Buod
Ang urinary tract infections (UTI) ay mga uri ng sakit na umaapekto sa daluyan ng ihi at ari ng tao. Ito ay dulot ng mga mikrobyo, lalo na ng ilang uri ng mga bacteria, na nagpapahina sa kakayahan ng katawan na labanan ang sakit na maaaring umapekto sa bahaging ito ng katawan.
Ang sakit na ito ay umaapekto sa mga bato, pantog (bladder), maging sa ibang mga bahaging umuugnay sa mga ito. Ito ay karaniwang mas umaapekto sa mga kababaihan.
Ang mga karaniwang sintomas ng UTI ay ang madalas na pagkakaroon ng pangangailangang umihi, pagkakaroon ng lagnat, maging ang pagkakaroon ng mahapdi at mainit na pakiramdam sa ari sa tuwing umiihi.
Ginagamot ang UTI sa pamamagitan ng mga antibiotic at karaniwang nawawala ang sakit na ito sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.
Kasaysayan
Ang UTI ay isinalarawan na noon pang sinaunang panahon. Ang kauna-unahang pagsasalarawan nito ay naidokumento sa Ebers Papyrus noon pang 1550 B.C. Ayon sa paglalarawan dito, ang sakit na ito ay “nagpapadala ng init mula sa pantog.”
Noon lamang mga 1930 nagkaroon ng mabisang lunas sa UTI nang magkaroon na ng mga antibiotic laban dito. Subalit, bago noon, ang mga lunas na herbal, pagtatanggal ng kaunting dugo sa katawan (bloodletting), maging ang wastong pagpapahinga ang mga inirerekomendang lunas para rito.
Mga Uri
Image Source: www.draliabadi.com
Ang paghanay sa mga uri ng UTI ay batay sa kung aling bahagi ng urinary system ang apektado. Subalit, ang mga ito ay pawang dulot ng bacteria. Ang iba’t ibang uri ng UTI ay ang mga sumusunod:
- UTI sa bato (acute pyelonephritis)
- UTI sa pantog (cystitis)
- UTI sa urethra (urethritis)
- UTI sa ari ng babae (vaginitis)
Mga Sanhi
Image Source: www.consumerreports.org
Nagkakaroon ang tao ng UTI kapag ang bacteria na nagdudulot nito ay nakapasok sa urinary system. Sa mga kababaihan, ang bacteria ay pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng urethra. Mula roon ay kumakalat ito sa pantog. Bagama’t ang urinary system ay may kakayahang labanan ang anumang uri ng impeksyon, kung minsan ay may mga bacteria pa rin na maaaring lumusot. Dahil dito ay nagkakaroon ng ganap na UTI sa bahaging ito ng katawan.
Ang mga sumusunod naman ay ang ilan sa mga dahilan ng pagkakaroon ng UTI:
- E. coli. Ang UTI na cystitis ay karaniwang dulot ng Escherichia coli o mas kilala bilang E. coli, isang uri ng bacteria na karaniwang matatagpuan sa mga bituka. May mga pagkakataon naman na ang sakit na ito ay dulot ng ibang uri ng bacteria.
- Hindi ligtas na pakikipagtalik. Lahat ng mga kababaihan ay may panganib na magkaroon ng cystitis. Kapag labis na nakabukas ang pwerta ng ari ng babae kagaya ng nangyayari tuwing pakikipagtalik, mas malaki ang posibilidad na makapasok ang bacteria sa loob ng urethra. Ito ay dahil malapit lamang ito sa puwet..
- Impeksyong dulot ng sexually transmitted bacteria. Ang mga mikrobyong dulot ng sexually transmitted na mga sakit, kagaya ng herpes, tulo (gonorrhea), klamidya (chlamydia), maging ang mycoplasma, ay maaari ring magdulot ng UTI sa mga kababaihan.
Sintomas
Ang mga sintomas ng UTI ay nakaayon sa bahagi ng urinary system na apektado.
