Buod
Ang tulo o gonorrhea ay isang uri ng impeksyong nahahawa sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Sa wikang Ingles, ang mga impeksyon na ito ay tinatawag na STI (sexually transmitted infection). Ang karamdamang ito ay isa sa pinakamatagal na’ng kilalang STI, mula pa noong Middle . Nabansagan naman itong tulo dito sa Pilipinas dahil sa nanang lumalabas sa ari ng mga taong mayroong ganitong uri ng karamdaman. Sa mga ibang bansa sa Europa at pati na rin sa Amerika, “The clap” naman ang tawag dito. Pinaniniwalaan na nagmula ang katagang ito sa mga lugar kung na saan nagtratrabaho ang mga prostituta, na kung tawagin sa wikang Pranses ay, “les clapiers.”
Ang tulo ay isang impeksyong nagmumula sa bacteria. Hinahawaan naman nito ang mga bahagi ng katawan na basa at mainit-init. Mga halimbawa ng mga ito ay ang daluyan ng ihi o urethra, ari ng babae o vagina, ngala-ngala, rectum, at ang mga ibang bahagi ng reproductive system ng mga babae, tulad ng matris. Mapapansin na ang mga nabanggit na bahagi ng katawan ay may kinalaman sa pagtatalik o hindi kaya ay sa pag-uugaling sekswal. Ito ang dahilan kung bakit nahanay sa mga STI ang tulo. Gayunpaman, pwede ring mahawa ang mga mata at mga kasu-kasuan ng gonorrhea.
Gaya nang nabanggit, ang pinakakilalang sintomas ng karamdamang ito ay ang paglabas ng nana mula sa ari. Bukod dito, nakararanas ang mga may sakit ng tulo ng pananakit o hapdi sa tuwing iihi, at pati na rin ng pamamaga. Ang mga sintomas na ito ay mas banayad na nararamdaman ng mga kababaihan kaysa ng mga kalalakihan.
Ang tulo ay nagagamot sa pamamagitan ng pag-inom ng mga antibiotic. Gayunpaman, mayroong nagsusulputan na mga strain ng tulo na bunga ng bakteryang di tinatablan ng pangkaraniwan na mga antibiotic. Sa mga matatanda, hindi naman humahantong ang karamdamang ito sa pagkamatay o pagkalumpo, ngunit maaari itong ikabaog. Ang mga sanggol naman na nahawaan ng tulo ay pwedeng mabulag. Ito ay dahil ang mga mata ng sanggol ang nahahawaan nito.
Kasaysayan
Ang tulo ay isa sa mga sinaunang napansin na STI. Sa katunayan, may mga ebidensyang nabanggit ito sa mga sinaunang teksto gaya ng Bibliya, at pati na rin sa Torah ng mga Hudyo. Noong 1161 naman sa Inglatera ay may nagawang batas para mapigilan ang pagkalat ng isang sakit na may mga sintomas na kahawig sa sintomas ng tulo.
Ang doktor naman na unang nakatanto na ang tulo ay nahahawa sa pamamagitan ng pagtatalik ay si Dr. Wilhelm Gollmann noong 1854. Ito ay nang mapansin nya na madalas magkaroon ang mga prostituta sa iba-ibang malalaking lungsod ng karamdamang ito. Noong 1879 naman ay natuklasan ni Albert Neisser ang uri ng bakterya na kung saan nahahanay ang Neisseria gonnorhea (o N. gonnorhea). Sa katunayan, pinangalanan niyang Neisseria ang pangkat ng mga bakteryang ito mula sa apelyido nya.
Dahil hindi pa naimbento ang mga antibiotic noong mga panahon na iyon, iba-ibang klaseng lunas ang ginagamit para maigamot ang tulo, mula sa mga halamang nakalalason gaya ng belladonna, hanggang sa mga kemikal gaya ng phosphorus. Noong mga 1897 naman ay natuklasan ang Protargo, isang chemical compound na gawa sa pilak na may kakayahang pumatay ng mga mikrobyo. Ito ang ginamit laban sa tulo hanggang naimbento ang mga antibiotic noong dekadang 1940.
