Buod
Ang tuberkulosis (tuberculosis), kilala rin bilang “TB,” ay isang lubhang nakahahawang sakit sa baga. Ito ay dulot ng bacterium na Mycobacterium tuberculosis. Ang salitang “tuberculosis” ay hango sa Latin na “tuberculum” (kumpol) at “osis” (pagkakaroon ng sakit) na tumutukoy sa kumpol ng mga bacteria na nagdudulot nito.
Ang TB ay umaapekto sa mga baga sa pamamagitan ng paglanghap ng hangin na mayroong bacteria na nagdudulot nito.
Ang karaniwang mga sintomas ng taong may tuberkulosis ay ang labis na pag-ubo na tumatagal nang ilang linggo, pag-ubo na may dugo, pananakit ng dibdib, pananamlay at malabis na pagod, pagbagsak ng timbang, maging ang lagnat.
Nalulunasan na ngayon ang sakit na tuberkulosis sa pamamagitan ng mga gamot na pumapatay sa bacteria nito. Kabilang sa mga gamot na ito ay ang isoniazid, pyrazinamide, at rifampin.
Kasaysayan
Noon pa mang sinaunang panahon ay umiral na ang sakit na tuberkulosis. Sa katunayan, may mga ebidensya ng sakit na ito na matatagpuan sa mga mummy sa Ehipto. Naitala rin ito sa India, may 3,300 na taon na ang nakaraan, at sa Tsina 2,300 taon na ang nakalipas. Maging sa matandang Gresya ay naitala din ang sakit na ito.
Paglipas ng maraming mga taon, lalo pang lumaganap ang tuberkulosis. Noong ika-18 at ika-19 na mga siglo ay lumaganap ito sa Europa nang ang mga manggagawa sa mga bukirin ay lumipat sa mga lungsod.
Mula naman noong mga 1700shanggang mga 1800 ay malaganap na ang pagkakalathala ng tuberkulosis sa mga aklat ng medisina. At nang mga panahon ding iyon ay nagkaroon na ng mga pagamutan para sa sakit na ito.
Sa pagitan naman ng mga 1920 at 1930 ay naitatag ang International Union Against Tuberculosis (IUAT). Nakagawa na rin sa mga panahong ito ang BCG ng bakuna laban sa tuberkulosis.
Noon namang mga 1940 ay unang nagawa ang isoniazid, ang kauna-unahang iniinom na gamot laban sa tuberkulosis. Sumunod naman ang rifampin noong 1970s na lalong nagpabilis sa pagpapagaling sa taong may sakit na ito. Bunga nito ay lubhang bumaba ang bilang ng mga nagkaroon ng tuberkulosis.
Subalit, noong mga 1980 ay nagkaroon ng mga uri ng tuberkulosis na hindi tinatablan ng gamot. Dahil dito, nagkaroon ng muling pagtaas ng bilang ng mga may sakit na ito sa Britanya. At nang lumaganap naman ang AIDS ay dumami pang lubha ang nagkaroon ng tuberkulosis.
Sa panahon natin ngayon, kabilang ang tuberkulosis sa pinaka-nakahahawang sakit na nagdudulot ng kamatayan sa buong mundo. Subalit, may pagbaba sa bilang ng mga namamatay sa sakit na ito ng may 47% mula noong 1990. Ang may pinakamaraming namamatay dito ay nagmula sa mga umuunlad na mga bansa, lalo na sa Aprika. Sa ngayon, may 1 milyong mga bata ang namamatay sa sakit na ito taun-taon.
Mga Uri
Ang tuberkulosis ay bunga ng Mycobacterium tuberculosis. Subalit, may dalawang uri ng sakit na ito: ang pulmonary tuberculosis at ang latent tuberculosis.
Pulmonary tuberculosis
Ang pulmonary na uri ng tuberkulosis ay nakukuha kapag ang inatake lamang ng Mycobacterium tuberculosis ay ang mga baga. Subalit, maaari pa rin itong kumalat sa iba pang bahagi ng katawan.
Latent tuberculosis
Kapag ang tao ay nagkaroon ng Mycobacterium tuberculosis sa katawan, hindi kaagad siya magkakaroon ng sakit. Sa mga nalantad sa bacterium na ito, ang karamihan ay may tinatawag na latent tuberculosis.
