Tropikal na Sakit
Buod
Image Source: unsplash.com
Ang bawat bansa ay may sari-sariling klima, kaya naman iba’t iba rin ang mga sakit na maaaring makaapekto sa mga mamamayan nito. Sa mga bansang may tropikal na klima, gaya ng Pilipinas, mayroong tinatawag na mga tropical disease.
Ang mga tropical disease ay uri ng mga sakit na madalas matagpuan sa mga lugar na may tropikal o mainit na klima. Ang kadalasang mga sanhi nito ay mga insekto o hayop na nagdadala ng mga bacteria, virus, fungi, parasitiko, o maliliit na uod. Bukod dito, maaari ring makuha ang ilang mga tropical disease sa mga kontaminadong pagkain o tubig, pati na rin mula sa pakikipag-ugnayan sa mga infected na tao.
Halimbawa ng mga tropical disease ay malaria, cholera, at tuberkulosis (tuberculosis). Bagama’t ang tuberculosis ay isang sakit na nararanasan sa buong mundo, itinuturing din itong isang uri ng tropical disease sapagkat mas marami ang mga kaso nito sa mga tropikal na lugar.
Ang mga tropical disease ay nakahahawa. Kung maaapektuhan nito, ang pasyente ay maaaring makaranas ng iba’t ibang mga sintomas. Bagama’t napakaraming uri nito, ang mga karaniwang mga sintomas na nararanasan ng pasyente ay ang pagkakaroon ng mataas na lagnat, ubo, pananakit ng ulo, pananakit ng katawan o kasu-kasuan, at panghihina. Sa ibang mga kaso, maaari ring makaranas ang pasyente ng pagsusuka at pagtatae. Maaari ring kakitaan ang pasyente ng mga pantal sa katawan kung siya ay nakagat ng insekto.
Karamihan sa mga tropical disease ay mapanganib at wala pang nagagawang bakuna para sa mga ito. Subalit, maaari namang malunasan ang karamihan sa mga mga sakit na ito kung malalapatan agad ng tamang paglunas at paggamot. Upang malunasan ang mga ito, kailangan munang matukoy ng doktor kung ano ang sanhi ng sakit. Kadalasan, nagrereseta ang doktor ng mga gamot upang mawala ang mga iniindang sintomas ng pasyente. Kung minsan naman, maaari ring sumailalim ang pasyente sa isang operasyon lalo na kung ang sakit o kondisyon ay malala na.
Kasaysayan ng tropical diseases
Ang mga tropical disease ay mga sakit na laganap sa mga lugar na may tropikal o mainit na klima gaya ng Asya, Africa, Central America, at South America. Ang mga lugar na ito ay ang pinaka-angkop na tahanan ng karamihan ng mga carrier o tagapagdala ng sakit tulad ng mga insekto o hayop na nabubuhay lamang sa mainit na klima. Halimbawa ng mga ito ay lamok, langaw, kuto, garapata, suso, aso, baboy, ibon, ahas, unggoy, paniki, at iba pa. Ang mga insekto at hayop na ito ay karaniwang pinamamahayan ng mga bacteria, virus, fungi, parasitiko, o maliliit na uod na maaaring maka-infect o humawa sa mga tao.
Ayon sa pag-aaral, dumarami ang mga kaso ng tropical disease sa iba’t ibang bansa sapagkat ang mga natural na tirahan ng mga insekto o hayop ay unti-unti nang nawawala. Dahil laganap na ang pagputol ng mga puno sa kagubatan at pagkakaingin, ang mga insekto at hayop ay napipilitang manirahan sa mga lugar na malapit sa mga bayan at lungosd. Bukod dito, kabilang rin sa mga pangunahing sanhi ng mga tropical disease ay ang migrasyon ng mga tao, turismo sa mga natural na tirahan ng mga insekto at hayop, pati na rin ang ang pagkakaroon ng maruming kapaligiran.
