Buod
Ang tipus (typhus fever) ay isang uri ng bacterial infection na dala ng mga kuto, pulgas, garapata, at surot na may mga Rickettsial bacteria. Kapag kinagat ng mga ito, maaaring makapasok ang mga bacteria sa katawan at magdulot ng mga sintomas gaya ng lagnat, pananakit ng ulo, panginginig ng kalamnan, at pagkakaroon ng mga pantal.
Ang sakit na typhus fever ay naiiba sa typhoid fever. Marami ang nalilito sa dalawang sakit na ito dahil bukod sa magkatunog ang mga pangalan nila, parehas din silang mga uri ng bacterial infection. Ang tipus ay sanhi ng mga Rickettsial bacteria na hatid ng mga maliliit na parasitiko, samantalang ang typhoid fever ay sanhi ng mga Salmonella bacteria na nakukuha sa pag-inom o pagkain ng mga kontaminadong tubig at pagkain. Dagdag dito, parehas na laganap ang mga sakit na ito sa mga bansang may kakulangan sa wastong sanitasyon gaya ng Aprika at Asya. Kaya, maaari ring maituring ang tipus bilang sakit na laganap sa mga bansang may tropikal na klima.
Upang malunasan ang tipus, nangangailangang uminom ang pasyente ng mga antibiotic. Ang gamutan ay karaniwang nagtatagal ng pito hanggang sampung araw. Kung hindi naman ganoon kalubha ang mga sintomas, maaaring magpagamot lamang ang pasyente sa bahay. Subalit kung malubha ang mga sintomas, nangangailangang manatili ang pasyente sa ospital.
Kasaysayan
Ang sakit na tipus ay kumakalat na noon pa man. Sa katunayan, unang nailahad ito noong 1489 AD habang nakikipagdigmaan ang mga Espanyol at Muslim sa War of Granada. Ayon sa mga tala, may isang uri ng sakit na nagdudulot ng mga sintomas gaya ng lagnat, mapupulang pantal sa mga braso, likod, at dibdib, pagdedeliryo, at pagkapinsala ng mga kalamnan. Sa pakikipagdigma, napatay ng mga Muslim ang halos 3,000 Espanyol, subalit mas marami ang nasawian ng buhay dulot ng tipus at umabot ito sa bilang na 17,000.
Pagsapit naman ng ika-18 siglo, nagkaroon ng outbreak sa mga preso, kaya naman tinawag din ang tipus na “jail fever.” Ang mga preso noon ay maraming mga kuto at nagsisiksikan sa maliliit na kulungan. Ayon sa mga tala, mas marami pang napatay ang tipus kaysa sa mga hatol na kamatayan ng korte para sa mga preso. Laganap pa kasi noon ang capital punishment o death penalty.
Noong Unang Digmaang Pandaigdig naman, mahigit 3 milyon ang namatay sa tipus kahit na may mga ginagawa na’ng mga paraan upang mapuksa ang mga kuto ng mga sundalo. Nagkaroon din ng outbreak ng tipus noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa kapanahunang ito, namatay din ang kilalang manunulat o diarist na si Anne Frank dahil sa tipus.
Sa kasalukuyan, umuunti na ang mga kaso ng tipus sapagkat natuklasan na ang mga antibiotic na makagagamot sa sakit na ito. Ganunpaman, isa pa rin itong pangkaraniwang sakit lalo na sa mga naglalakbay at mga bakasyonista.
Mga Uri
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Ang tipus ay mayroong iba’t ibang mga uri. Nahahati ang mga uri batay sa parasitiko na kumagat sa isang tao. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Epidemic typhus. Ito ay tipus na hatid ng mga kuto sa katawan ng tao. Ang mga infected na kuto ay karaniwang nagdadala ng mga Rickettsia prowazekii na uri ng
- Murine o endemic typhus. Isa itong uri ng tipus na hatid ng mga pulgas na naninirahan sa mga daga. Ang bacteria na sanhi nito ay ang Rickettsia typhi.
- Scrub typhus. Ito ay tipus na hatid ng mga surot na naninirahan sa mga daga o tao. Ang sanhi nito ay ang bacteria na Orientia tsutsugamushi.
- Spotted fever. Isa itong uri ng tipus na kilala rin sa tawag na Bouttonneuse fever, Rocky Mountain spotted fever, at Queensland tick typhus. Nakukuha ang sakit na ito mula sa kagat ng mga garapata na mayroong bacteria na Rickettsia spotted fever group.
Mga Sanhi
Image Source: www.thesprucepets.com
Ang pinaka-pangunahing sanhi ng tipus ay ang mga Rickettsial bacteria na maaaring makuha sa kagat ng mga sumusunod na parasitiko:
- Kuto
- Pulgas
- Garapata
- Surot
Hindi naman lahat ng mga nabanggit na parasitiko ay may dala-dalang Rickettsial bacteria. Subalit, iminumungkahi pa rin na mag-ingat na makagat ng mga ito.
