Buod

Ang ubo o cough ay isang uri ng reflex ng katawan na nagaganap kapag may nakabara o naka-iirita sa iyong lalamunan o airway. Ang ubo ay maaaring voluntary o involuntary. Ang layunin ng pag-ubo sa ating katawan ay mailabas ang anumang nakabara o nang-iirita sa respiratory tract para magpaluwag ng paghinga. Ang mga irritant sa lalamunan ay maaaring mga pisikal na bagay gaya ng alikabok at usok o kaya naman ay labis na dami ng plema.

Ang mekanismo ng pag-ubo ay nahahati sa tatlong bahagi: una dito ay ang paloob na paghinga o inhalation, pangalawa ay ang pabiglang paghinga nang palabas habang sarado ang glottis, at ang pangatlo ay ang biglaang pagbukas ng glottis para mailabas ang hininga nang mabilis. Hindi nangangahulugan na may sakit ang isang tao kapag siya ay umuubo. Sa katunayan, ang paminsan-minsang pag-ubo ay normal. Ang kailangan lang na pagtuunan ng pansin ay kapag hindi ito tumitigil, o kung mayroon itong kasamang dugo o di kaya ay labis na plema.

Mayroong tatlong uri ang ubo ayon sa kung ilang linggo ito tumatagal. Sa hanay naman ng mga sanhi, ang pangkaraniwang sanhi ng ubo ay impeksyon sa respiratory tract. Bukod dito, mayroon ding mga sanhing pisikal gaya ng pagkapinsala ng mga vocal chord, at pagka-irita ng trachea dahil sa sakit na gastroesophageal reflux. Maaari din na ang pag-ubo ay sintomas ng iba pang seryosong karamdaman gaya ng panghihina ng puso (heart failure) at pulmonary embolism.

Bagama’t mas kilala ang pag-ubo bilang sintomas ng ibang sakit, mayroon din itong iba’t ibang uri. Kaugnay dito ay may mga ibang sintomas na maaaring maranasan na kasabay sa pag-ubo na puwedeng pangtukoy sa kung anong uri ng ubo mayroon ka. Ilang halimbawa nito ay pagkakaroon ng lagnat, panlalamig, at pag-ubo tuwing nalalantad sa mga iba’t ibang klase ng mga irritant. Ang mga nabanggit ay maaaring gamiting batayan ng iyong doktor sa pagsuri ng iyong karamdaman.

Ang paggamot at paglunas sa ubo ay nakasalalay sa kung ano ang pinagmulan nito. Kung ito ay sanhi ng impeksyon ay maaari kang painumin ng antibiotic ng iyong doktor. Maaari ka ring resetahan ng cough suppressant, lalo na kung nagiging sagabal na ang pag-ubo sa iyong pagtulog.

Kasaysayan

Ang mga sakit na may kasamang pag-ubo ay isa sa mga pinakamatagal na kilalang sakit sa kasaysayan. Isang halimbawa ay ang pulmonya (pneumonia). May kaalaman na tungkol sa pulmonya ang mga doktor noon pang panahon ng sinaunang Gresya.

Isa pang halimbawa ay ang tuberkulosis. Tinatayang mga siyam na libong taon na itong nakahahawa sa mga tao. Ito ay ayon sa mga natuklasang ebidensya ng sakit na tuberkulosis mula sa mga butong nahukay sa isang archaeological dig sa Alit-Yam sa Israel.

Ang pertussis naman o whooping cough ay isa pang karamdaman na kilala noong pang Middle Ages. Sa katunayan, ang karamdamang ito ay ang pinagmulan ng ilang mga epidemya noong mga panahong iyon, at kadalasan ding dumadapo sa mga bata. Ang mga dalubhasang sina Jules Bordet at Octave Gengou naman ang nakatuklas sa bacteria na sanhi nito.

Mga Uri

Image Source: www.washingtonpost.com

Ang ubo ay nai-uuri sa tatlong pamamaraan: duration o kung gaano ito katagal, characteristics o kung ano ang katangian nito, at kung ano ang maaaring sanhi nito.

Duration. Napapaloob dito ang acute, sub-acute, at chronic na ubo.

  • Acute. Ang mga acute cough ay ubo na tumatagal nang hindi lalagpas sa tatlong linggo. Kadalasan itong nagsisimula sa loob lamang ng ilang araw mula sa unang exposure sa sanhi ng pag-ubo. Ang mga ilang halimbawa nito ay mga ubo na gawa ng sipon, trangkaso, at paglanghap ng irritants gaya ng usok.
  • Sub-acute. Ang mga sub-acute cough ay mga ubo na tumatagal nang tatlo hanggang walong linggo. Halimbawa nito ay mga postinfectious cough, na bunga ng impeksyon sa respiratory tract..
  • Chronic. Ang mga chronic cough naman ay ubong tumatagal nang mas matagal sa walong linggo. Kadalasang sanhi nito ay ang mga malulubhang kondisyon o sakit sa baga at buong respiratory tract. Ang mga ilang halimbawa ng mga ito ay bronchitis, hika (asthma), emphysema, at kanser sa baga.