Noong taong 1975, itinatag ng World Health Organization (WHO) ang Special Programme for Research and Training in Tropical Diseases o TDR. Ito ay naglalayon na matulungan lalo na ang mga mahihirap na bansa na magkaroon ng kaalaman kung paano maiiwasan ang mga tropical disease. Ang TDR ay nakabase sa Geneva, Switzerland pero sila ay matatagpuan sa iba’t ibang panig ng mundo. Ilan lamang sa mga ginagawa ng TDR ay ang pagtulong sa pananaliksik ng mga bagong gamot para sa mga tropical disease at kung paano ang tamang pag-iimbak at paggamit ng mga ito upang gumaling agad ang mga pasyenteng may ganitong uri ng sakit.
Mga Katangian
Batay sa pag-aaral, ang mga tropical disease ay mas laganap din sa mga mahihirap na lugar sapagkat wala silang gaanong napagkukuhanan ng malinis na pagkain at tubig. Bukod dito, ang mga mahihirap na lugar ay kulang sa wastong sanitasyon.
Dahil dito, ang mainit na klima at maruming kapaligiran ay nagiging perpektong tahanan ng mga tagapagdala ng mga tropical disease gaya ng mga lamok at langaw. Kapag ang mga carrier na ito ay nagawi sa mga pamamahay ng tao, hindi malayong magkaroon ng mga sakit ang mga tao.
Kadalasan, kapag ang isang tao ay naapektuhan ng anumang uri ng tropical disease, siya ay nakikitaan ng mga sumusunod na sintomas:
Image Source: www.getsickcure.com
- Mataas na lagnat
- Ubo
- Pananakit ng ulo
- Pananakit ng katawan o kasu-kasuan
- Panghihina ng katawan
Sa ibang mga kaso, maaari ring makaranas ang pasyente ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagsusuka
- Pagtatae
- Pagkakaroon ng mga pantal sa katawan
- Hirap sa paghinga
- Iregular na pagtibok ng puso
- Panunuyo ng balat
- Pagkakaroon ng mga bukol sa katawan
- Pamamaga o paglaki ng ilang bahagi ng katawan
Kung minsan, ang pasyente ay hindi agad kakikitaan ng mga sintomas. Subalit kahit walang ipinapakitang mga sintomas ang pasyente, maaari na siyang makahawa sa ibang tao lalo na kung virus ang sanhi ng kanyang sakit.
Mga Sanhi
Maraming mga uri ang tropical disease at may iba’t iba rin itong mga sanhi. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Iba’t ibang uri ng organismo. Ang mga organismo gaya ng bacteria, virus, fungi, parasitiko, at maliliit na uod ang mga pangunahing sanhi ng mga tropical disease. Bagama’t maliliit, ang mga organismong ito ay nakapagdudulot ng malaking pinsala sa katawan ng tao.
- Mga insekto. Ang mga lamok at langaw ang mga karaniwang tagapagdala ng maraming uri ng tropical disease. Kapag nakagat ng lamok, maaaring magkaroon ng dengue o May ilang uri rin langaw na nangangagat at nagdudulot ng mga sakit gaya ng African trypanosomiasis at lymphatic filariasis. Bukod sa mga lamok at langaw, nagdudulot din ng mga tropical disease ang mga kuto at garapata.
- Mga hayop. Bukod sa mga insekto, maaari ring maging tagapagdala ng mga tropical disease ang mga hayop gaya ng aso, baboy, ibon, ahas, unggoy, paniki, suso, at iba pa. Karaniwang naipapasa ang mga organismong dala-dala ng mga hayop na ito sa pamamagitan ng pagkagat o kaya naman ay kapag nahawakan ang kanilang katawan, laway, o dumi.
- Mga tao. Kung nakipag-ugnayan sa mga infected na tao, maaari ring magkaroon ng tropical disease gaya ng hepatitis B, hepatitis C, HIV/AIDS, tuberculosis, ketong, at iba pa. Ang ilan sa mga sakit na ito ay maaaring makuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik o kaya naman ay paglanghap ng mga droplet o maliliit na patak ng laway ng mga infected na tao. Maaari ring mahawa ang mga sanggol na nasa sinapupunan pa lamang kung ang kanilang mga ina ay may sakit gaya ng HIV/AIDS. Maaari ring mahawa ang mga sanggol ng ibang sakit sa pamamagitan ng breastfeeding o pagpapasuso.
