Buod

Ang pagkakaroon ng hindi malusog na pamumuhay ay maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit gaya ng type 2 diabetes. Ang type 2 diabetes ay isang sakit sa sistemang endokrina na kilala rin bilang isang lifestyle disease sapagkat maaaring makuha ito sa labis na pagkain at kakulangan sa pag-eehersisyo. Kapag naapektuhan ng kondisyong ito, tataas ang dami ng asukal sa dugo o blood sugar level at karaniwang umaabot ito ng 200 mg/dl pataas.

Maaaring hindi malaman ng isang tao na may diabetes na pala siya sapagkat ang mga sintomas nito ay unti-unti lamang lumalabas. Ang mga karaniwang sintomas nito ay madalas na pagkagutom, kakulangan ng lakas, mabilis na pagkapagod, pagbaba ng timbang, madalas na pagka-uhaw, pangangati ng balat, madalas na pag-ihi, at marami pang iba.

Kung hindi mapangangasiwaan ang kondisyon, ang mga sintomas ay maaaring lumala at magdulot ng iba’t ibang komplikasyon. Ang type 2 diabetes ay hindi katulad ng ubo at lagnat na kapag uminom ng gamot ay magaling na. Isa itong pangmatagalang uri ng kondisyon at kapag nagkaroon nito, hindi na ito mawawala. Subalit, maaari namang maibsan ang mga sintomas sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malusog na pamumuhay, pag-inom o pagturok ng mga gamot.

Kasaysayan

Isang napakadalang na kondisyon ang diabetes noong sinaunang panahon. Subalit pagsapit ng kalagitnaan ng ika-19 na siglo, natuklasan ng mga doktor na may dalawang uri ang diabetes at ito ay kilala ngayon bilang type 1 diabetes at type 2 diabetes.

Sa type 1 diabetes, ang pasyente ay maaaring isinilang ng may ganitong kondisyon, samantalang ang type 2 diabetes naman ay dulot ng hindi malusog na pamumuhay. Kung ikukumpara ang dalawang uri, mas malala ang type 1 diabetes sapagkat mas matindi ang mga nararamdamang sintomas at kailangang hindi makaligtaan ang pag-inom o pagtuturok ng mga gamot.

Noong mga sinaunang panahon, ang mga pasyenteng may diabetes ay kailangang hindi kumain upang mapangasiwaan ang kanilang kondisyon. Subalit, ang ganitong uri ng lunas ay napakahirap para sa mga pasyente. Nang matuklasan ang insulin, naging isa na ito sa mga pangunahing lunas ng diabetes kasabay ng pagdiyediyeta o pagkain ng hindi malalasang pagkain.

Sa patuloy na pag-aaral at pananaliksik tungkol sa diabetes, mas madali na ngayong mapangasiwaan ang kondisyon na ito.

Mga Sanhi

Maaaring magkaroon ng type 2 diabetes kapag ang pancreas o lapay ay hindi nakagagawa ng sapat na insulin. Ang insulin ay isang uri ng hormone na kailangan ng katawan upang makapasok ang mga glucose o asukal sa kalamnan. Kung kulang ng insulin, ang asukal ay mananatili lamang sa daluyan ng dugo na siyang nagiging dahilan upang tumaas ang blood sugar level.

Kadalasan, ang lapay ay nagkakaroon ng problema at nagdudulot ng type 2 diabetes dahil sa pagsasama ng iba’t ibang sanhi:

  • Pagkakaroon ng mga problemadong gene. Maaaring magkaroon ng type 2 diabetes kung namana ang mga problemadong gene ng magulang na may ganitong kondisyon. Subalit, maaari namang hindi umusbong ang diabetes kung sa umpisa pa lang ay mayroon ng malusog na pamumuhay.
  • Pagkakaroon ng labis na timbang. Ang pagkakaroon ng labis na timbang ay madalas na bunga ng sobrang pagkain at kakulangan sa pag-eehersisyo. Kung hindi maibabalik sa wasto ang timbang, maaaring magkaroon ng insulin resistance. Ibig sabihin nito, maaaring hindi tanggapin ng katawan ang mga signal na binibigay ng insulin upang magpasok ng mga asukal sa kalamnan. Dahil dito, naiipon ang mga asukal sa dugo at nagkakaroon ang pasyente ng mataas na blood sugar level.
  • Pagkakaroon ng metabolic syndrome. Kung ang pasyente ay mayroong metabolic syndrome, maaari rin itong magdulot ng type 2 diabetes. Ang metabolic syndrome ay isang uri ng kondisyon na binubuo ng iba’t ibang mga salik gaya ng altapresyon, hyperglycemia (high blood sugar), mataas na dami ng mga triglyceride, mababang dami ng HDL cholesterol, at pagkakaroon ng mga taba sa tiyan. Kadalasan, kung ang pasyente ay mayroong metabolic syndrome, mataas din ang kanyang insulin resistance.
  • Paggawa ng atay ng labis na dami ng asukal. Maaari ring magkaroon ng type 2 diabetes kung ang atay ay gumagawa ng maraming asukal. Normal na gawain ito ng atay sapagkat ito ang glucose reservoir ng katawan. Karaniwang gumagawa ng asukal ang atay sa tuwing kumakain ang isang tao o kaya naman ay kapag natutulog. Subalit, kung mapasobra ito, maaaring tumaas ang blood sugar level.
  • Pagkakaroon ng problema sa pakikipag-ugnayan ng mga selula. Kung ang mga selula ng katawan ay mayroong problema sa pakikipag-ugnayan, maaaring magkaroon ng type 2 diabetes. Ang mga selula ay maaaring hindi makatanggap ng mga signal at mensahe mula sa isa’t isa kaya naman maaaring maparami o mapaunti ang paggawa ng insulin sa katawan.
  • Pagkasira ng mga beta cell. Ang mga beta cell ay ang mga selula na nasa lapay. Sila ang gumagawa ng mga insulin ng katawan. Kung ang mga ito ay may problema, maaaring hindi makagawa ng sapat na dami ng insulin, dahilan upang maipon ang mga asukal sa dugo.