UTI sa lower tract o sa urethra at pantog
Ang sintomas sa mga bahaging ito ay ang mga sumusunod:
- Mahapding pakiramdam sa ari tuwing umiihi
- Dumadalas na pakiramdam na naiihi kahit walang lumalabas na ihi
- Pagkakaroon ng dugo sa ihi (hematuria)
- Malabo na ihi
- Ihi na kakulay ng tsaa o kaya ay ng soft drink
- Ihi na may masangsang na amoy
- Pananakit ng balakang sa mga kababaihan
- Pananakit sa may puwetan ng mga kalalakihan
UTI sa upper tract o kidneys
Ang uri ng UTI na ito ay lubhang nakababahala. Kapag ang bacteria ay nakapasok sa kidney ay maaari itong makaapekto sa dugo. Kapag nangyari ito ay magkakaroon ng urosepsis, isang uri ng kondisyon na nakamamatay.
Ang mga sintomas ng upper tract na UTI ay gaya ng mga sumusunod:
- Pananakit sa mga tagiliran at itaas na bahagi ng likod
- Pagkakaroon ng lagnat
- Panginginig
- Pagkahilo
- Pagsusuka
Mga Salik sa Panganib
Image Source: unsplash.com
Ang mga kababaihan ang may pinakamataas na posibilidad na magkaroon ng sakit na UTI. Sa katunayan, mahigit sa 50% ng mga kababaihan ang maaaring magkaroon nito minsan sa kanilang buong buhay. Ang may 20% hanggang 30% naman ay makararanas ng pabalik-balik na uri ng sakit na ito.
Ang iba pang mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng UTI ay ang mga sumusunod:
- Pakikipagtalik, lalo na sa higit sa isang katalik
- Pagbubuntis
- Pagdanas ng menopause
- Malabis na paggamit ng mga antibiotic na nagiging sanhi ng pagkawala ng balanse sa natural na flora sa loob ng ari
- Pagkakaroon ng diabetes
- Pagkakaroon ng hindi wastong kalinisan sa pangangatawan
- Pagkakaroon ng problema sa kumpletong pag-ihi
- Pagkakaroon ng urinary catheter
- Hindi mapigil na pagdudumi
- Baradong daloy ng ihi
- Pagkakaroon ng sakit sa bato o kidney stones
- Paggamit ng ilang uri ng contraceptive
- Pagkakaroon ng medikal na operasyon sa urinary system
- Pagkakaroon ng pinsala sa immune system
- Kawalan ng kakayahang kumilos sa mahabang panahon
- Paggamit ng tampon
Pag-Iwas
Image Source: whyy.org
Maaaring iwasan ang UTI sa pamamagitan ng mga sumusunod na mga hakbang:
- Pag-inom ng maraming tubig. Lubhang napakahalaga nito sa ikapananatiling malinis ng urinary tract. Mapadadalas nito ang pag-ihi na ang resulta ay ang dalas din ng pag-alis ng mga bacteria mula sa urinary system.
- Ugaliing umihi pagkatapos makipagtalik. Uminom din ng maraming tubig pagkatapos. Ito ay tumutulong na maalis ang anumang sangkap na naiwan sa loob ng ari na maaaring magdulot ng UTI.
- Tiyaking magpunas mula sa harap papunta sa likod pagkatapos umihi o kaya dumumi. Maiiwasan nito ang pagpasok ng dumi mula sa puwet papunta sa ari.
- Iwasan ang mga matatapang na mga feminine wash. Maaari nitong masira ang natural na balanse ng mga bacteria sa loob ng ari.
- Ugaliing palitan ang mga birth control item na ginagamit. Nakatutulong ang hakbang na ito para maiwasan ang pagdami ng mga mikrobyo sa loob ng ari.
Sanggunian
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/urinary-tract-infection/symptoms-causes/syc-20353447
- https://www.webmd.com/women/guide/your-guide-urinary-tract-infections#1
- https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/conditionsandtreatments/urinary-tract-infections-uti
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/189953.php
- https://www.healthline.com/health/urinary-tract-infection-adults#chronic-utis
- https://www.medicinenet.com/urinary_tract_infection/article.htm
- https://en.wikipedia.org/wiki/Urinary_tract_infection#History