Buod

Ang Wilson’s disease ay kilala rin sa tawag na hepatolenticular degeneration at progressive lenticular degeneration. Isa itong uri ng napakadalang na genetic disorder na karaniwang nakaaapekto sa atay, utak, at mga mata ng isang tao. Sa kondisyong ito, ang mga nabanggit na bahagi ay naiipunan ng sobrang copper sapagkat nagkakaroon ng problema ang atay sa pagsasala ng mga dumi sa dugo.

Maaaring magkaroon ng Wilson’s disease kung namana ang problemadong gene mula sa mga magulang. Sa pag-usbong ng sakit na ito, ang copper na naipon sa katawan ay maaaring gawing kulay golden-brown ang mga cornea ng pasyente, magdulot ng paninilaw sa balat at mga puti ng mata, maghatid ng pananakit at pamamanas ng tiyan, hindi kontroladong pagkilos, at marami pang iba.

Upang malunasan ang sakit na ito, maaaring bigyan ng doktor ang pasyente ng mga gamot o magsagawa ng isang liver transplant. Dagdag dito, maaari ring isailalim ang pasyente sa isang espesyal na diyeta at physical therapy.

Kasaysayan

Binansagang Wilson’s disease ang kondisyong ito bilang pagkilala sa doktor na unang naglahad nito noong taong 1912: si Samuel Alexander Kinner Wilson. Subalit bago pa man ito nailahad ni Dr. Wilson, maraming mga na doktor ang nakatuklas sa sakit na ito. Kilala pa ito noon sa tawag na “pseudosclerosis.”

Pagsapit ng taong 1948, natuklasan ni John Nathaniel Cumings, isang neuropathologist, na may kinalaman ang pamumuo ng copper sa atay at utak sa pagkakaroon ng Wilson’s disease. Dahil sa pagkakatuklas na ito, si Dr. Cumings at ang iba pa niyang mga kasamahan ay nagsaliksik kung paano malulunasan ang sakit na ito. Nakaimbento sila Dr. Cumings ng injection para sa kondisyon na ito subalit walang gaanong impormasyon tungkol dito.

Ang kauna-unahang mabisang gamot para sa Wilson’s disease ay natuklasan ni John Walshe noong 1956. Si Dr. Walshe ay isang British neurologist na nakatuklas sa penicillamine. Bukod sa gamot na ito, natuklasan din ni Dr. Walshe noong 1982 na mabisa rin para sa kondisyong ito ang mga gamot na trientine at tetrathiomolybdate.

Sa patuloy na pananaliksik tungkol sa Wilson’s disease, marami ng mga natuklasang paraan kung paano malulunasan ito.

Mga Sanhi

Ang katawan ay nangangailangan ng sapat na dami ng copper upang mapanatiling malusog ang mga nerve at balat. Karaniwang nakukuha ang copper sa mga pagkain at inilalabas ito ng katawan sa tulong ng atay. Subalit, maaaring maipon ang copper sa loob ng katawan kung mayroong Wilson’s disease.

Ang sanhi ng Wilson’s disease ay ang pagkakamana ng abnormal o problemadong gene mula sa mga magulang. Kapag namana ang gene na ito, ang atay ay magkakaroon ng problema sa pagsala ng mga dumi kaya naman naiipon lamang ang labis na copper sa atay, utak, at mga mata.

Mga Sintomas

Image Source: www.freepik.com

Ang mga sintomas ng Wilson’s disease ay iba-iba. Batay pa rin ito sa mga bahaging naaapektuhan ng kondisyon. Kung naaapektuhan ang atay, maaaring makaranas ang pasyente ng mga sumusunod:

  • Panghihina ng katawan
  • Madalas na pagkapagod
  • Pagbaba ng timbang
  • Pagduduwal at pagsusuka
  • Pagkawala ng gana sa pagkain
  • Pangangati ng katawan
  • Paninilaw ng balat o jaundice
  • Pamamanas ng tiyan at mga binti
  • Paglobo at pananakit ng tiyan
  • Pag-litaw ng mga litid sa balat
  • Pamumulikat ng mga kalamnan

Kung ang utak ay naapektuhan na rin ng kondisyon, maaaring makaranas ang pasyente ng mga sumusunod na sintomas:

  • Pagkakaroon ng hirap sa pag-alala
  • Pagkakaroon ng problema sa pagsasalita
  • Pagkakaroon ng problema sa paningin
  • Pagdanas ng hirap sa paglalakad
  • Pagkakaroon ng migraine
  • Paglalaway
  • Pagkakaroon ng insomnia
  • Palaging nakabibitaw ng mga hawak na bagay
  • Pagbabago ng mood at pag-uugali
  • Pagkakaroon ng depresyon

Sa mga mata naman, magiging kapansin-pansin din ang mga sumusunod na sintomas:

  • Pagiging kulay golden-brown ng mga cornea ng mga mata (Kayser-Fleischer rings)
  • Pagkakaroon ng makulay na gitna ng mga mata na maihahalintulad sa mga mirasol o sunflower (Sunflower cataracts)

Ang mga sintomas ng Wilson’s disease ay halos natutulad sa iba’t ibang kondisyon ng atay at utak kaya naman mahirap itong i-diagnose. Subalit, kung ang mga mata ng pasyente ay may Kayser-Fleischer rings at sunflower cataracts, indikasyon ang mga ito ng pagkakaroon ng Wilson’s disease. Upang makasigurado sa diagnosis, ang pasyente ay maaaring sumailalim sa iba’t ibang mga diagnostic test gaya ng pagsusuri sa dugo at ihi, eye exam, liver biopsy, at genetic testing.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.freepik.com

Dahil ang Wilson’s disease ay isang genetic disorder, ang may pinakamataas na posibilidad na magkaroon nito ay ang mga taong may kasaysayan ng sakit na ito sa kanilang mga pamilya. Kung ang parehong mga magulang ay tagapagdala o carrier ng abnormal na gene, maaaring mamana ito ng mga anak at ang posibilidad na mamana ito ay umaabot ng hanggang 25 porsyento.

Karaniwan ding lumalabas ang mga sintomas ng sakit na ito sa pagsapit ng edad na 5 hanggang 35 taong gulang.

Mga Komplikasyon

Kung hindi agad malalapatang ng lunas ang Wilson’s disease, maaari itong magdulot ng iba’t ibang mga komplikasyon gaya ng:

Karaniwang mapanganib ang mga komplikasyon ng Wilson’s disease lalo na kung ang mga bahaging naapektuhan ay atay at mga bato. Upang hindi umabot sa ganitong mga komplikasyon, agad na magpakonsulta sa doktor.

Pag-Iwas

Image Source: www.freepik.com

Maaaring hindi ma-iwasan ang pagkakaroon ng Wilson’s disease sapagkat ito ay namamana. Subalit, maaaring pigilan ang maagang pag-usbong ng sakit na ito sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Pag-iwas sa mga pagkaing mayaman sa copper. Upang hindi magkaroon ng mataas na dami ng copper sa katawan, iwasan ang mga pagkaing gaya ng tsokolate, atay, kabute, mani, at lahat ng mga uri ng shellfish (hipon, sugpo, alimango, tahong, talaba).
  • Paglagay ng water filter sa mga gripo. Ang mga tubo ng gripo ay maaaring magdagdag ng copper sa ginagamit na tubig. Upang masala ang mga ito, gumamit ng water filter.
  • Pagbawas o pag-iwas sa nakalalasing na inumin. Upang manatiling malusog ang atay, bawasan ang labis na pag-inom ng alak. Ang alak ay may mga sangkap na maaaring magdulot ng mga sugat sa atay.
  • Pagtigil sa paninigarilyo. Ang sigarilyo ay mayroong mga nakalalasong sangkap na maaaring makapinsala sa mga selula ng atay. Sa pagkapinsala ng atay, maaari nitong hindi masala ang sobrang copper sa katawan.
  • Pagpili ng masusustansyang mga pagkain. Upang mapanatiling malusog ang iba’t ibang bahagi ng katawan gaya ng atay, utak, at mga mata, ugaliing kumain ng pagkain na may sapat na nutrisyon.
  • Mag-ehersisyo araw-araw. Nakatutulong ang pag-eehersisyo upang mailabas ang mga dumi ng katawan sa pamamagitan ng pawis. Bukod dito, pinapanatili nito ang tamang timbang upang hindi magkaroon ng fatty liver.
  • Uminom ng maraming tubig. Ang pag-inom ng tubig ay nakatutulong upang maging regular ang pag-ihi at mailabas ang sobrang copper sa katawan.

Bukod sa mga nabanggit, regular na magpakonsulta sa doktor upang matukoy agad kung may problema ang katawan. Sa pamamagitan ng maagang diagnosis, mas mabilis na malulunasan ang anumang karamdaman.

Sanggunian