- Kontaminadong pagkain at tubig. Kung hindi malinis ang paghahanda ng pagkain o nakainom ng kontaminadong tubig, maaaring magkaroon ng mga tropical disease gaya ng cholera, hepatitis A, typhoid fever, schistosomiasis, at iba pa. Maaari ring makuha ang ilan sa mga sakit na ito kung kumakain ng hindi lutong mga karne ng hayop o isda.
- Kontaminadong mga kagamitan. Maaari ring magdulot ng mga tropical disease kung ang isang tao ay nakahawak o nakagamit ng mga kontaminadong kagamitan gaya ng hawakan ng pinto, telepono, tuwalya, kasuotan, at iba pa. Marami sa mga organismong nagdudulot ng tropical disease ay may kakayanang mamalagi nang matagal sa mga kagamitan.
Mga salik sa panganib
Bagama’t ang mga tropical disease ay laganap sa mga lugar na may maiinit na klima, hindi ibig sabihin nito ay hindi na maaapektuhan ang mga lugar na may mas malalamig na klima. Maaaring kumalat pa rin ang mga ito sa ibang lugar dahil sa mga sumusunod na salik:
- Kakulangan ng malinis na tubig at wastong sanitasyon. Ayon sa World Health Organization (WHO), ang kakulangan ng malinis na tubig at wastong sanitasyon ay magdudulot ng mga sakit gaya ng cholera, dracunculiasis, trachoma, schistosomiasis, at iba pa. Ito ay dahil sa ang maruming tubig at kapaligiran ay maaaring pamahayan ng mga maliliit na hayop at mga organismong nagdudulot ng sakit.
- Paraan ng pagkakagawa at pagkakadikit-dikit ng mga bahay. Isa rin sa mga salik sa panganib ng tropical disease ang paraan ng pagkakagawa at pagkakadikit-dikit ng mga bahay. Ayon sa pag-aaral, ang mga bahay na may halamanan ay nakaaakit sa mga ligaw na hayop gaya ng ardilya (squirrel), possum, at baboy ramo. Ang mga hayop na ito ay maaaring may mga kissing bug at garapata sa katawan na maaaring makakagat sa mga tao at magdulot ng Chagas disease. Samantalang ang mga dikit-dikit na bahay naman ay maaaring magdulot ng mas maraming basura at maruming kapaligiran. Ito ay maaaring makaakit ng mga tagapagdala ng sakit gaya ng mga langaw na nagdudulot ng leishmaniasis at
- Uri o kondisyon ng lugar na tinitirahan. Kung naninirahan sa mga lugar na malapit sa ilog, tapunan ng basura, at iba pa, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng tropical disease. Ang mga ganitong klaseng lugar ay mas pinamamahayan ng mga lamok, langaw, at iba pang insekto o hayop na tagapagdala ng sakit.
- Migrasyon ng mga tao at turismo. Ang migrasyon ng ibang tao sa inyong lugar at ang mga turista ay maaari ring pagmulan ng tropical disease. Sila ay maaaring carrier o tagapagdala ng sakit nang hindi nila nalalaman sapagkat ang ilan sa mga tropical disease ay hindi agad kinakikitaan ng mga sintomas.
- Kaguluhan at gera. Ang mga kaguluhan at gera ay maaaring maghudyat ng migrasyon ng mga tao patungo sa ibang bansa. Gaya ng nabanggit noong una, ang mga taong kabilang sa migrasyon ay maaaring maging carrier ng tropical disease nang hindi nila nalalaman.
- Kalagayan ng pamumuhay at kahirapan. Ang kalagayan ng pamumuhay ng isang tao ay maaari ring makapagpataas ng posibilidad ng pagkakaroon ng mga tropical disease. Kung ang tao ay may kahirapan, kadalasan ay wala siyang gaanong mapagkukuhanan ng malinis na pagkain at tubig. Dahil sa kakulangang pinansiyal, hindi rin nila magawang makapagpagamot kung sila ay madapuan ng sakit.