Mga Sintomas

Image Source: www.freepik.com

Sa unti-unting paglabas ng mga sintomas ng type 2 diabetes, maaaring makaranas ang pasyente ng mga sumusunod:

  • Madalas na pagkagutom
  • Panghihina
  • Pagkapagod
  • Pagbaba ng timbang
  • Labis na pagka-uhaw
  • Madalas na pag-ihi
  • Pangangati ng balat
  • Panunuyo ng mga labi
  • Panlalabo ng paningin
  • Mabagal na paggaling ng mga sugat
  • Pangingitim ng mga kili-kili at batok
  • Madalas magkaroon ng impeksyon
  • Pamamanhid ng mga kamay at paa
  • Pamumula at pamamaga ng mga galagid
  • Pananakit ng ulo
  • Pagkahimatay

Maaaring hindi maranasan ng pasyente ang lahat ng mga sintomas na nabanggit. Ito ay batay pa rin sa tindi ng kondisyon.

Mga Salik sa Panganib

Dahil ang type 2 diabetes ay isang lifestyle disease, maaaring magkaroon nito ang kahit na sinumang walang may malusog na pamumuhay. Tumataas din ang posibilidad na magkaroon ng kondisyon na ito ng dahil sa mga sumusunod na salik:

  • Kasaysayan ng type 2 diabetes sa pamilya. Kung ang mga magulang at mga kapatid ay may type 2 diabetes, maaaring namana mo rin ang mga problemadong gene ng iyong mga magulang. Kung hindi maingat sa paraan ng pamumuhay, maaaring umusbong ang diabetes
  • Pagsapit ng edad na 45-anyos pataas. Kadalasan, ang mga sintomas ng type 2 diabetes ay lumalabas sa ganitong edad. Subalit, maaari itong lumabas sa kahit anong edad lalo na kung hindi malusog ang pamumuhay.
  • Lahi o etnisidad. Ayon sa pag-aaral, ang mga African-American, Hispanic-American, Asian-American, Pacific Islander, at Native American ang madalas na maapektuhan ng diabetes kaysa sa mga
  • Pagkakaroon ng PCOS. Ang PCOS o polycystic ovarian syndrome ay isang kondisyon na nakaaapekto sa mga kababaihan. Sa kondisyon na ito, ang babae ay nagkakaroon ng sobrang dami ng androgen (male hormone) na siyang nagiging dahilan upang magkaroon ng insulin resistance.

Mga Komplikasyon

Kung ang type 2 diabetes ay mapapabayaan, maaaring lumala ang mga sintomas at magkaroon ng mga sumusunod na komplikasyon:

  • Pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng sakit sa puso o daluyan ng dugo
  • Pagkapinsala ng mga nerve o neuropathy
  • Pagkakaroon ng kidney failure
  • Pagkakaroon ng mga sakit sa mata gaya ng katarata at glaucoma
  • Pagkabulok ng mga paa
  • Panghina ng pandinig
  • Pagkakaroon ng mga bacterial at fungal infection sa balat
  • Pagkakaroon ng problema sa pagtulog gaya ng sleep apnea
  • Pagkakaroon ng Alzheimer’s disease

Ang mga komplikasyon ng type 2 diabetes ay karaniwang malubha o maaaring magdulot ng panganib sa buhay kaya naman hindi ito dapat ipagsawalang-bahala.

Pag-Iwas

Image Source: unsplash.com

Madali lamang makaiwas sa type 2 diabetes. Upang hindi magkaroon ng kondisyon na ito, gawin lamang ang mga sumusunod na pag-iingat:

  • Kumain lamang ng sapat. Kung labis ang pagkain, tataas ang blood sugar level.
  • Bawasan ang pagkain ng mga matatamis, maaalat, at matatabang pagkain.
  • Siguraduhing balanse ang kinakain sa araw-araw. Mas mainam na kumain ng mga pagkaing mayayaman sa fiber gaya ng mga prutas at gulay.
  • Maging aktibo. Iwasan ang pag-upo o pagtayo nang matagal. Mas mainam kung igagalaw-galaw ang mga kamay at paa upang magamit at maisalin bilang enerhiya ang mga asukal sa katawan.
  • Mag-ehersisyo kahit 30 minuto sa loob ng isang araw. Maaaring maglakad nang mabilis, mag-jogging, o magbisikleta upang pagpawisan at magamit ang mga asukal sa katawan.
  • Uminom ng maraming tubig. Nakatutulong ang pag-inom ng tubig upang mailabas sa ihi ang sobrang asukal sa katawan.
  • Kung labis ang timbang, magpapayat hanggang sa marating ang normal na timbang. Bukod sa maiiwasan ang diabetes, magkakaroon din ng mas malusog na puso at pangangatawan.

Sanggunian: