Ligtas ba ang paggamit ng mga Sleeping Pills?

Ang pagtulog ay isang napakahalagang gawain na kailangan ng katawan upang gumana ng maayos. Ito ang kalagayan ng katawan kung saan, bumabagal o humihinto ang paggana ng ilang sistema katawan at tanging ang ilang pinakamahahalagang sistema na lamang ang nananatiling gumagana tulad ng paghinga at pagdaloy ng dugo. Sa kasamaang palad, hindi lahat ay madaling nakakatulog o kaya ay may mababaw lamang na tulog at madaling nagigising. Ang tawag sa ganitong kondisyon ay insomnia, isang karaniwang sakit kung saan ang indibidwal ay hirap makatulog.

Bagaman ang pag-inom ng mga pampatulog na gamot ay hindi pangunahing lunas para sa hirap sa pagtulog, maaaring magreseta pa rin ang mga doktor bilang panandaliang lunas sa sakit na insomnia. Narito ang ilan sa mga madalas na inireresetang gamot na pampatulog para sa mga taong may insomnia:

Ang mga gamot na nabanggit ay may iba’t ibang epekto sa pagtulog. Ang ilan ay tumutulong para agad na makatulog, ang iba naman ay tumutulong para humimbing ang tulog, at mayroon ding taglay ang parehong epekto na ito. Dapat ding tandaan na ang karamihan sa mga gamot na pampatulog ay nagdudulot dependence sa gamot o ang pangangailangan ng pag-inom ng gamot para lamang makatulog. Dapat ay kumonsulta muna sa doktor upang malaman kung anong gamot na pampatulog na nararapat para sa iyo.

Ligtas ba ang paggamit ng mga Sleeping Pills?

Sa pangkalahatan, ligtas naman ang pag-inom ng mga gamot na pampatulog lalo na kung susunding mabuti ang payo ng doktor ukol sa tamang pag-inom ng gamot at hindi mapapasobra ang pag-inom nito. Ngunit hindi pa rin nawawala ang posibleng pagkakaroon ng side effects gaya ng sumusunod:

  • Pagkahilo
  • Pananakit ng ulo
  • Problema sa daluyan ng pagkain
  • Pagtatae at pagsusuka
  • Sobrang pagkaantok sa umaga
  • Problema sa pag-iisip
  • Hirap sa pagmemorya, pagiging alisto, at pagdedesisyon

Ano ang mga dapat tandaan sa pag-inom ng Sleeping Pills?

Upang mas maging epektibo at ligtas ang pag-inom ng mga gamot na pampatulog, dapat alalahanin ang mga dapat at hindi dapat gawin habang umiinom ng mga gamot na ito.

  • Bago uminom ng mga gamot na pampatulog, dapat ay ipaalam muna sa doktor kung ikaw ay buntis, nagpaplanong magbuntis o nagpapasuso, may mga karamdaman sa puso, bato at atay.
  • Huwag basta-basta iinom ng gamot na pampatulog nang walang maayos na konsultasyon at reseta mula sa doktor. Basahin din muna ang direksyon ng pag-inom na nakalagay sa pakete.
  • Iwasan ang pagmamaneho o anumang gawaing maaaring maapektohan pagkatapos uminom ng gamot na pampatulog.
  • Inumin lamang ang gamot na pampatulog kung mahihiga na sa tulugan.
  • Umiwas sa pag-inom ng alak.
  • Bantayan ang mga posibleng side effects ng gamot na pampatulog.
  • Huwag lalagpas sa itinakdang haba ng pag-inom ng gamot na pampatulog.
  • Huwag biglain ang pagtigil sa pag-inom ng gamot. Basahin ang tamang hakbang o sundin ang payo ng doktor kung paano ititigil ang pag-inom ng sleeping pills.