- Kultura at kasarian. Ang kultura at kasarian ng tao ay kabilang din sa mga salik ng pagkakaroon ng tropical disease. Batay sa pag-aaral, ang mga tropical disease ay maaaring maging mas laganap sa ibang lugar dulot ng iba’t ibang kultura, paniniwala, at paraan ng pamumuhay. Samantalang sa kasarian naman, ipinapakita ng mga datos na ang mga kalalakihan at mga kababaihan ay naaapektuhan ng iba’t ibang uri ng sakit dulot ng magkakaibang ginagampanan sa lipunan.
Paggamot at Pag-Iwas
Ang paggamot sa mga tropical disease ay batay sa sanhi at tindi ng kondisyon nito. Upang matukoy kung anong uri ng tropical disease ang nakaaapekto sa pasyente, maaaring sumailalim muna ang pasyente sa mga laboratory test. Pagkatukoy sa sakit, ang doktor ay maaaring magreseta ng mga sumusunod na gamot:
- Antibacterial medication. Kung ang organismong sanhi ng tropical disease ay bacteria, kaya ang doktor ay maaaring magreseta ng antibacterial medication o antibiotic panlaban dito. Ilan lamang sa mga tropical bacterial disease ay ang cholera, ketong, tuberculosis, trachoma, buruli ulcer, at iba pa. Ang mga karaniwang antibiotic gaya ng amoxicillin ay maaaring hindi mabisa sapagkat kakaiba ang mga sakit na ito, kaya naman ang doktor ay magrereseta ng mas malalakas na uri ng Kadalasan, ang doktor ay nagrereseta ng grupo ng mga antibiotic upang maging mas epektibo ang gamutan. Ang gamutan ay maaaring tumagal ng anim na buwan hanggang isa o dalawang taon.
- Antiviral medication. Kumpara sa mga tropical bacterial disease, karaniwang walang partikular na lunas para sa mga tropical viral disease. Bagama’t maaaring magreseta ng antiviral na gamot, ang mga ito ay hindi talaga kayang puksain ang virus sa katawan. Isang mabuting halimbawa sa mga ito ang dengue. Subalit, ang tanging magagawa lamang ng mga doktor ay ibsan ang mga iniindang sintomas ng pasyente tulad ng lagnat, dehydration, at pananakit ng katawan.
- Antifungal medication. Kung ang tropical disease ay sanhi ng fungi, ang doktor ay magrereseta ng mga antifungal medication. Dahil ang mga tropical disease ay mas matindi kaysa sa mga pangkaraniwang sakit, ang gamutan ay napakatagal, at kung minsan, ay hindi pa ito ganoon ka-epektibo. Halimbawa ng mga tropical fungal disease ay mycetoma at
- Antiparasitic medication. Ang antiparasitic medication ay inirereseta kapag ang pasyente ay may parasitiko o mga itlog at maliliit na uod sa katawan. Ito ay mga pampurgang gamot upang mamatay at lumabas ang mga parasitiko. Halimbawa ng mga tropical parasitical disease ay schistosomiasis at lymphatic
- Iba pang mga gamot. Bukod sa mga nabanggit sa taas, ang doktor ay maaari ring magreseta ng mga pangkaraniwang gamot gaya ng mga gamot para sa lagnat, ubo, pananakit ng katawan, pagsusuka, pagtatae, pangangati, at iba pa. Nakatutulong ang mga ito upang mawala ang mga iniindang sintomas ng pasyente at magbigay ginhawa sa pakiramdam.
Bagama’t ang mga ibang uri ng tropical disease ay nalulunasan sa pamamagitan ng mga gamot, ang mga ibang sakit gaya ng trachoma at mycetoma ay maaaring mangailangan ng operasyon lalo na kung ang mga ito ay malala na. Ang trachoma ay isang uri ng sakit sa mata at maaaring mangailangan ng operasyon ang pasyente upang maiwasan ang pagkabulag. Samantalang ang mycetoma naman ay ang abnormal na paglaki at pamamaga ng mga paa dulot ng fungi. Ngunit kung hindi naging mabisa ang antifungal medication, kailangang i-amputate o putulin ang mga paa upang hindi pa kumalat ito.
Pag-iwas sa tropical diseases
Upang makaiwas sa pagkakaroon ng anumang uri ng tropical disease, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:
- Siguraduhing malinis ang tubig na iniinom. Maraming tropical disease ang nakukuha dahil sa maruming tubig, kaya naman ay iminumungkahi na pakuluan at salain muna ito bago inumin.
