Buod
Isa sa mga pinaka-karaniwang uri ng kondisyon na dulot ng fungi ay ang yeast infection, o kilala sa medikal na katawagan nito bilang candidiasis. Ito ay maaaring umapekto sa lalamunan, sa bibig, sa dugo, at maging sa utak. Subalit, ang pinaka-karaniwang naaapektuhan nito ay ang ari ng mga kababaihan—na nagdudulot naman ng tinatawag na vaginal yeast infection.
Ang fungus na Candida albicans ay ang pinaka-karaniwang sanhi ng yeast infection. Nagkakaroon ang tao nito, lalo na ang mga kababaihan, kapag nawalan ng natural na balanse sa mga mikrobyo sa loob ng kanilang ari. Maaari ring sanhi nito ang pagkakaroon ng pagbabagong hormonal at ang paghina ng immune system.
Ang mga karaniwang sintomas ng pagkakaroon nito ay ang pangangati, pamumula, at ang maaaring pamamaga sa apektadong bahagi, paglabas ng malapot na likido sa ari ng babae, at ang pagkakaroon ng bitak o sugat sa apektadong bahagi ng katawan.
Nilulunasan ang yeast infection sa pamamagitan ng anti-fungal na mga gamot. Maaaring ito ay iniinom o kaya ay direktang ina-apply sa loob ng ari ng babae o sa alinmang apektadong bahagi.
Kasaysayan
Ang pagkakadiskubre at ang pagbibigay ng pangalan sa fungus na Candida ay halos singtanda na ng kasaysayan. Ito ay isinalarawan sa panahon pa ng sinaunang Gresya. Ang isa sa mga unang uri ng kondisyong dulot ng yeast infection ay ang “thrush” kung saan ang apektadong bahagi ng katawan ay ang mga bibig at lalamunan. Ang pagkakadiskubre at pagsasalarawan sa uri na ito ng yeast infection ay mas matanda pa sa konsepto ng mga sakit na dulot ng mga mikrobyo. Sa katunayan, noong 400 B.C. pa lamang ay isinalarawan na ni Hippocrates ang ukol sa candidiasis na matatagpuan sa bibig.
Noon namang 1665 ay naiulat na rin sa Pepys Diary ang ukol sa isang pasyente na may lagnat, may thrush, at sinisinok.
Noong 1771 ay ipinaliwanag ni Rosen von Rosenstein, isang Swedish na manggagamot, ang isang uri ng invasive na uri ng thrush. At noon namang 1839 ay kinilala sa pamamagitan ni Bernhard von Langenbeck, isang Aleman na surgeon, ang isang uri ng fungus na nasa isang pasyenteng mayroong typhoid fever. Sa kaniyang pagsusuri sa nasabing pasyente ay natagpuan sa microscope ang makapal na bilang ng isang uri ng fungi na nakuha sa thrush mula sa lalamunan (oropharyngeal at esophageal thrush).
Bagama’t unang dinokumento ni Langenbeck ang kinalaman ng fungus sa thrush, hindi niya napatunayan ang direktang kaugnayan ng mga ito.
Noong 1847 naman, isang natatanging mycologist na Pranses na si Charles Philippe Robin ang nagklasipika sa fungus na nagdudulot ng thrush bilang Oidium albicans, tumutukoy sa pagpuputi ng bahaging apektado nito. Pagkatapos nito ay nagkaroon ng ilang mga pagkakamali sa pagklasipika sa uri ng fungus na nagdudulot ng yeast infection. Sa wakas ay noong 1954, sa ikawalong Botanical Congress ay itinama at opisyal na inendorso ang Candida albicans bilang siyang nomen conservandum, o pamalagiang katawagan, ng fungus na ito. Dito na nagwakas ang may 200 taon ng kawalan ng katiyakan ukol sa katawagan at klasipikasyon ng mikrobyong ito.
Paglipas ng maraming taon hanggang sa panahon natin ay nagpapatuloy pa rin ang mga pagsisiyasat ukol sa iba’t iba pang mga organismo sa genus Candida. May 200 na mga organismo na ang natukoy sa genus na ito sa ngayon. Sa 200 na mga organismong ito ay napag-alaman na anim lamang sa mga ito ang nagdudulot ng impeksyon sa mga tao. Ang mga ito ay ang C. albicans, C. parapsilosis, C. krusei, C. tropicalis, C. glabrata, at C. lusitaniae.
Mga Uri
Image Source: www.askdrshah.com
Ang pinaka-karaniwang uri ng impeksyong dulot ng yeast ay ang vaginal yeast infection. Subalit, dapat ding pagtuunan ang iba’t ibang uri nito. Ang mga sumusunod ay ang mga uri ng yeast infection:
Yeast infection sa ari ng babae
Ang yeast infection sa ari ng babae ay karaniwang kilala bilang vaginal yeast infection o vaginal candidiasis. Ito ang isa sa pinaka-karaniwang uri ng yeast infection na umaapekto sa mga tao.
Yeast infection sa bibig, lalamunan, at esophagus
Ang yeast infection sa bibig at lalamunan ay isa sa mga karaniwang uri ng sakit na ito. Tinatawag na “thrush” o oropharyngeal candidiasis ang uri ng kondisyong ito. Ang yeast infection naman sa esophagus ay tinatawag na esophageal candidiasis o Candida esophagitis na siyang pinaka-karaniwang uri ng yeast infection na nasa mga taong mayroong HIV/AIDS.