Characteristics. Sa batayang ito ay maaaring mahati ang ubo sa dalawang uri: bilang dry cough o wet cough.

  • Dry cough. Ang dry cough ay ang pag-ubo na walang kasamang plema. Ang ganitong uri ng ubo ay kadalasang bunga ng pagka-irita sa upper respiratory tract. Pero kapag hindi nasolusyonan ay maaaring maging sanhi din ito ng impeksyon, o pamamaga sa bahaging ito ng lalamunan. Ang mga halimbawa ng karamdamang sanhi ng dry cough ay laryngitis, mga alerhiya, at sakit na gastroesophageal reflux.
  • Wet cough. Ang wet cough naman ay kabaligtaran ng dry cough dahil sa pagkakaroon ng plema. Ito ay normal na paraan ng katawan upang mailabas ang plema na bunga ng isang sakit. Ilang mga halimbawa ng maaaring panggalingan nito ito ay sipon, acute bronchitis, chronic obstructive pulmonary disease, at hika.

Mga Sanhi

Iba’t ibang mga impeksyon, pag-uugali, at kondisyon ang puwedeng maging sanhi ng ubo. Ang iilang mga halimbawa nito ay:

Impeksyon. Mga bacteria o virus ang sanhi ng mga ganitong uri ng ubo gaya ng:

  • Chronic sinusitis. Ang chronic sinusitis ay tuluy-tuloy na pamamaga ng mga sinus ng ulo. Kadalasan, ito ay bunga ng pagkalat ng impeksyon mula sa sipon.
  • Bronchiolitis. Kadalasan itong nararanasan ng mga bata. Sa impeksyong ito, ang apektadong bahagi ng katawan ay ang mga bronchiole, na siyang pinakamaliit na daanan ng hangin sa baga.
  • Pulmonya. Ang pulmonya ay puwedeng maging bunga ng impeksyon mula sa bacteria, virus, o fungi. Maaari rin na isa o parehong baga ang apektado nito.
  • Tuberkulosis. Isa ang tuberkulosis o TB sa mga pinakamatagal nang kilalang sakit na nakaaapekto sa baga. Ito ay labis na nakahahawa at kapag lumala ang impeksyon ay maaaring magdulot ng pag-ubo na may kasamang dugo.
  • Pertussis o whooping cough. Ang pertussis ay isang lubhang nakahahawang sakit na nailalarawan ng matitindi at sunod-sunod na pag-ubo. Ang pinakatanyag na tanda ng sakit na ito ay ang nangyayaring paghigop ng hangin na may kasamang “whoop” na tunog. Bago na-imbento ang bakuna laban dito, ang pertussis ay itinuring na isang pangkaraniwang sakit ng bata.

Mga Kondisyon. Ang tinutukoy dito ay mga kondisyon sa baga at respiratory system na maaaring maging sanhi ng ubo, na hindi dahil sa impeksyon. Mga ilang halimbawa nito ay:

  • Emphysema. Bunga ito ng pinsala sa alveoli ng baga, na siya namang nagbibigay ng oxygen sa dugo. Dahil sa emphysema, kadalasang nahihirapan din sa paghinga ang may ganitong karamdaman. Paninigarilyo, pangmatagalan na paglanghap ng mga irritant, at polusyon ng hangin ang kadalasang mga sanhi ng emphysema.
  • Cystic fibrosis. Isang karamdaman ito na nailalarawan ng labis na paggawa ng plema sa baga. Ito ay isang namamanang sakit na bunga ng isang genetic mutation.
  • Chronic obstructive pulmonary disease (COPD). Kagaya ng emphysema, ang COPD ay isang uri ng pangmatagalang sakit sa baga na bunga ng pagkapinsala ng baga. Sa katunayan, saklaw ng COPD ang emphysema at chronic bronchitis. Gaya rin ng emphysema, ang kadalasang sanhi ng COPD ay ang paninigarilyo.
  • Pagkabilaok (Choking). Nangyayari ang pagkabilaok kapag may bumara sa iyong lalamunan o windpipe. Kadalasan ay may kasama itong pag-ubo, ngunit ang mas nakababahala dito ay ang pagtigil ng paghinga ng biktima nito. Tamang pangunang lunas o first aid ang kailangan ng taong nakararanas nito.
  • Kanser sa baga. Kagaya rin ng COPD at emphysema, ang kanser sa baga ay kadalasang sanhi ng paninigarilyo. Isa sa mga tanda niay ang ubo na hindi nawawala, at kung minsan ay may kasamang dugo.
  • Gastroesophageal reflux disease o GERD. Ang GERD ay isang uri ng karamdaman na nailalarawan ng malimit na heartburn, indigestion, at paglabas ng nasa laman ng tyan pabalik ng esophagus. Dahil dito ay kadalasang na-iirita ang esophagus na siyang nagiging sanhi ng ubo.
  • Sakit sa puso. Ang ubo na sanhi ng sakit sa puso ay kadalasang may kasamang plema na mamula-mula, o mamuti-muti. Tandaan lamang na hindi lang ito ang tanda ng sakit sa puso, at tanging doktor lamang ang makakapagsuri nito nang mabuti.
  • Pulmonary embolism. Ang pulmonary embolism ay isang malubhang karamdaman na kung saan nagkakaroon ng pagbara ang isa sa mga pulmonary artery, na ang sanhi naman ay mga blood clot. Kagaya ng sakit sa puso, ang ubo na nauugnay sa pulmonary embolism ay may kasamang plema na may dugo.