Mga Sintomas
Image Source: unsplash.com
Ang mga sintomas sa bawat uri ng tipus ay magkakaiba. Subalit, ang mga sumusunod na sintomas ay hindi nawawala sa bawat uri:
- Pagkakaroon ng lagnat
- Pagkakaroon ng mga pantal
- Pagsakit ng ulo
- Panginginig ng mga kalamnan
Narito naman ang mga sintomas ng epidemic typhus:
- Labis na pagsakit ng ulo
- Pagkakaroon ng mataas na lagnat
- Pagkakaroon ng pantal na nagsisimula sa likod o dibdib
- Pagkalito
- Pagkatulala
- Pagbaba ng presyon o hypotension
- Madaling pagkasilaw sa mga ilaw
- Labis na pagsakit ng mga kalamnan
Ang mga sintomas naman ng murine o endemic typhus ay halos natutulad sa epidemic typhus, subalit hindi ito ganoon kalubha. Bukod sa mga nabanggit na sintomas, maaari ring maranasan ng may murine typhus ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng ubong walang plema o dry cough
- Pagduduwal o pagsusuka
- Pagtatae
Sa scrub typhus naman, narito ang mga maaaring maranasan ng pasyente:
- Pagkakaroon ng mga pantal lalo na sa bahaging nakagat
- Pagkakaroon ng mga namamagang kulani
- Pag-ubo
- Labis na pagkapagod
Sa spotted fever naman, maaaring maranasan ang mga sumusunod na sintomas:
- Pagkakaroon ng mataas na lagnat
- Panginginig ng mga kalamnan
- Labis na pagsakit ng ulo
- Pagsakit ng mga kalamnan
- Pagduduwal o pagsusuka
- Pagkalito
Hindi madaling matukoy ang sakit na tipus sapagkat ang mga sintomas nito ay halos natutulad sa ibang mga uri ng sakit na gaya ng dengue, malaria, brucellosis, at iba pa. Kailangang sumailalaim ang pasyente sa mga diagnostic test gaya ng skin biopsy, Western blot, at immunofluorescence test upang makasiguro na tipus nga ito.
Mga Salik sa Panganib
Maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng tipus ang isang tao dahil sa mga sumusunod na salik:
- Paglalakbay o pagbabakasyon sa lugar kung saan laganap ang mga kaso ng tipus
- Paninirahan sa mga siksikang lugar na kulang sa wastong sanitasyon
- Paninirahan sa lugar na mayroong maraming mga hayop
- Pakikisalamuha sa mga taong hindi malinis sa katawan
- Paghawak sa mga hayop na may pulgas at garapata
- Pagkakaroon ng kuto sa ulo o buhok
- Pagpunta sa mga bulubunduking lugar na maraming mga garapata
Mga Komplikasyon
Kung hindi agad malulunasan ang tipus, maaaring magresulta ito sa mga sumusunod na komplikasyon:
- Pamamaga ng atay o hepatitis
- Pagdurugo ng loob ng mga bituka o gastrointestinal hemorrhage
- Pagbaba ng dami ng dugo o hypovolemia
Pag-Iwas
Image Source: unsplash.com
Noon, ang mga mananaliksik ay may inimbentong bakuna para ma-iwasan ang tipus. Subalit, dahil sa bumababang mga kaso ng sakit na ito, itinigil na ang paggawa ng bakuna. Ganunpaman, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod upang maka-iwas sa kondisyong ito:
- Panatilihing malinis ang katawan upang hindi madaling kapitan ng mga kuto. Kung mayroon naman na’ng mga kuto, magsuyod ng buhok upang matanggal ang mga ito, pati na rin ang mga lisa. Kung hindi na makuha sa pagsusuyod, gupitan nang maikli ang buhok at maglagay ng pediculicide, isang uri ng espesyal na shampoo na pampatay ng mga kuto at lisa.
- Tanggalan ng mga pulgas at garapata ang mga alagang hayop. Maraming mga espesyal na shampoo, sabon, at gamot ang ligtas na gamitin sa mga hayop upang mapatay ang kanilang mga parasitiko.
- Panatilihing malinis ang kapaligiran upang hindi mamahay ang mga daga. Alahanin na ang mga daga ay karaniwang madumi at puno ng mga pulgas at garapata. Kung may mga daga na sa lugar, maraming mga nabibiling rodenticide at mouse trap upang mapababa ang kanilang populasyon.
- Iwasang maglakbay o magbakasyon sa mga lugar na may mga matataas at aktibong mga kaso ng tipus. Kung hindi maiiwasan na pumunta sa mga ganitong lugar, uminom ng chemoprophylaxis na may Ang chemoprophylaxis ay uri ng preventive medication na iniinom upang maka-iwas sa pagkakaroon ng mga sakit na gaya ng tipus.
- Iwasan ang paghawak sa mga hayop na may mga pulgas at garapata. Bukod sa maaaring makagat ng mga ito, maaaring lumipat o kumapit ang mga parasitiko sa mga manggas o damit nang hindi namamalayan.
- Iwasan ang panghihiram ng mga personal na gamit ng iba gaya ng suklay, kumot, damit, tuwalya, at iba pa. Maaaring ang mga bagay na ito ay may nakakapit na kuto o lisa.