Kilalanin Ang Mga Parasitikong Bulate sa Katawan ng Tao

Parasitismo ang tawag sa interaksyon ng dalawang organismo kung saan, ang isang organismo (parasitiko) ay kumukuha ng sustansya o kahit na anong benepisyo mula sa ikalawang pang organismo (host), habang siya naman ay walang nakukuha mula sa naunang organismo kundi’y pinsala lamang. Ang kuto na naninirahan sa ulo ng tao ay isang halimbawa ng parasitismo, gayundin ang lahat ng uri ng fungus, virus at bacteria na makikita sa katawan na nakapagdudulot ng iba’t ibang sakit. Ngunit bukod sa mga ito, ang isa sa mga pinakakilalang parasitiko sa katawan ng tao ay ang mga bulate sa tiyan. Ang mga parasitikong bulate, na kadalasan ay nakukuha sa mga kontaminadong pagkain at maruming istilo ng pamumuhay, ay kadalasang naninirahan as tiyan ng tao at walang mabuting maidudulot.

Narito ang ilang klase ng bulate ang maaaring maging parasitiko sa katawan ng tao

Ascaris o Roundworm. Ang mga bulateng Ascaris o roundworm ay makikilala sa kanilang bilogan at mahabang katawan. Kadalasan itong naninirahan at nagpaparami sa bituka ng tao. Maaari itong makuha kung ang pagkain na kinain, o ang kamay o kahit na anong bagay na isinubo, ay kontaminado ng itlog nga bulate. Ang taong apektado ng bulateng ito ay maaaring makaranas ng panghihina, kabawasan ng timbang, kawalan ng gana kumain, diarrhea, at pananakit ng tiyan. Kung mapapabayaan, maaari itong humantong sa pagkakaroon ng anemia o malnutrisyon. Tinatawag na ascariasis ang kondisyon ng pagkakaroon nito sa tiyan.

 width=

Enterobius o pinworm. Ang sumunod na uri ng bulate sa tiyan ay ang Enterobius o pinworm. Kilala ito sa pagkakaroon ng mala-kalawit na buntot at naninirahan sa bituka ng tao. Nakukuha ito sa pagkain ng kontaminadong pagkain o kaya naman ay sa pagkakalangham ng itlog na tinangay ng hangin. Ito ang bulate na nakapagdudulot ng matinding pangangati sa butas ng puwet. Nagaganap ang pangangati sa tuwing mangingitlog ang bulate sa butas ng puwet. Maliban sa iritableng pakiramdam mula sa matinding pangangati ng puwet, wala nang iba pang seryosong komplikasyon ang maaaring idulot ng parasitikong ito. width=

Tapeworm. Ang mga tapeworm ay bulate na mahaba at pipi o flat, na tila isang haba ng tape, na kadalasang naninirahan sa bituka. Ito ay nakukuha mula sa pagkain ng karne ng baka, baboy o isda na kontaminado ng itlog at hindi naluto ng tama. Ang pagkakaroon ng tapeworm sa katawan ay maaaring magdulot ng pangangayayat, panghihina ng katawan, pananakit ng katawan at madalas na pagkagutom. Di tulad ng ibang bulate, ang tapeworm ay may kakayanang dumami sa pagkakahati ng katawan nito, kung kaya’t makabubuti na maaalis ang lahat ng tapeworm sa katawan sa panahon ng gamutan, dahil kung hindi, maaari lamang itong manumbalik at muling magparami sa bituka.

 width=

Trichina spiralis. Ang isa sa mga pinakanakakasamang parasitikong bulate ay ang Trichina spiralis na maaaring makuha sa pagkain ng karning hindi naluto ng tama. Ang mga bulateng ito ay natutukoy sa itsurang nakapulupot sa mga kalamnan. Sa umpisa ay naninirahan at nagpaparami ito sa bituka at maaaring makapagdulot ng pagsusuka, panghihina at kabawasan ng timbang, ngunit kinalaunan, ito ay may kakayanang pumasok sa kalamnan, at umabot sa puso at sa utak na maaaring makamatay. Tinatawag na Trichinosis ang sakit na dulot ng bulateng ito.

 width=

Filarial worm. Ang mga bulate gaya ng Wuchereria bancrofti, Brugia malayi, at Brugia timori ay ang mga parasitikong bulate na naninirahan sa dugo at nakukuha mula sa kagat ng lamok na apektado ng bulate. Ito ang nakapagdudulot ng sakit na Elephantiasis na karaniwan sa ilang lugar sa Pilipinas. Ang sakit na ito ay natutukoy sa pagkakaroon ng paglaki at pamamaga ng mga paa at bayag ng kalalakihan.

 width=

Schistosoma o bloodfluke. Ang mga bulateng schistosoma o bloodfluke ay ang mga bulateng maaaring makuha mula sa pagkain ng suso o snail. Ang sakit na schistosomiasis na dulot ng bulateng ito ay ang itinuturing na pangalawa sa pinakamalala at nakamamatay na kaso ng parasitismo sa mundo, pangalawa sa malaria. Ang bulate ay naninirahan at nangingitlog sa mga daluyan ng dugo na pumapalabot pantog (bladder) kung kaya’t ang kadalasang naapektohan ay bato at pantog. Maaari itong makapagdulot ng pananakit ng tiyan, pagdurugo sa tae at ihi, sakit sa bato, at minsan ay pagkabaog. Ang taong apektado ng bulateng ito ay kadalasang mayroong malaking tiyan.

 width=

Trichuris o whipworm.  Ang bulateng ito ay natutukoy sa pagkakaroon ng katawan na mala-latigo ang anyo. Gaya ng ascaris, nakukuha ito sa sa mga kontaminadong pagkain. Naninirahan ang mga bulate at nagpaparami sa bahagi ng malaking bituka o large intestine. Kung ang bilang nito sa bituka ay tumaas, maaaring magdulot ito ng panghihina, pananakit ng tiyan, at pagtatae. Tinatawag na Trichuriasis ang sakit na dulot ng bulateng ito.

 width=