Tulad ng unang nabanggit, ang tulo o gonorrhea ay dulot ng Neisseria gonorrhoeae, isang uri ng bacteria. Dahil dito, mga antibiotic ang pinakamabisang puwedeng gamitin bilang gamot sa tulo. Hindi kasi ito tulad ng ibang uri ng sakit o impekyson na kusang nawawala kahit hindi gamitan ng gamot. Tandaan lamang na ang mga antibiotic na gamot sa tulo ay hindi nabibili nang walang reseta mula sa iyong doktor. Bukod pa rito, dapat ay sundin ang tamang oras ng pag-inom ng gamot at siguraduhing ubusin ang antibiotic kahit na wala nang nararamdaman o nakikitang sintomas. Ito ay upang tiyak na mapuksa na ang mga bacteria na kasalukuyang nagdudulot ng impeksyon. Tinitiyak din nito ang lubusang paggaling ng pasyente at pag-iwas sa paglaganap ng tinatawag na antibiotic-resistant gonorrhea. Sa madaling sabi, ito ay uri ng tulo na hindi na “tinatablan” o kayang magamot ng mga pangkaraniwang antibiotic.
Pangkaraniwang Gamot sa Tulo
Kadalasan ay apat na uri ng antibiotic ang ginagamit na gamot sa tulo. Ang mga ito ay ceftriaxone, azithromycin, at gemifloxacin, at doxycycline.
- Ceftriaxone. Ang ceftriaxone ay isang third-generation anitbiotic. Ibig sabihin, mas mabisa ito sa mas maraming uri ng bacteria. Sa katunayan, ginagamit rin ang ceftriaxone laban sa impeksyon sa tenga, pulmonya, at meningitis o ang pamamaga ng mga balamban o sheath (meninges) na bumabalot sa utak at gulugod. Inirerekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention o CDC ng Estados Unidos na iturok ang ceftriaxone sa puwitan at sabayan ng pag-inom ng azithromycin.
- Azithromycin. Ang azithromycin ay isang uri ng antibiotic na madalas gamitin para sa mga STI o sexually transmitted infection, tulad ng klamidya at tulo. Bukod dito, ginagamit rin ang azithromycin laban sa malaria. Ang antibiotic na ito ay puwedeng iturok, ngunit mas madalas na ibinibigay ito bilang tableta, kapsula, o oral suspension. Ang azithromycin ay kabilang sa List of Essential Medicines ng World Health Organization. Ang mga gamot na kabilang sa talaang ito ay itinuturing na pinakaligtas, pinakamabisa, at lubhang mahalaga sa panggagamot sa tao.
- Gemifloxacin. Kung ang pasyente ay may alerhiya o hindi “hiyang” sa mga cephalosporin antibiotic na gaya ng ceftriaxone, puwedeng ireseta ang gemifloxacin para sa tulo. Ang gemifloxacin ay isang broad-spectrum antibiotic. Ibig sabihin nito, mabisa ang gemifloxacin laban sa dalawang grupo ng bacteria. Ginagamit rin ang gamot na ito para sa chronic bronchitis at banayad na pulmonya. Tulad ng paggamit ng ceftriaxone, inirerekomendang isabay ang azithromycin sa gemifloxacin laban sa tulo.
- Doxycycline. Kadalasan ding ginagamit na gamot sa tulo ang doxycylcline. Inirereseta rin ang antibiotic na ito laban sa sipilis, klamidya, at leptospirosis. Di tulad ng ceftriaxone na sa kalamnan itinuturok, sa ugat pinadadaan ang iniksyon ng doxycycline. Mayroon ding tabletang doxycycline na puwedeng inumin. Tandaan lamang na mas mabisa ang doxycycline kung banayad lamang ang kaso ng tulo.
Tulad ng ibang impeksyon, may mga pagkakataong hindi lumalabas ang mga sintomas ng tulo. Sa gayon, dapat pa ring magpakonsulta ang iyong naging katalik para malaman kung siya ba ay may tulo o wala para mabigyan siya ng tamang gamot. Kung hindi, malaki ang posibilidad na maipasa ng iyong katalik ang impeksyon pabalik sa iyo kahit na gumaling ka na mula sa tulo.
Tandaan din na puwedeng mahawaan ang mga sanggol ng tulo kung ang kanilang ina ay mayroon ding sakit noong sila ay manganak. Parehong antibiotic din ang ginagamit na gamot sa tulo para sa mga sanggol. Kailangan lamang na tama ang dosis.
