Tigidig. Pimples. Tigyawat. Sabi nila, pag nagbibinata o nagdadalaga na, normal lamang na tumubo ang mga pulang butlig o kaya mga itim na tuldok-tuldok sa mukha. Ngunit mayroon rin namang lagpas na sa kabanatang pagbibinata o pagdadalaga pero mayroon pa ring pimples. Marami na ring haka-haka ang kaugnay sa pagtubo ng mga pimples. May mga nagsasabing may kinalaman daw ito sa pagkain ng mga mamantikang pagkain o ang labis na pagkahilig sa tsokolate. Ano nga ba ang dahilan kung bakit nagkakatagihawat?
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Una, kailangang busisiin kung ano nga ba ang mayroon sa ating balat. Ang ating balat ay mayroong mga maliliit na butas o “pores” na tinatawag. Kaakibat ng bawat butas ay mga buhok na kalimitang manipis at maliliit ang tubo. Hair follicles ang tawag sa dulo ng buhok na nasa loob ng balat. Malapit sa hair follicles ang pinanggagalingan ng langis o “oil”. Sa normal na sitwasyon, hindi masama ang paggawa ng langis dahil ito ang dahilan kung bakit hindi natutuyot ang ating balat. Nagbibigay proteksyon rin ito na tila isang manipis na pananggalang sa mga elemento gaya ng gabok, araw, o mikrobyo. Pag sobra ang produksyon ng langis ng ating balat, madalas natin itong ilarawan na “shiny” o “oily”. Ang sobrang produksyon ng langis at ang hindi regular na pagpapalit balat o “exfoliation” ang kalimitang sanhi ng pagbabara ng pores. Kapag pinagsama ang pawis, dumi, at sobrang langis, maaaring tubuan ito ng mikrobyong sanhi ng pimples, ang Propionibacterium acnes o mas tinatawag na P. acne. Acne ang pangkalahatang medical na tawag sa karaniwang tagihawat.
Mga Kalimitang Uri ng Acne:
- Closed comedones — mas kilala ito sa tawag na “white heads”
- Open comedones — kilala sa tawag na “black heads”
- Pustules — tagihawat na namumula at may nana
Ang pagkakaroon ng tagihwat ay mas mataas sa mga kabataang nakararanas ng puberty. Dahil ito sa mas mataas na lebel ng hormones sa katawan gaya ng testosterone sa kalalakihan. Gayundin ang sa mga kababaihan na sa unang pagkakataon ay nagkakaroon ng menstruation o buwanang dalaw. Bukod pa rito, ang tagihawat ay maaring mairita at lalong lumala kung mapabayaan. Ilan sa mga bagay na nakaka-kontribyut sa paglala ng tagihawat ay ang sumusunod:
Image Source: www.safeguard.ph
- Nakaiirita sa balat ang pagsusuot ng masisikip na damit gaya ng bra, turtle neck, helmet at headband.
- Ang paggamit ng mga produkto sa buhok at balat gaya ng mga kolorete o make-up, at hairspray na may mga kemikal ay nakapagpapalala din ng tagihawat.
- Ang madalas na paghugas ng mukha at madiin na pagkuskos ng balat gamit ang matatapang sabon ay maaring makairita sa tagihawat.
- Matinding pagpapawis.
- Pagdampi ng buhok sa mukha.
- Madalas na paghawak sa mukha.
- Pagkaranas ng stress.