Kulugo sa Ari: Isang Uri ng STD

Human Papillomavirus (HPV)—Mahigit isang daang uri ng HPV ang nasa mundo at ito ang sanhi ng karaniwang kulugo sa katawan. Karamihan ng uri ng HPV ay hindi nakakasama sa katawan. Kusa silang nawawala at nakikita bilang butlig sa balat, kahit sa bata man o matanda.

Tinatayang limampung porsyento (50%) ng mga taong aktibo sa pakikipagtalik ay maaring magkaroon ng HPV infection. Isa ang HPV sa pinaka laganap na STD sa buong mundo. May ilang uri ng HPV na sanhi ng kulugo o kakaibang pagtubo sa ari, puwit, o bibig. Ito ang tinatawag na low-risktype na HPV. Ang ibig sabihin ng low-risk type ay hindi gaanong malaki ang naka ambang panganib sa isang taong may ganitong HPV.  Kalimitan, kusang nawawala ag mga kulugong sanhi ng low-risk HPV. Depensa ng katawan ang siyang pangunahing panlaban sa ganitong klase ng impeksyon. May tinatawag ring high-risk type na HPV. Ibig sabihin nito, mas malaki ang panganib  na nakaamba sa mga taong may ganitong uri ng HPV infection. Ang mga high-risk type HPV ay maaring humantong sa iba’t ibang klase ng kanser gaya ng kanser sa kwelyo ng matris (cervical cancer), kanser sa ari (sa babae: vulvar cancer; sa lalaki: penile cancer), kanser sa puwitan (anal cancer), at kanser sa ulo, lalamunan, leeg, o bibig.

Paano nakukuha ang HPV?

Image Source: www.ucsfhealth.org

Dahil sa ito’y isang STD, isang paraan upang mahawa ng HPV ay sa pamamagitan ng pagtatalik. Maaari ring makuha ito, ngunit di kadalasan, sa pamamagitan ng oral sex, anal sex, at sa kontak ngbody fluids o katas ng katawan gaya ng similya. Lahat ng tao ay may tyansang makakuha ng HPV infection lalo na kung mapusok ang kanilang pamumuhay at papalit-palit ng partner. Ngunit minsan, maaari ring magka HPV ang taong isang beses pa lamang nakipagtalik kung ang kanyang partner ay may HPV infection. Isang pagkakataon o tyansa lamang ang kailangan upang mahawa ng naturang sakit. Ang mga batang kakikitaan ng kulugo sa ari o puwitan ay kailangang suriin dahil sila ay maaaring biktima ng pangaabuso.