Gamot at Lunas
Image Source: unsplash.com
Ang paraan ng paglunas sa ubo o cough ay nakabatay sa kung anong sanhi nito. Kadalasan, ang mga pangkaraniwang kaso ng ubo ay nawawala nang kusa sa loob ng ilang mga araw hanggang 1 linggo. Upang mas mabilis gumaling sa kondisyong ito maaaring gawin ang mga sumusunod na home remedy o lunas sa bahay:
- Pag-inom ng maraming tubig at iba pang mga inumin. Isa sa mga pinakapangunahing ipinapayo ng mga doktor para sa pagpapagaling ng ubo ay ang pag-inom ng maraming tubig o ibang mga inuming gaya ng calamansi juice. Nakatutulong kasi ang mga sangkap nito sa pagpapalabnaw ng plema sa lalamunan. Sa paglabnaw nito, mas madali na itong nailalabas. Bukod dito, nakatutulong din ito sa pagbabawas ng kati sa lalamunan.
- Paghigop ng mainit na sabaw o sopas. Ang mainit-init na temperatura mula sa sabaw o sopas ay nakatutulong sa paghagod at pagbibigay ginhawa sa lalamunan. Bukod dito, mas nagiging malabnaw ang sipon at plema kapag nakahigop na ng mga ito.
- Paggamit ng humidifier. Upang hindi manuyo ang ilong, lalamunan, at iba pang daluyan ng hangin, mainam na gumamit ng humidifier sa kuwarto. Ang humidifier ay isang uri ng electrical appliance na nagbubuga ng malamig at mamasa-masang singaw o usok. Sa pamamagitan ng humidifier, ang hinihingang hangin ay nagiging mamasa-masa at nakatutulong sa mas maayos na paghinga.
- Pag-inom ng honey o pulot. Batay sa pag-aaral, ang honey o pulot ay halos singbisa ng gamot na dextromethorphan, isang uri ng gamot para sa ubo. Sa isa pang pag-aaral, ang mga batang nabigyan ng 2 kutsarita ng pulot bago matulog ay nakitaan ng mas madalang na pag-ubo na nakatulong sa pagkakaroon ng mas mahimbing na pagtulog. Kung hindi naman gusto ang lasa ng purong pulot, maaari itong ihalo sa tsaa o lemon water. Subalit, tandaan na ang pulot ay bawal pa ibigay sa mga batang may edad 2-taong-gulang pababa.
- Paglanghap ng mainit na singaw. Maaari ring makatulong ang paglanghap ng mainit na singaw upang maginhawaan ang ilong at lalamunan. Magpakulo lamang ng tubig at ilagay ito sa maliit na planggana. Bahagyang magtalukbong ng tuwalya o kumot upang hindi makawala ang singaw. Langhapin ito hanggang sa lumamig na ang tubig. Maaari ring haluan ng vapor rub ang mainit na tubig upang ang malalanghap na singaw ay mas makatulong sa paghagod ng namamagang ilong at lalamunan.
- Pagmumog ng mainit na tubig na may asin. Nagbibigay din ng ginhawa sa lalamunan ang pagmumumog ng mainit na tubig na may asin. Ito ay dahil ang mainit na temperatura ng tubig ay nakatutulong upang mabawasan ang pamamaga ng lalamunan, samantalang ang asin ay tumutulong sa pagpuksa ng anumang mikrobyo na nakadikit dito. Ang asin kasi ay mayroong antiseptic property na pinaniniwalaang mabisang pampatay ng mga mikrobyo.
- Pag-inom ng pinaglagaan ng lagundi. Ang lagundi ay isa sa 10 aprubadong halamang gamot ng Department of Health (DOH). Ito ay kilala bilang natural na gamot para sa ubo at sipon. Kumuha lamang ng ½ tasa ng mga dahon nito, linisin, at ilaga sa palayok na may 2 basong tubig. Hayaang nakababad ang mga dahon sa tubig upang mas maging mabisa ito. Inumin ang pinaglagaan ng lagundi 3 beses sa loob ng 1 araw hanggang sa gumaling.
- Pag-inom ng tsaa na gawa sa oregano. Kung walang mahagilap na lagundi, maaari rin namang uminom ng tsaa na gawa sa oregano. Ang oregano ay isa ring uri ng halamang gamot na kilala sa pagpapagaling ng ubo at sipon. Upang gamitin ito, kumuha lamang ng 1 tasa ng mga sariwang dahon nito. Linisin ang mga dahon at pakuluan sa palayok na may 3 tasa ng tubig. Pagkatapos ng 10 hanggang 15 minutong pagpapakulo, maaari na itong inumin. Uminom lamang ng 1 tasa ng tsaa ng oregano 3 beses sa loob ng 1 araw hanggang sa gumaling. Kung hindi kaya ang mapakla-paklang lasa nito, maaari itong lahukan ng pulot o kalamansi.
- Pag-inom ng salabat. Ang salabat ay ang pinaglagaan ng luya. Dahil sa taglay na anti-inflammatory property ng luya, mabisa rin itong gamot para sa ubo at namamagang lalamunan. Maggayat lamang ng 20 o 40 gramo ng luya at pakuluan ito sa isang palayok na may malinis na tubig. Gaya ng ibang mga halamang gamot, inumin ito 3 beses sa loob ng 1 araw hanggang sa gumaling.
- Pagpapahid ng vapor rub. Maaari ring magpahid sa lalamunan, dibdib, at likod ng mga vapor rub ointment Ito kasi ay nagtataglay ng mga sangkap na tulad ng camphor, menthol, at eucalyptus oil na tumutulong sa pagpapaginhawa ng pakiramdam. Dagdag dito, ang “mint” na amoy nito ay nakatutulong sa pagluwag ng mga daanan ng ilong upang mas makahinga ang pasyente. Maaari ring gamitin ang vapor rub sa pagpapawala ng pananakit ng ulo o mga kalamnan ng pasyenteng may ubo sapagkat mayroon din itong mga pain relieving property.
Bukod sa mga nabanggit na home remedy para sa ubo, maaari ring imungkahi ng doktor ang mga sumusunod na gamot o lunas:
Image Source: www.freepik.com
- Pagsipsip ng mga lozenge o cough drop. Ang lozenge o cough drop ay tila mga kendi para sa ubo at makating lalamunan. Halimbawa nito ay Strepsils. Ang mga lozenge ay kadalasang matamis o may halong asim depende sa flavor nito. Maaaring sipsipin ang 1 lozenge kada 2 o 3 oras. Nakapagbibigay ginhawa ito sa iritadong lalamunan sapagkat ito ay naglalaman ng mga gamot at sangkap na nakapagpapawala ng pamamaga nito. Noon, ang lozenges ay angkop lamang sa mga matatanda. Subalit ngayon, may lozenges na para sa mga batang may edad 6 pataas.
- Pag-inom ng mga cough medicine. Ang cough medicine ay may 2 pangunahing uri: expectorant at antitussive. Sa expectorant na uri, tumutulong ito upang lumabnaw ang plema at mas mabilis na mailabas ito. Halimbawa ng expectorant na gamot ay guaifenesin. Sa antitussive naman, ito ay nagsisilbing cough suppressant. Ibig sabihin nito, pinipigilan nito ang cough reflex o pag-ubo ng pasyente. Hindi ito nakapagpapalabnaw ng plema, gaya ng mga expectorant. Halimbawa ng antitussive na gamot ay dextromethorphan.
- Pag-inom ng mga decongestant. Kung ang pasyente ay may baradong ilong, maaari ring magreseta ang doktor ng decongestant. Ang gamot na ito ay nakatutulong sa pagbabawas ng pamamaga at pagdami ng sipon sa ilong. Halimbawa ng mga decongestant ay oxymetazoline, phenylephrine, at pseudoephedrine.
- Pag-inom ng mga antibiotic. Kapag ang sanhi ng ubo ay mga impeksyong gaya ng tuberkulosis, pulmonya, o sinusitis, maaaring magreseta ng mga antibioticang doktor. Tandaan lamang na kailangan ubusin ang lahat ng gamot laban sa impeksyon kahit wala na ang mga sintomas nito.
Upang mas mabilis ding gumaling ang pasyente mula sa kanyang ubo, kailangan ding magkaroon siya ng mas maayos na paraan ng pamumuhay. Upang hindi lumala ang ubo, iminumungkahing iwasan muna ang mga sumusunod:
- Pagkain o pag-inom ng mga dairy product. Ang mga dairy product na gaya ng gatas, keso, yogurt, at sorbetes ay kailangan munang iwasan habang nagpapagaling sa ubo. Lalo kasi nitong pinapalapot ang plema at lalo lamang mahihirapan sa paglabas nito.
- Pag-inom ng kape. Iminumungkahing itigil din muna ang pag-inom ng kape habang may ubo. Maaari kasi itong magdulot ng lalong pagkatuyo ng lalamunan na maaaring magdulot ng mas matinding iritasyon.
- Pagkain ng mga mamantika at matatabang pagkain. Ang mga taba na matatagpuan sa mantika at matatabang bahagi ng karne ay nakapagpapalala lamang ng plema ng taong may ubo. Kapag kumain ng mga mamantika at matatabang pagkain, lalo lamang kakapal ang plema.
- Pag-inom ng alak. Ang alak ay nagdudulot lamang ng mas matinding pamamaga ng lalamunan kaya naman hinihikayat na itigil muna ang pag-inom nito habang nagpapagaling sa ubo. Bukod dito, mas pinahihina rin nito ang resistensya ng katawan at maaaring magresulta sa mas matagal na paggaling.
- Pagkain ng matatamis na pagkain. Ang matamis na pagkain na puwede lamang sa may ubo ay pulot, pero bukod dito, hinihikayat na umiwas muna sa anumang uri ng matatamis na pagkain. Gaya ng alak, mas nagdudulot ito ng pamamaga sa lalamunan at nakapagpapahina rin ito ng resistensya ng katawan.
Gaya ng nabanggit noong una, ang pangkaraniwang ubo ay kusang nawawala o maaaring gamutin kahit nasa bahay lamang. Subalit, kung ang ubo ay tumagal nang higit sa 2 linggo, pabalik-balik, may kasamang dugo sa plema, may kasamang mataas na lagnat, nagdudulot ng labis na hirap sa paghinga, o labis na pananakit ng dibdib at baga, mangyaring magpatingin agad sa doktor sapagkat ito ay mga sintomas na ng ibang mga mas nakababahalang kondisyon.
Sanggunian
- https://symptoms.webmd.com/cold-flu-map/treating-your-cough
- https://mediko.ph/ano-ang-gamot-sa-ubo/
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/common-cold/expert-answers/honey/faq-20058031
- https://familydoctor.org/cough-medicine-understanding-your-otc-options/
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/322394#twelve-natural-cough-remedies
- https://food.ndtv.com/health/toss-them-away-6-foods-that-aggravate-cold-and-cough-in-winters-1795894