- Hugasan at lutuin nang maayos ang pagkain. Upang hindi madapuan ng anumang mikrobyo ang mga pagkain, hugasan itong mabuti ng malinis na tubig. Ugaliin ding maghugas muna ng mga kamay bago maghanda ng mga pagkain. Siguraduhin ding maayos ang pagkakaluto sa mga pagkain upang mapatay ang mga mikrobyo. Hangga’t maaari, iwasan ang pagkain ng mga hilaw na pagkain.
- Maghugas ng mga kamay. Ugaliing maghugas ng mga kamay bago kumain. Gumamit ng sabon at tubig upang masiguradong malinis ito. Kung walang sabon at tubig, pahiran ng alcohol o sanitizer ang mga kamay.
- Panatilihing malinis ang katawan. Maligo araw-araw upang mabawasan ang anumang nakakapit na mga mikrobyo sa katawan. Ugaliin ding maglinis ng katawan pagkauwi galing paaralan o trabaho. Hikayatin din ang mga bata na maligo o maglinis ng katawan pagkatapos maglaro sa labas.
- Magtakip ng ilong. Ugaliing magtakip ng ilong gamit ang malinis na tuwalya o panyo upang hindi makalanghap ng anumang mikrobyo sa hangin. Maaari ring gumamit ng face mask upang mabawasan ang posibilidad na makakuha ng sakit.
- Linisin ang kapaligiran. Ang maruming kapaligiran ay nakaaakit ng mga lamok at langaw. Ugaliing magwalis araw-araw at itapon ang mga basura sa tamang lugar. Takpan naman ang basurahan upang hindi ito puntahan ng mga langaw, ipis, at daga. Tanggalin din ang mga bagay na naiipunan ng tubig upang hindi ito itlugan ng mga lamok.
- Huwag manghiram ng mga gamit ng iba. Para sa kaligtasan ng sarili, iwasan ang panghihiram at paggamit ng mga personal na bagay ng ibang tao tulad ng tuwalya, panyo, damit, at iba pa. Ang mga organismong sanhi ng mga tropical disease ay maaaring manirahan sa mga gamit na ito lalo na kung hindi wasto ang paglilinis.
- Gumamit ng insect repellent. Ang paglilinis ay maaaring hindi pa sapat upang mawala ang mga mikrobyo. Mainam na gumamit ng mga disinfectant liquid o spray upang mapatay ang mga mikrobyong hindi nakikita ng mga mata.
- Gumamit ng insect repellent. Upang hindi makagat ng anumang insekto gaya ng mga lamok, gumamit ng insect repellent, ugaliing magpahid o mag-spray ng insect repellent sa balat at ulitin ito kada dalawa o tatlong oras o sundin ang nakasulat na tagubilin sa produkto.
- Iwasang magbakasyon sa mga lugar na may epidemya. Bago magbakasyon sa ibang lugar, alamin muna sa balita kung may kasalukuyang nagaganap ditong mga epidemya o wala. Kung mayroon, pumili muna ng ibang destinasyon para na rin sa kaligtasan ng nakararami.
- Mag-ingat sa paghawak ng mga hayop. Kung hahawak ng mga hayop gaya ng aso, ibon, baboy, o unggoy, siguraduhing panandalian lamang at maghugas agad ng mga kamay. Ang mga hayop na ito ay kadalasang carrier o tagapagdala ng iba’t ibang uri ng sakit.
- Magpabakuna. Ang pagpapabakuna ay ang pinakamabisang paraan upang makaiwas sa mga tropical disease. May mga bakuna para sa cholera, dengue, hepatitis, influenza, malaria, Japanese encephalitis, meningitis, rabies, tick-borne encephalitis, tuberculosis, yellow fever, polio, at iba pa. Ang ilan sa mga bakunang ito ay ibinibigay ng mga health center na libre, subalit ang karamihan ay maaaring makuha sa mga pribadong institusyon at kailangang magbayad. Batay sa uri ng bakuna na kailangan, ang isang bakuna ay maaaring magkahalaga ng 3,000 libong piso pataas.
