Ligtas ba ang pagbunot sa buhok na tumubo sa nunal?

Ang maliliit na marka sa balat na mas kilala bilang nunal ay pangkaraniwang nakikita sa balat ng tao. Maaaring maliit lamang ito na tuldok o kaya’y malaki, maaaring bahagyang nakaangat o patag lang, o kaya naman ay may iregular na hugis o bilugan. Minsan pa, tinutubuan din ito ng buhok na kadalasang ay mas makapal, kulot at mas mabilis humaba kumpara sa pangkaraniwang buhok sa katawan.

Para sa ilan, ang buhok sa nunal ay sensitibo, delikado, at maaaring magdulot ng kanser sa balat kung sakaling mabunot. Pero ito ba ay may katotohanan?

Ayon sa mga dermatologist, ang buhok na tumubo sa nunal ay tulad lang din ng pangkaraniwang buhok sa ibang bahagi ng katawan. Kung kaya’t maaaring sabihin na walang katotohanan ang paniniwalang nakaka-kanser ang pagbunot dito at ligtas naman kahit bunutin pa ang buhok dito. Sa huli, tutubo at tutubo pa rin ang buhok sa nunal gaya ng pangkaraniwang buhok.

Ang takot at paniniwala na maaaring magka-kanser kung mabubunot ang buhok sa nunal ay maaaring nagmula sa posibilidad ng pagkakaron ng kanser sa balat dahil sa nunal (melanoma). Pero sa katunayan, mas ligtas pa at mas maliit ang tsansa ng pagkakaroon ng kanser kung ang nunal ay tinutubuan ng buhok. Magbasa pa ng impormasyon tungkol sa nunal sa sumusunod na link: Kaalaman tungkol sa nunal.