Buod
Ang trichomoniasis ay isa sa mga pinaka-karaniwang uri ng sakit na nakukuha sa pakikipagtalik Maaari itong umapekto kaninuman, ngunit sa iilang bahagi lamang ng reproductive system ng babae at lalaki maaaring makita ang mga sintomas nito.
Ang sakit na ito ay bunga ng impeksyong dulot ng parasitikong protozoan na Trichomonas vaginalis. Sa mga kalalakihan, ang organismong ito ay nabubuhay sa mismong loob ng ari. Sa mga kababaihan naman, ito ay maaaring matagpuan sa iba’t ibang bahagi ng kanilang reproductive system.
Ang sakit na ito ay may mga sintomas na may hawig sa iba pang uri ng mga STD, katulad ng pananakit ng puson sa mga kababaihan, pag-agos ng masangsang na likido mula sa ari na kung minsan ay may kasamang dugo, maging ang pananakit ng ari tuwing nakikipagtalik. Subalit, ang mga sintomas na ito ay maaaring hindi mapansin sa pag-uumpisa ng sakit na ito.
Nilulunasan ang trichomoniasis sa pamamagitan ng mga antibiotic at iba pang uri ng mga gamot na irereseta ng manggagamot.
Atin munang alamin kung papaano nadiskubre ang sakit na trichomoniasis.
Kasaysayan
Unang isinalarawan ng siyentipikong si Donne noong 1836 ang trichomoniasis. Ito ay napansin niya sa pamamagitan ng isang wet mount na may mga likidong mula sa ari ng babae na may halong saline.
Noon namang 1883, isa pang dalubhasa na nagngangalang Kunstler ang nagsalarawan sa mga katangian ng parasitikong ito sa loob ng urinary tract ng isang babae. Makalipas ang isang taon naman, napansin ng isa pang dalubhasa na si Marchand ang parasitikong ito na nabubuhay sa urinary tract ng isang lalaki.
Ang mga dalubhasang ito ay nag-akalang karaniwan lang ang organismong ito sa reproductive system ng mga lalaki at babae. Inakala rin nila na ang T. vaginalis ay hindi nagdudulot ng anumang sakit. Pagkalipas lamang ng may 60 na taon napatunayan na ang parasitikong ito ay sanhi ng isang malubhang uri ng nakahahawang sakit.
Anu-ano naman ang mga uri ng trichomoniasis?
Mga Uri
Mayroong isa lamang na uri ng sakit na trichomoniasis. Subalit, magkakaiba ang mga katangian nito sa mga kalalakihan at mga kababaihan.
Sa mga kalalakihan
Sa mga kalalakihang may trichomoniasis, ang parasitikong Trichomonas vaginalis ay matatagpuan sa urethra. Ito ay ang bahagi ng ari na nagdurugtong sa pantog sa daluyan ng semilya ng ari ng lalaki. Ito ang dahilan kung kaya ang mga sintomas ng kondisyong ito ay matatagpuan lamang sa bahaging ito ng katawan ng apektadong lalaki.
Subalit, dapat malamang ang karamihan sa mga kaso ng trichomoniasis sa mga kalalakihan ay walang sintomas o kaya ay banayad lamang ang mga ito. Kaya, napakahirap malaman ng isang babae kung ang makakatalik niyang lalaki ay nagtataglay ng kondisyong ito.
Kapag lumala, ang trichomoniasis sa mga kalalakihan ay maaaring magdulot ng mga sumusunod na komplikasyon:
- Pagkabaog
- Prostatitis o ang pamamaga ng prostate gland
- Epididymitis o ang pamamaga ng bahagi na nagdadala ng mga sperm ng lalaki
- Orchitis o ang pamamaga ng isa o dalawa sa mga bayag
- Pagiging madaling kapitan ng HIV
- Pagkakaroon ng panganib na magkaroon ng kanser sa prostate
Sa mga kababaihan
Kabilang sa mga sintomas ng trichomoniasis sa mga kababaihan ang pagkakaroon ng banayad hanggang sa malalang kondisyon sa pelvis o pelvic inflammatory disease (PID). Ang mga babaeng may may trichomoniasis ay madalas na makararanas ng pag-agos ng likido mula sa ari na maaaring masangsang, mabula, at may kasamang dugo.
Maaari ring makaranas ang mga babaeng may trichomoniasis ng pananakit ng puson, pangangati at paghapdi ng ari, at pananakit nito tuwing nakikipagtalik.
Atin namang alamin ang sanhi ng trichomoniasis.
Mga Sanhi
Image Source: en.wikipedia.org
Ang sakit na trichomoniasis ay dulot ng parasitikong protozoan na Trichomonas vaginalis. Nakukuha ito sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa taong apektado nito.
Sa mga kababaihan, ang karaniwang naaapektuhan na bahagi ng sakit na ito ay ang mismong ari, ang vulva, ang cervix, o ang urethra.
Sa mga kalalakihan naman, ang pinaka-naapektuhan nito ay ang mismong loob ng ari.
