Buod
Ang type 1 diabetes ay isang uri ng diabetes na madalas makaapekto sa mga bata. Dahil dito, nakilala ito noon sa tawag na juvenile diabetes. Subalit, ito ay tinawag na lamang na type 1 diabetes sapagkat maaaring magkaroon ng kondisyon na ito sa kahit anong edad.
Napakadalang din ng kondisyon na type 1 diabetes sapagkat 5% lamang ng populasyon ang mayroon nito. Bagama’t ito ay napakadalang, mas malala ito kaysa sa type 2 diabetes. Kumpara sa type 2 diabetes, wala na talagang insulin na nagagawa ang pancreas o lapay ng pasyente na may type 1 diabetes. Ang insulin ay isang uri ng hormone na kailangan ng katawan upang mapanatiling normal ang dami ng asukal sa dugo o blood sugar level. Kung walang insulin, ang blood sugar level ay tataas at magreresulta sa diabetes.
Kapag nagkaroon ng anumang uri ng diabetes, ang pasyente ay karaniwang nakararanas ng mabilis na pagkagutom, palagiang pagkauhaw, madalas na pag-ihi, panlalabo ng paningin, mabilis na pagkapagod, at biglaang pamamayat. Bagama’t ang mga sintomas na nabanggit ay maaaring maranasan ng mga pasyenteng may type 2 diabetes, sa kaso ng type 1 diabetes, mas matindi ang mga sintomas na nararamdaman. Bukod dito, mas madali silang magkaroon ng mga komplikasyon.
Hindi pa lubos malaman kung bakit nagkakaroon ng type 1 diabetes. Pero kalimitan, ito ay sanhi ng isang autoimmune disorder na kung saan ang sariling immune system ng katawan ay inaatake at sinisira ang lapay nito. Bukod dito, ang type 1 diabetes ay maaaring mamana. Kung may type 1 diabetes ang mga magulang, maaaring magkaroon din ang kanilang mga anak.
Upang maibsan ang mga sintomas at maiwasang magkaroon ng komplikasyon mula sa kondisyon na ito, ang pasyente ay kailangang sumailalim sa panghabangbuhay na gamutan. Karaniwang nagrereseta ang mga doktor ng insulin injection o insulin pump upang bumaba ang blood sugar level ng pasyente. Bukod dito, kailangan din ng pasyente na pangasiwaan nang maayos ang kanyang kalusugan sa pamamagitan ng pagkain nang wasto at pag-eehersisyo.
Kasaysayan
Ang dalawang uri ng diabetes ay unang nadiskubre ni Etienne Lancereaux (1829-1910), isang doktor mula sa Pranses. Subalit noong kapanahunan ni Lancereaux, ang type 1 diabetes ay kilala pa sa tawag na diabete maigre (thin diabetes), samantalang ang type 2 diabetes ay kilala sa tawag na diabete gras (fat diabetes).
Batay sa pag-aaral ni Lancereaux, ang mga pasyenteng may diabete maigre ay kalimitang mga kabataan, samantalang ang mga pasyenteng may diabete gras ay kalimitang mga matatanda na may labis na timbang. Sa kapanahunang ito, hindi pa nadidiskubre ang insulin, kaya naman karamihan ng mga pasyenteng may diabete maigre ay nababawian ng buhay.
Bukod kay Lancereaux, isa rin si Elliot Joslin sa mga kauna-unahang doktor na nag-aral tungkol sa diabetes. Dahil ang kanyang ina ay may diabetes, pinag-aralan niya nang husto kung paano mapigilan ang pagkakaroon ng komplikasyon sa sakit na ito. Sa kanyang masugid na pananaliksik, napag-alaman niya na malaki ang naitutulong ng pagdidiyeta at pag-eehersisyo sa pangangasiwa ng diabetes.
Nang matuklasan naman ni Frederick Grant Banting ang insulin noong 1923, isa si Joslin sa mga nagpakalat ng kaalaman tungkol sa paggamit ng insulin bilang isa sa mga mabisang paraan upang malunasan ang anumang uri ng diabetes.
Mga Sanhi
Hindi pa lubusang malaman kung bakit nagkakaroon ng type 1 diabetes. Subalit, ayon sa mga doktor, ang mga posibleng sanhi nito ay ang mga sumusunod:
- Autoimmune disorder. Kapag ang isang tao ay may autoimmune disorder, maaaring atakihin ng mismong immune system ng katawan ang lapay nito. Kapag ang lapay ay tuluyang napinsala, maaaring mawalan ito ng kakayanan na gumawa ng insulin hormone at magdulot ng type 1 diabetes.
- Viral infection. Pinaniniwalaan din ng mga doktor na ang pagkakaroon ng viral infection ay posibleng mag-trigger sa immune system upang atakihin ang iba’t ibang bahagi ng katawan. Kung hindi magagamot ang viral infection, maaaring magkapinsala ang lapay at magresulta sa type 1 diabetes.
- Namamana. Maaari ring mamana ang kondisyon na ito kung may kasaysayan ng type 1 diabetes sa pamilya. Kung may type 1 diabetes ang mga magulang, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng kondisyon na ito.