Ang ganitong uri ng tuberkulosis ay hindi nakahahawa at walang sintomas. Bunga ito ng paglaban ng immune system sa bacteria kaya hindi nagkakasakit ang mga apektado nito. Subalit, dapat malamang maaari itong maging aktibong tuberkulosis, lalo na kapag humina ang immune system.
Mga Sanhi
Ang impeksyong dulot ng mikrobyong Mycobacterium tuberculosis ang sanhi ng sakit na tuberkulosis. Ito ay kumakalat sa pamamagitan ng paglanghap ng hanging pinagbahingan o inubuhan ng taong apektado nito.
Subalit, ang tuberkulosis ay hindi kasing bilis makahawa ng flu. Upang magkaroon nito, kailangan ng ilang oras na pagkalantad sa taong apektado ng sakit na ito. Ang mga halimbawa nito ay ang pagkakahawa sa isang kasama sa bahay na mayroon ng sakit na ito o kaya ay ang pagtabi sa may TB sa loob ng sasakyan, halimbawa ay sa loob ng bus, sa loob ng ilang oras.
Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Ang taong may tuberkulosis ay makararanas ng mga sumusunod na sintomas:
- Pag-ubo na may plema
- Pag-ubo na may dugo
- Pananakit ng dibdib
- Pagkakaroon ng tuloy-tuloy na lagnat
- Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang
- Pagpapawis sa gabi
Mga Salik sa Panganib
Image Source: unsplash.com
Sinuman ay puwedeng magkaroon ng sakit na tuberkulosis. Subalit, may mga taong higit na mataas ang panganib na magkaroon nito, lalo na ang mga sumusunod na mga may kondisyong nagpapahina ng kanilang immune system:
- Mga sanggol o kaya ay ang mga matatanda
- Mga mayroong HIV/AIDS
- Mga may sakit na diabetes
- Mga may sakit sa bato (kidney)
- Mga may sakit na kanser
- Mga sumasailalam sa pagpapagamot laban sa cancer
- Mga nagpapagamot pagkatapos ng organ transplant
- Mga may kakulangan sa nutrisyon
- Mga naninigarilyo
May panganib din na magkaroon ng TB ang mga sumusunod:
- Mga nakatira sa bahay na may nakatirang may sakit na TB
- Mga nagtatrabaho sa mga paggamutan na nakikisalamuha sa mga may TB
- Mga nakatira sa mga residential care facility kung saan nakasasalamuha rin nila ang mga taong may tuberkulosis
- Mga taong bumibyahe sa mga dako kung saan ay may outbreak ng tuberkulosis
Pag-Iwas
Image Source: unsplash.com
May ilang mga madadaling paraan upang maiwasan ang sakit na tuberkulosis. Subalit, kapag ang isang tao ay nagkaroon nito, kinakailangang sundin niyang mahigpit ang payo ng doktor, lalo na ang pag-inom ng mga gamot laban dito. Ito ay upang maiwasan ang paglala nito sa pagiging aktibong uri ng TB. Kapag lumala na ang TB ng isang tao, maaari na itong makahawa. Kapag naiwasan ang paglala nito, maiiwasan din ang pagkalat nito sa ibang mga tao.
Upang ganap namang makaiwas sa sakit na ito, kinakailangang gawin ang mga sumusunod:
- Magpabakuna laban sa TB.
- Iwasan ang pagpunta sa mga lugar kung saan may kilalang pagkalat ng TB.
- Ugaliing magdala at gumamit ng face mask kung sakaling hindi maiiwasang pumunta sa mga lugar na may TB, o makisalamuha sa taong mayroon nito.
- Ugaliing magdala at gumamit ng rubbing alcohol at hand sanitizer saan man magpunta.
- Ugaliing maghugas ng mga kamay bago kumain.
- Tiyaking sapat ang oras na inilalaan sa pagpapahinga upang mapalakas ang immune system.
- Regular na mag-ehersisyo dahil nakatutulong din ito sa pagpapatatag ng immune system at ng mga baga.
Sanggunian
- https://www.cdc.gov/tb/topic/treatment/tbdisease.htm
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/tuberculosis/symptoms-causes/syc-20351250
- https://www.healthline.com/health/pulmonary-tuberculosis#treatment
- https://www.nhs.uk/conditions/tuberculosis-tb/causes/
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC5432783/