Gaya ng nasabi, ang parasitikong Trichomonas vaginalis ay kumakalat mula sa ari ng lalaki papunta sa ari ng babae tuwing nakikipagtalik. Maaari rin itong kumalat mula sa ari ng babae papunta sa ari ng lalaki habang nagtatalik. Dagdag dito, puwede ring kumalat ito mula sa ari ng babae papunta sa isa pang ari ng babae sa kaso ng pagtatalik ng dalawang babae.
Dapat ding malaman na kahit walang sintomas na ipinakikita ang taong mayroong trichomoniasis, maaari pa rin siyang makahawa sa iba.
Anu-ano nga ba ang mga sintomas ng sakit na ito? Anu-ano ang mga palatandaan ng pagkakaroon ng trichomoniasis?
Mga Sintomas
May kahirapan ang pag-alam kung ang isang tao ay may sakit na trichomoniasis. Ito ay sa dahilang marami sa mga kalalakihan at mga kababaihan na mayroong trichomoniasis na walang ipinakikitang mga sintomas sa simula.
Sa mga kababaihan, ang mga karaniwang sintomas ng pagkakaroon ng trichomoniasis ay ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng masangsang na likido na lumalabas sa ari na maaaring dilaw, berde, o kaya ay puti
- Pamumula ng ari
- Pangangati at paghapdi ng ari
- Pananakit ng ari tuwing umiihi o kaya ay nakikipagtalik
Sa mga kalalakihan ay bihira ang sintomas ng sakit trichomoniasis. Kapag nagkaroon ng mga sintomas, ang mga ito ay ang mga sumusunod:
- Pangangati sa loob ng ari
- Mahapding pakiramdam sa tuwing umiihi o kaya sa tuwing lalabasan ng tamod
- Paglabas ng mabahong likido mula sa ari
Lahat ng tao ay maaaring mahawahan ng sakit na trichomoniasis. Subalit, sinu-sino ang mga mayroong mataas ang panganib na magkaroon nito?
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Napatataas ng mga sumusunod na salik ang panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito:
- Pakikipagtalik nang walang gamit na proteksyong kagaya ng condom
- Pagkakaroon ng maraming katalik
- Pagkakaroon na dati ng impeksyong bunga ng pakikipagtalik
- Pagkakaroon na dati ng trichomoniasis
Anu-ano naman ang mga komplikasyon na maaaring idulot ng trichomoniasis?
Mga Komplikasyon ng Trichomoniasis
Ang impeksyon na ito ay nakapagpapabilis sa pagkakahawa sa iba pang uri ng sakit na nakukuha sa pakikipagtalik, kagaya ng HIV, tulo, klamidya, maging ng bacterial vaginosis.
Paano naman maiiwasan ang sakit na ito? Anu-ano ang mga hakbang na dapat gawin upang maiwasan ang pagkakaroon ng trichomoniasis?
Pag-Iwas
Image Source: www.acsh.org
Madaling iwasan ang trichomoniasis. Kagaya ng iba pang uri ng mga sakit na nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik, ang sakit na ito ay maiiwasan sa pamamagitan ng pag-iwas sa anumang uri ng pakikipagtalik.
Subalit, kung ang isang tao ay sexually active, makatutulong ang mga sumusunod na hakbang sa mabisang pag-iwas sa sakit na trichomoniasis:
- Magkaroon ng pangmatagalan na relasyon sa iisang tao
- Sikaping magkaroon ng iisa lamang na katalik habang namamalagi ang kasalukuyang relasyon
- Tiyakin na napasuri ang karelasyon laban sa sakit na trichomoniasis
- Ugaliing gumamit ng latex na uri ng mga condom sa tamang paraan sa tuwing makikipagtalik
- Pagkakaroon ng wastong pakikipag-usap ukol sa mga nakahahawang uri ng sakit kapag nagkaroon ng bagong karelasyon upang magkaroon ng kabatiran ukol sa antas ng ugnayang seksuwal na maaaring gawin
- Pagsangguni sa mga manggagamot o mga dalubhasa ukol sa mga STD kung mayroong katanungan ukol sa sakit na trichomoniasis
Sanggunian
- https://www.cdc.gov/std/trichomonas/treatment.htm
- https://www.medicinenet.com/trichomoniasis/article.htm#can_women_who_have_sex_with_women_get_trichomoniasis
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/trichomoniasis/symptoms-causes/syc-20378609
- https://www.womenshealth.gov/a-z-topics/trichomoniasis
- https://www.webmd.com/sexual-conditions/guide/trichomoniasis#1
- https://web.stanford.edu/group/parasites/ParaSites2002/trichomoniasis/History.html
- https://en.wikipedia.org/wiki/Trichomoniasis
- https://www.stdcheck.com/blog/trichomoniasis-men/
- https://www.medscape.com/answers/230617-41114/what-are-the-signs-and-symptoms-of-trichomoniasis-in-women