinamaan ng tigdas-hangin ay isang buntis na hindi nakatanggap ng MMR vaccine, malaki ang posibilidad na magkaroon ng problema sa kanyang panganganak at magdulot ng iba’t ibang komplikasyon sa sanggol sa kanyang sinapupunan. Maaaring magdulot ito ng mga sumusunod:
- Pagkalaglag ng bata sa sinapupunan o maagang panganganak
- Pagkakaroon ng sanggol ng mga congenital disorders na gaya ng mga sumusunod:
- Pagkabansot
- Katarata
- Pagkabingi
- Sakit sa puso
- Sakit sa pag-iisip
- Sakit sa utak, atay, o mga baga
Dahil sa mga panganib na dulot nito sa sanggol, iminumungkahi ng mga doktor na siguraduhin muna ng mga kababaihan na kumpleto sila sa bakuna bago magplano ng pagbubuntis.
Pag-Iwas
Image Source: nagelrice.com
Upang hindi mahawaan ng tigdas-hangin, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod:
- Pabakunahan ang sanggol. Ang pinakamabisang paraan upang hindi mahawaan ng tigdas-hangin ang sanggol ay ang pabakunahan siya. Nagbibigay naman ng libreng MMR vaccine at iba pang mga uri ng bakuna sa mga health center ng barangay. Kung ayaw sa health center, maaari namang pabakunahan ang iyong sanggol sa mga pribadong klinika o ospital subalit ito ay may bayad na nagkakahalaga ng 1,500 pesos pataas para sa isang dosage Ang MMR vaccine ay may kabuuan na 2 dosage na ibinibigay tuwing 9 na buwan at 1-taong-gulang.
- Pagpapabakuna habang hindi pa buntis. Kung ikaw ay isang babae na balak magbuntis, magpabakuna ng MMR vaccine. Maaari namang bakunahan pa rin ang mga matatanda nito kung hindi nabakunahan noong kabataan. Subalit, mariing ipinapayo ng mga doktor na magpabakuna nito 1 buwan bago magbuntis. Tandaan na ang MMR vaccine ay naglalaman ng kaunting strain ng mga virus upang makagawa ang katawan ng mga antibody para rito, kaya naman hindi ito puwedeng ibigay kapag buntis na ang isang babae.
Kung hindi pa nakatakdang bakunahan ang sanggol o babaeng may balak magbuntis, iminumungkahing gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:
- Huwag igala ang sanggol sa mga siksikang lugar sapagkat maaaring makasalumuha ng taong infected na walang ipinapakitang sintomas.
- Regular na paliguan ang sanggol upang matanggal ang mga nakakapit na mikrobyo.
- Ugaliing maghugas ng mga kamay nang sa gayon ay mawala ang anumang mga mikrobyo na nakadikit sa mga ito.
- Gawin ang tamang etiketa sa pag-ubo o pagbahing. Takpan ang ilong at bibig gamit ang panyo. Kung walang panyo, umubo o bumahing sa manggas ng damit.