Mga Sanhi
Ang mikrobyo na may sanhi ng tulo ay ang bakteryang Neisseria gonorrhea (N. gonorrhea). Dahil isang itong STI, ang tulo ay nahahawa kapag ang katalik mo ay mayroon nang ganitong klaseng karamdaman. Bukod dito, lahat ng klase ng pagtatalik ay pwedeng pagmulan ng karamdamang ito.
Sintomas
Source: gamotsatulo.info
Ang pinakakapansin-pansin na sintomas ng tulo ay ang paglabas ng nana galing sa ari, maging sa mga kalalakihan o kababaihan. Bukod dito, may mga iba pa ring sintomas ang karamdamang ito gaya ng:
- Pamamaga sa isa sa mga testicle na may kasamang pananakit o pagkahapdi.
- Masakit o mahapding pag-ihi. Kadalasan mas matindi ang pananakit na nararamdaman ng mga lalaki kaysa sa mga babae.
- Mas madalas na pag-iihi sa mga kababaihan, na mistulang pagka balisawsaw.
- Pagdudugo ng ari ng babae sa pagitan ng pagre-regla at pati na rin pagkatapos ng pakikipagtalik.
- Pagtatalik na may kasamang pananakit. Ang mga kababaihan ang kadalasang nakararanas nito.
- Pananakit sa rehiyon ng tiyan at ari sa mga babae.
Gaya ng naunang nabanggit, mas banayad ang nararamdamang sintomas ang mga kababaihan. Bukod pa dito ay nahahawig ang mga sintomas na ito sa ibang pagkaraniwang sakit sa ari ng kababaihan, gaya ng UTI. Dahil dito ay maaaring mapagkamalang ibang sakit ang tulo.
Kapag nahawaan naman ng tulo ang ibang bahagi ng katawan, mayroon din itong nauugnay na sintomas.
- Sa may puwitan – Ang mga sintomas na maaaring maranasan kapag nagkaroon ng tulo ang puwitan ay may pagkakawahig sa tulo ng ari. Mararanasan dito ang paglabas ng nana galing sa puwitan, pati na rin ang pananakit kapag dumudumi. Bukod dito ay makararanas din ng pangangati sa butas ng puwet, at mga tuldok ng dugo sa pinampunas sa puwet.
- Sa may ngala-ngala – Ang mga sintomas nito ay pamamaga ng ngala-ngala at ng kulani sa may leeg.
- Sa kasukasuan – Nagkakaroon ng matinding pagkikirot ang kasu-kasuan kapag nahawaan ang mga ito ng tulo. Bukod dito, nakararanas din ang pasyente ng pamamaga at kahirapan sa paggalaw.
- Sa mga mata – Nakararanas din ng pananakit, pagnanana, at madaling pagkadama ng ilaw o light sensitivity ang mga matang nahawa ng tulo.
Mga Salik sa Panganib
Dahil isang uri ng STI ang tulo, karamihan ng mga salik sa panganib nito ay tungkol sa pag-uugaling sekswal kagaya ng:
- Pabago-bago ng katalik – Ang tinutukoy dito ay ang mabilisang pagpalit ng katalik.
- Pagkakaroon ng higit sa isang katalik – Ang tinutukoy dito ay ang sabay-sabay na mga katalik sa anumang sandali.
- Pagkakaroon ng katalik na mayroong higit sa isa ang katalik – Ang tinutukoy dito ay ang pagkakaroon ng iisang katalik na siyang may mga ibang katalik.
- Pakikipagtalik na hindi gumagamit ng condom – Ang condom ay mahusay na hadlang laban sa pagkahawa ng N. gonorrhea.
- Pagkakaroon ng iba pang STI.
