Katabaan ng kabataan: Isang Miskonsepto

Cute. Nakakaaliw. Nakakagigil. Ito ang sabi nila kapag mapintog ang isang bata. Tila napaka sigla ng kanilang hitsura kasi mabilog ang kanilang katawan at matambok ang kanilang mga pisngi. Dahil sa ganitong pagtingin, maraming magulang ang naghahangad na tumaba ang kanilang mga anak kung kaya sa tuwing magpapakonsulta, kanilang madalas na tanong ay, “Dok, ano po bang bitamina ang pwedeng ipainom sa aking anak para tumaba?”

Ang bitamina at mineral ay mas mainam makuha sa kumpleto at masustansyang pagkain. Kapag ang isang bata ay balanse sa pagkain ng karne, isda, gulay, gatas, at prutas, hindi na kailangang suplementuhan pa ng bitamina at mineral na nabibili sa botika.

Bakit ba mahalaga sa ilang tagapag-alaga na maging mataba ang bata? Marahil ito ay sa tingin ng lipunan na kapag maayos ang pagaalaga sa bata, siya ay malusog at ang pagiging malusog ay ikinakabit sa pagiging mataba o “chubby”. Kailangang idiin na importante ang pagkonsulta sa pediatrician o doktor para malaman kung ang inyong anak ay nasa wastong timbang lamang. Mas makabubuti kung masusuri ang kinakain ng ating anak at masubaybayan ang timbang nito. Irekord ang tangkad at timbang ng bata para may pangunang basehan sakali mang magpakonsulta sa doktor. Dito malalaman kung normal nga ba ang paglaki ng ating anak.

Image Source: health.usnews.com

Maraming matabang bata sa ating bansa. Ito ay nakakaalarma. Ayon sa pagaaral, ang kakulangan ng ehersisyo at di masustansyang pagkain ang siyang dahilan kung bakit nagsisitabaan ang mga bata. Fast food, prito, sorbetes, kendi, at kung anu-ano pang “junk food” ang siyang patok sa mga kabataan. Tandaan, ang katabaan ay hindi nangangahulugan ng magandang kalusugan. Minsan pa nga, ang mga matatabang bata ay undernourished. Ibig sabihin, kulang sa sustansya ang mga batang undernourished. Maaring tumaba ang isang bata sa pagkain ng hindi tama gaya ng softdrinks, chichirya, maraming kanin o tinapay, tsokolate, French fries at marami pang iba. Kahit na ang timbang nila ay mabigat, maaring hindi naman natutugunan ang ilang nutrisyon na kailangan ng katawan.

Alam nyo ba na kung ang bata ay sobra-sobra sa timbang na angkop sa edad at tangkad niya, mas mataas ang tyansa niyang magka diabetes o high blood siya pagtanda. Bukod pa rito, ang di magandang nakaugaliang pagkain ng junk food ay maari niyang madala hanggang sa siya ay lumaki. Hindi madali ang pagpapapayat. Pagdating ng adolescent stage o pag nagdadalaga at nagbibinata na ang mga bata, maaring tuksuhin sila ng mga kaibigan o kaklase dahil sa kanilang timbang. May ilan sa kanilang na eenganyong magpapayat o ayusin ang kanilang pangangatawan sa tamang paraan gaya ng pagkontrol sa pagkain at ehersisyo. Ngunit, may ilan rin sa kanila na emotional eater o mas napapakain tuwing may problema o stress sa buhay.

Bilang mga magulang, maari nating simulan ang pagbabago sa pamamagitan ng pagtanggal sa isipang malusog kung mataba ang isang bata. Hikayatin ang masustansyang pagkain at i-monitor kung labis ang pagkain ng anak. Masayang gawing bonding ng pamilya ang ehersisyo. Habang bata pa, imulat sila sa tamang pagkain at magandang pangangatawan para mabawasan ang tyansang maging masakitin paglaki.