Mga Pag-Uugali. Ang tinutukoy dito ay ang mga nakagawian na maaaring maging sanhi ng ubo kagaya ng:

  • Paninigarilyo. Sanhi ang paningarilyo ng maraming karamdaman sa baga gaya ng emphysema, COPD, at kanser sa baga. Pinapalala din nito ang mga pangkaraniwang sakit gaya ng sipon.
  • Pagkalantad ng baga sa mga irritant . Gaya ng nabanggit, ang paglanghap ng mga sangkap na malalakas ang amoy gaya ng gasolina o thinner ng pintura at pati na rin ng alikabok ay maaaring maging sanhi ng pag-ubo.

Bukod sa mga nabanggit, may mga ilang gamot na maaari ring maging sanhi ng ubo. Isang halimbawa nito ay ang mga angiotensin converting enzyme (ACE) inhibitors, na gamot sa altapresyon.

Mga Sintomas

Ang pag-ubo mismo ay mas kilala bilang sintomas ng ibang sakit. Dahil dito, ang simpleng pag-ubo ay maaaring naglalarawan ng  iba’t ibang uri ng karamdaman. Gayunpaman, kadalasan ay mayroon itong iba pang kaugnay na sintomas gaya ng:

  • Pagkawala ng hininga
  • Mabilis na pagka-hapo
  • Kahirapan sa paglunok
  • Pangangasim ng sikmura
  • Pagbaba ng timbang
  • Pagpapawis sa gabi nang walang matukoy na dahilan
  • Lagnat at panglalamig
  • Pamamaga ng lalamunan
  • Pagkakaroon ng tila sumisipol na tunog tuwing humihinga

Mga Salik sa Panganib

Ang mga salik sa panganib ng ubo ay nai-uugnay sa pagkalantad sa mga irritant, o di kaya ay mga pag-uugali na maaaring maging sanhi nito. Ang mga halimbawa nito ay:

  • Pakikihalubilo sa mga taong may impeksyon sa respiratory tract
  • Paninigarilyo
  • Pagkalantad o paglanghap sa mga bagay o sangkap na maaaring maka-irita sa baga kapag walang suot na proteksyon.
  • Ang hindi paghugas ng kamay lalong-lalo na kapag may nakahahalubilong may sakit
  • Pagkakaroon ng mga alerhiya
  • Paghina ng resistensya
  • Pagkakaroon ng iba pang uri ng sakit sa baga kagaya ng asthma, bronchiectasis, COPD, at iba pang mga impeksyon

Pag-Iwas

Image Search: www.health.com

Ang pinakamahalagang maaaring gawin ng isang tao para maiwasan ang pagkakaroon ng ubo ay ang pagtigil sa paninigarilyo. Nakakatulong din ang paggamit ng face mask o respirator kung sa iyong trabaho ay madalas kang malalantad sa mga maaaring maka-irita ng iyong baga. Ilang halimbawa ng mga trabahong ito ay:

  • Mga tagapinta ng sasakyan, o mekaniko
  • Mga nagmamaneho, lalong lalo na kung hindi gagamitin ang aircon
  • Mga tagalinis ng kalye, o iba pang trabaho na nagdudulot ng pagkalantad sa alikabok.
  • Mga iba pang nagtratrabaho sa kalye, lalong lalo na sa mga malalaking lungsod.

Higit na nakatutulong din ang pagsunod sa malusog na paraan ng pamumuhay. Dagdag dito, nakabubuti ring mag-ehersisyo nang madalas, kumain nang sapat, at uminom ng maraming tubig. Ang mga gawaing ito ay maaaring ikalakas ng iyong resistensya, na siya ring makatutulong sa pag-iwas sa mga karamdamang may kinalaman sa ubo.

Sanggunian