Panghuli, tandaan na hindi dapat ibahagi o ipagamit sa iba ang iyong gamot sa tulo. Gaya ng unang nabanggit, kailangang sunding mabuti ang reseta ng doktor para maging lubos ang bisa ng gamot. Kung may anumang dahilan sa hindi pagkaubos ng iyong mga antibiotic, itapon na ito. Kung sakaling bumalik ang impeksyon, kumonsultang muli sa doktor upang mabigyan ng bagong reseta ng gamot sa tulo.
Gamot sa Antibiotic-Resistant na Tulo
Image Source: www.freepik.com
Isang malaking pagsubok ngayon sa medisina ang paglabas ng mga tinatawag na antibiotic-resistant strain ng tulo. Ang ganitong uri ng tulo ay hindi nadadaan sa pangkaraniwang gamot sa tulo. Kadalasan, mas matatapang o kaya ay mas maraming antibiotic ang kailangang inumin o iturok bago ito gumaling.
Isang salik sa paglabas ng mga antibiotic-resistant na mga sakit ay ang self-medication. Ito ay ang pag-inom ng gamot kahit hindi kailangan o pag-inom ng maling gamot. Nagkakaroon din ng antibiotic-resistant na strain kapag hindi natatapos o nabubuo ang pag-inom ng gamot sa tulo o iba pang sakit, tulad ng tuberkulosis. Ang mga gawaing ito ay nagiging dahilan para “masanay” ang bacteria sa gamot at magkaroon nang immunity dito. Kaya naman kapag tinamaan ang isang tao ng ganitong uri ng impeksyon, hindi na nagiging mabisa ang pangkaraniwang dosis ng gamot.
Kung kaya naman patuloy ang pagpapa-alala ng mga dalubhasa na sunding mabuti ang reseta ibinigay. Mula sa oras ng pag-inom ng gamot sa tulo hanggang sa dami ng dapat inuming likido o tableta, siguraduhing gawin ang lahat ng sinabi ng doktor. Ang lahat ng ito ay para rin sa ikabubuti ng iyong kalusugan.
Bakuna Laban sa Tulo
Sa ngayon ay wala pang bakuna laban sa tulo. Habang patuloy ang pananaliksik ng mga dalubhasa, malaki ang maitutulong ng tamang kaalaman tungkol sa tulo. Halimbawa, tanging sa pakikipagtalik lamang puwedeng makuha ang tulo (maliban lamang sa mga sanggol na isinilang ng inang may sakit). Isa pa, hindi lamang sa ari nakikita ang mga sintomas ng tulo. Sa katunayan, ang pananakit o pangingirot ng mga kasu-kasuan, pamamaga ng ngala-ngala, at maging ang pananakit ng mga mata ay puwedeng indikasyon din ng tulo.
Kailangan din ang ibayong pag-iingat sa pakikipagtalik, lalo na ang paggamit ng condom upang mapababa ang panganib na mahawa o makahawa ng tulo. Mas mabuti rin kung iiwasan ang pagkakaroon ng maraming katalik o sexual partner. Higit sa lahat, maging matapat sa iyong katalik. Alalahaning nagagamot ang tulo, at hindi dapat maging hadlang sa isang relasyon.
Sakaling magkaroon ng sakit, pinakamabuti pa rin ang magpakonsulta sa doktor para malaman kung anong antibiotic ang iyong puwedeng inumin bilang gamot sa tulo. May mga bansa o kulturang gumagamit ng mga halamang gamot, ngunit hindi pa napatutunayan ang bisa ng mga ito. Madalas, napagagaan lamang ng mga halamang gamot at iba pang mga pambahay na lunas ang mga sintomas ng tulo ngunit hindi nagpagagaling nang tuluyan ang mga ito. Panghuli, tulad ng ilang ulit nang nabanggit, siguraduhing sundin nang mabuti ang reseta ng doktor.
Sanggunian
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/gonorrhea/diagnosis-treatment/drc-20351780
- https://www.healthline.com/health/gonorrhea#treatment
- https://www.cdc.gov/std/gonorrhea/stdfact-gonorrhea.htm
- https://en.wikipedia.org/wiki/Ceftriaxone
- https://en.wikipedia.org/wiki/Gemifloxacin
- https://en.wikipedia.org/wiki/Gentamicin
- https://en.wikipedia.org/wiki/Doxycycline