Mga Komplikasyon
Bagama’t hindi nakamamatay ang tulo, may mga komplikasyon ito na maaring makapinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
- Pagkabaog – Kapag hindi ginamot ang tulo, ito ay maaaring magbunga ito pagka-baog. Sa mga kababaihan, ito ay dulot ng pinsalang ginagawa ng tulo sa matris at fallopian tubes kapag kumalat dito ang sakit. Sa mga kalalakihan naman, maaring magdulot ang tulo ng epididymitis, na isang uri ng pamamaga ng isang bahagi ng mga testicle.
- Pagtaas ng salik sa panganib para sa HIV/AIDS – Mas mataas ang pagkakataon na magkaroon ng HIV/AIDS ang taong may tulo. Ito ay dahil humihina ang mga ibang cells ng immune system gawa ng pamamaga na dulot ng sakit.
- Pagkalat ng sakit sa mga kasukasuan – May mga pagkakataon na maaaring kumalat ang gonnorhea sa ibang bahagi ng katawan kapag ito ay makarating sa daluyan ng dugo, o bloodstream. Nagbubunga ito ng pananakit, pamamaga, at paninigas ng kasu-kasuan, pati na rin ng lagnat at pamamantal ng balat.
- Komplikasyon sa mga sanggol – Nakikitaan din ang sanggol ng komplikasyon mula sa tulo kung ang kanyang ina ay nahawaan nito. Nahahawaan ang sanggol habang siya ay isinisilang. Nahahayag naman ang karamdamang ito bilang impeksyon sa mga mata ng sanggol at hindi sa ari nito. Ito ay dahil nahahanap sa vagina ng ina ang N. gonorrhea, at dito naman dadaan ang bata kapag isinisilang na sya. Kapag hindi ito maagapan, maari itong ikabulag ng bata.
Pag-Iwas
Source: unsplash.com
Dahil isang STI ang tulo, ang pinakamabisang paraan para maiwasan ang pagkakaroon nito ay ang hindi pakikipagtalik. Kung sadya naman na masigla ang iyong buhay-sekswal, umiwas sa pakikipagtalik sa iba-ibang mga tao.
Bukod dito ay kilalanin nang mabuti ang iyong katambal. Kung alam mo o may batid ka na ang katambal mo ay mahilig makipagtalik sa iba’t ibang tao, magpumilit na gumamit ng condom tuwing kayo ay magtatalik. Ugalihin din ang regular na pagpasusuri sa doktor, lalong-lalo na kung ikaw ay lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki.
Ang kasabihan sa Inggles na, “an ounce of prevention is worth a pound of cure” ay napakahalaga kapag kalusugan ang pinaguusapan, lalong-lalo na kapag tulo ang tinutukoy. Ito ay dahil napakadaling iwasan ang mga pagkakataon na mahawaan ng karamdamang ito. Kung ikaw ay may mga mahal sa buhay, umiwas sa mga pag-uugali na maaring pagmulan ng karamdamang ito.
Sanggunian
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/gonorrhea/symptoms-causes/syc-20351774
- https://medlineplus.gov/ency/article/007267.htm
- https://www.cdc.gov/std/gonorrhea/stdfact-gonorrhea.htm
- https://www.medicinenet.com/image-collection/the_clap_gonorrhea_picture/picture.htm
- https://www.aidsdatahub.org/sites/default/files/documents/RTI_STI_Prevalence_in_Selected_Sites_in_the_Philippines.pdf.pdf
- https://www.rappler.com/thought-leaders/176251-dash-of-sas-gonorrhea-comeback
- https://www.news-medical.net/health/Gonorrhea-History.aspx
- https://www.biu.ac.il/JH/Parasha/eng/metzora/nitzan.html
- https://www.austincc.edu/microbio/2704w/ng.htm
- https://en.wikipedia.org/wiki/Gonorrhea#cite_note-66
- https://medlineplus.gov/ency/article/007267.htm
- https://news.abs-cbn.com/lifestyle/04/12/10/common-sex-diseases-exposed
- https://www.sciencedaily.com/releases/2008/09/080905215948.htm