Sumasalakay (invasive) na yeast infection
Ang invasive na uri ng yeast infection ay may kahirapang gamutin. Ito ay dahil sa ang uri na ito ng candidiasis ay mas malubha kaysa sa mga matatagpuan sa bibig at ari ng babae. Palibhasa, ito ay sumasalakay sa dugo, utak, mga mata, mga buto, puso, at iba pang bahagi ng katawan. Ang yeast infection sa dugo ay tinatawag na candidemia, na karaniwan namang matatagpuan sa mga taong nasa ospital.
Mga Sanhi
Ang pinaka-karaniwang uri ng fungus na nagdudulot ng yeast infection ay ang Candida albicans. Ang pagdami ng fungus na ito ay maaaring bunga ng mga sumusunod:
- Paggamit ng mga antibiotic na gamot na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng hindi tamang balanse ng mga mikrobio sa ari ng babae
- Pagbubuntis
- Pagkakaroon ng hindi makontrol na diabetes
- Pagkapinsala ng immune system
- Pagkakaroon ng hormone therapy na nagdudulot ng pagtaas ng antas ng estrogen sa katawan
- Paggamit ng vaginal douche o vaginal spray
- Pakikipagtalik (ito ay hindi pangkaraniwan)
Sintomas
Image Source: www.independent.co.uk
Ang mga sintomas ng yeast infection ay maaaring banayad hanggang sa katamtaman, kagaya ng mga sumusunod:
- Pangangati at pananakit ng ari ng babae
- Mainit na pakiramdam sa ari ng babae, lalo na habang nakikipagtalik at umiihi
- Pamumula at pamamaga ng vulva
- Pagkakaroon ng vaginal rash
- Pag-agos ng malapot at mala-keso na likido mula sa ari ng babae
Sintomas ng komplikadong yeast infection
Ang mga sumusunod na mga sintomas naman ay maaaring palatandaan ng pagkakaroon ng komplikadong yeast infection:
- Pagkakaroon ng malabis na pamamaga at pamumula na may kasamang pangangati sa apektadong bahagi na nagiging sanhi ng mga pagbitak at pagsusugat
- Pagkakaroon ng apat o higit pa na yeast infection sa loob ng isang taon
- Pagkakaroon ng impeksyong dulot ng hindi pangkaraniwang uri ng fungus
- Pagkakaroon ng hindi makontrol na diabetes
Mga Salik sa Panganib
Ang isang tao, lalo na kung babae, ay may mataas na panganib na magkaroon ng yeast infection sa ilalim ng mga sumusunod na kondisyon:
- Paggamit ng antibiotics. Ang mga antibioitic, lalo na ang mga broad spectrum na uri nito, ay pumapatay sa mas malawak na mga uri ng bacteria. Pinapatay nito kahit ang mga good bacteria. Dahil dito, naaapawan ng mga yeast ang mga naituturing na good bacteria sa katawan.
- Pagtaas ng antas ng estrogen. Karaniwang nagkakaroon ng yeast infection ang babae kapag nagkaroon ng pagtaas ng antas ng estrogen sa katawan. Kaya ang mga nagbubuntis, ang mga umiinom ng mga birth control pill na mataas ang estrogen, at ang mga sumasailalim sa estrogen hormone therapy ay maaaring magkaroon ng yeast infection.
- Hindi makontrol na diabetes. Ang mga kababaihang mayroong hindi makontrol na diabetes ay mayroong mataas na panganib na magkaroon ng yeast infection. Ito ay dahil ang mataas na antas ng asukal sa dugo ay nagdudulot ng pagdami ng fungus sa katawan.
- Paghina ng immune system. Ang mga may kondisyong nagpapahina ng immune system, kagaya ng HIV/AIDS, ay nawawalan ng kakayahang labanan ang impeksyong dulot ng Candida albicans at ng iba pang mga kauri nito.
Pag-Iwas
May kahirapan ang pag-iwas sa pagkakaroon ng yeast infection. Subalit, may mga paraan upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon nito, kagaya ng mga sumusunod:
- Iwasan ang malabis na paghuhugas ng ari sa pamamagitan ng douching, lalo sa kababaihan, upang mapanatili ang balanse ng natural na flora nito.
- Gumamit ng maginhawang underwear, lalo na ang yari sa cotton o ibang mga natural na kasangkapan.
- Magsuot ng maluwang na pantalon o palda.
- Ugaliing magsuot ng bagong laba na underwear.
- Huwag gumamit ng feminine deodorant.
- Labhan ang underwear gamit ang maligamgam na tubig.
- Kapag nabasa ang underwear o damit pangligo, palitan agad ito.
- Iwasan ang pagbababad sa maiinit na tubig, kagaya ng sa hot tub.
- Piliin ang mga pagkaing nagpapalakas ng immune system.
- Pag-inom ng intravaginal probiotics ayon sa rekomendasyon ng doktor.
- Ugaliing laging magpatingin sa doktor.
Sanggunian
- https://www.webmd.com/women/guide/understanding-vaginal-yeast-infection-basics#1
- http://www.antimicrobe.org/h04c.files/history/DiscoveryNaming%20of%20Candida%20albicans.asp
- https://www.healthline.com/health/vaginal-yeast-infection
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/yeast-infection/symptoms-causes/syc-20378999
- https://www.cdc.gov/fungal/diseases/candidiasis/index.html