Mga Uri ng Tropical Diseases
Narito ang iba’t ibang mga uri ng tropical disease. Ang mga sumusunod ay naka-grupo batay sa uri ng organismong sanhi nito:
Mga tropical disease na sanhi ng bacteria:
- Bartonella
- Bejel
- Bovine tuberculosis in humans
- Buruli ulcer
- Cat-scratch disease
- Cholera
- Ketong (Leprosy)
- Leptospirosis
- Pinta disease
- Q fever
- Relapsing fever
- Rickettsial infections
- Rocky Mountain spotted fever
- Shigella, Salmonella, E. Coli infections
- Sipilis (Syphilis)
- Tipus (Typhus)
- Trachoma
- Treponematoses
- Tuberculosis
- Typhoid fever
- Yaws
Mga tropical disease na sanhi ng virus:
- Arboviral infections
- Avian influenza
- Chikungunya
- Dengue
- Ebola virus disease
- Filovirus diseases
- Hepatitis A
- Hepatitis B
- Hepatitis C
- HIV/AIDS
- Influenza
- Japanese encephalitis
- Lassa fever
- Polio
- Rabis (Rabies)
- Ross River fever
- Severe acute respiratory syndrome (SARS)
- Tigdas (Measles)
- Viral hemorrhagic fevers
- West Nile fever
- Yellow fever
- Zika virus
Mga tropical disease na sanhi ng fungi:
- Chromoblastomycosis
- Cryptococcal meningitis
- Eumycetoma
- Paracoccidioidomycosis
Mga tropical disease na sanhi ng parasitiko:
- African sleeping sickness
- Amoebiasis
- Ascariasis
- Balantidiasis
- Chagas disease
- Cryptosporidiosis
- Cysticercosis
- Dracunculiasis
- Echinococcosis
- Fascioliasis
- Filariasis
- Food-borne trematodiases
- Galis (Scabies)
- Giardiasis
- Human African trypanosomiasis
- Hydatids
- Hookworm diseases
- Larva migrans
- Leishmaniasis
- Loiasis
- Lymphatic filariasis
- Malaria
- Myiasis
- Neurocysticercosis
- Onchocerciasis
- Podoconiosis
- Schistosomiasis, Bilharzia, Snail fever
- Soil-transmitted helminthiasis
- Strongyloidiasis
- Taeniasis-cysticercosis
- Toxocariasis
- Trichinosis
- Trichuriasis
Mga tropical disease na iba’t iba ang sanhi:
- Pagtatae o diarrhea (bacterial, viral)
- Dysentery (bacterial, viral, parasitical)
- Mycetoma (bacterial, fungal)
- Snakebite envenoming (venom o kamandag)
Ayon sa mga pangkalusugang organisasyon, kahit wala pang mga naiimbentong bakuna para sa karamihang uri ng tropical disease, maaari pa rin itong maiwasan kung pananatilihing malinis ang mga kamay, katawan, pati na rin ang kapaligaran. Kung may nararamdamang mga sintomas, iminumungkahi na magpakonsulta agad sa doktor upang malapatan ng angkop na lunas.
Sanggunian
- http://www.nmihi.com/infections/tropical/
- https://en.wikipedia.org/wiki/Tropical_disease
- https://www.who.int/topics/tropical_diseases/en/
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/infectious-diseases/symptoms-causes/syc-20351173
- https://www.fda.gov/about-fda/center-drug-evaluation-and-research-cder/tropical-disease-priority-review-voucher-program
- https://wikitravel.org/en/Tropical_diseases
- https://www.precisionvaccinations.com/lassa-fever-chikungunya-virus-rabies-and-cryptococcal-meningitis-added-fda-tropical-disease-priority
- https://en.wikipedia.org/wiki/Neglected_tropical_diseases
- https://www.who.int/neglected_diseases/Social_determinants_NTD.pdf
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/infectious-diseases/diagnosis-treatment/drc-20351179
- https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/17724-infectious-diseases/management-and-treatment
- https://www.astmh.org/education-resources/tropical-medicine-q-a/major-tropical-diseases
- https://tropicaldiseases.infectiousconferences.com/events-list/tropical-bacterial-diseases
- https://www.who.int/immunization/diseases/en/