Ang labis na pagkain ng matatamis at hindi pag-eehersisyo ay hindi kabilang sa mga sanhi ng type 1 diabetes sapagkat ito ay mga karaniwang sanhi ng type 2 diabetes.
Mga Sintomas
Image Source: unsplash.com
Ang pagpapakita ng mga sintomas ng type 1 diabetes ay maaaring abutin ng mga buwan o taon bago lumabas. Ito ay dahil sa inuunti-unti munang sirain ng immune system ang lapay ng katawan. Kapag nasira na ang lapay, ito ay hindi na makagagawa ng insulin at maaaring magresulta sa mga sumusunod na sintomas:
- Mabilis magutom. Ang diabetic na pasyente ay mabilis magutom sapagkat ang mga asukal ng katawan ay nananatili lamang sa daluyan ng dugo at hindi nakapapasok sa mga kalamnan nito. Dahil dito, hindi naisasalin bilang enerhiya ang mga asukal, kaya naman pakiramdam ng diabetic na pasyente na lagi siyang gutom.
- Parating nauuhaw. Ayon sa pag-aaral, kapag mataas ang blood sugar level, nagkukulang ang tubig sa mga kalamnan at nagdudulot ng dehydration. Dahil dito, nakararamdam ng madalas na pagkauhaw ang pasyenteng may
- Dumadalas ang pag-ihi. Sa pagtatangkang mapababa ang blood sugar level, ang mga kidney o bato ng katawan ay gumagawa ng mas maraming ihi. Sa pag-ihi, sumasama ang ilang mga asukal ng katawan, kaya naman mapapansin na madalas langgamin ang mga maliliit na damit panloob ng mga
- Panlalabo ng paningin. Kapag mataas ang blood sugar level, ang mga lente ng mga mata ay namamaga at nagreresulta ito sa panlalabo ng paningin.
- Mabilis mapagod. Gaya ng nabanggit noong una, hindi nakapapasok sa mga kalamnan ng katawan ang mga asukal na kailangan nito. Dahil dito, walang enerhiya ang katawan upang makakilos nang maayos at nagdudulot ng mabilis na pagkapagod.
- Biglaang pamamayat. Maaari ring biglaang mamayat ang pasyenteng diabetic sapagkat hindi nakatatanggap ng sapat na nutrisyon ang mga kalamnan. Tandaan, ang asukal ay kailangang makapasok sa kalamnan upang maisalin ito bilang nutrisyon at enerhiya. Subalit, ang mga asukal ay nanatili lamang sa daluyan ng dugo dahil walang insulin ang katawan.
Mga Salik sa Panganib
Tumataas ang posibilidad na magkaroon ng type 1 diabetes dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagkakaroon ng edad na 14 pababa. Ang type 1 diabetes ay isa sa mga karaniwang pangmatagalang sakit na nakaaapekto sa mga kabataang may edad 14 pababa. Dahil dito, nakilala ito noon sa tawag na juvenile diabetes. Subalit, ayon sa pananaliksik, ang mga matatanda ay maaari ring magkaroon nito lalo na kung na-trigger ng isang viral infection na atakihin ng immune system ang lapay ng katawan.
- Kasaysayan ng type 1 diabetes sa pamilya. Malaki rin ang posibilidad na mamana ang sakit na ito. Kung ang isa o dalawa sa mga magulang ay mayroong type 1 diabetes, maaaring magkaroon ng kondisyon na ito ang kanilang mga anak.
- Pagkakaroon ng mahinang resistensiya. Maaari ring magkaroon ng type 1 diabetes ang mga taong may mahihinang resistensiya sapagkat mas madali silang dapuan ng mga viral infection. Gaya ng nabanggit noong una, ang viral infection ay maaaring mag-trigger sa pagkakaroon ng type 1 diabetes.
Mga Komplikasyon
Image Source: www.freepik.com
Ang sakit na ito ay maaring magkaroon ng mga sumusunod na komplikasyon:
- Nephropathy
- Sakit sa puso
- Stroke (atake sa utak)
- Altapresyon (high blood pressure)
- Pagsusugat sa paa
- Neuropathy
- Impeksyon sa balat
- Pamamaga ng gilagid
Pag-Iwas
Kumpara sa type 2 diabetes, ang type 1 diabetes ay hindi naiiwasan sapagkat isa itong autoimmune disorder o kaya naman ay ito ay namamana. Maaari lamang palakasin ang resistensya ng katawan upang hindi dapuan ng anumang viral infection na maaaring mag-trigger sa pagkakaroon ng autoimmune disorder.
Bagama’t ang pagkakaroon ng ganitong kondisyon ay napakahirap, maaari namang mamuhay nang normal subalit may maigting na pag-iingat. Sundin lamang ang mga ipapayo ng doktor upang maiwasan ang anumang komplikasyon.
Sanggunian:
- https://www.cdc.gov/diabetes/basics/type1.html
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/323729.php
- https://www.webmd.com/diabetes/type-1-diabetes#1
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/type-1-diabetes/symptoms-causes/syc-20353011
- https://diabetes.diabetesjournals.org/content/50/2/217
- https://www.endocrineweb.com/guides/insulin/insulin-pump-overview