Ang vetsin o monosodium glutamate (MSG) ay isang pampalasa na madalas na nilalagay sa mga Chinese food, mga delata, mga sitsirya, at ilan pang mga prinosesong pagkain. Ito ay matagal nang ginagamit sa pagkain dahil nakakapagpalinamnam daw ito.
Ngunit para sagutin ang tanong na ligtas nga ba ang paggamit nito sa mga nilulutong pagkain, para sa FDA, ito daw ay ligtas, bagaman ang paggamit nito ay nanatiling kontrobersyal. May ilan kasing nagsasabi na sila raw ay nakararamdam ng ilang sintomas pagkatapos kumain ng pagkain na nilagyan ng vetsin. Ang mga sintomas na kadalsang binabanggit ay ang sumusunod:
- pananakit ng ulo
- pagkahilo
- pamumula
- pagpapawis
- paninikip ng balat sa mukha
- pangangati o pamamanhid ng mukha at leeg
- mabilis na pagtibok ng puso
- pananakit ng dibdib
- pagliliyo
- panghihina
Subalit ayon pa rin sa mga eksperto, ang mga sintomas na ito ay walang basehan. Wala raw matibay na ebidensya ang makapagpapatunay sa kaugnayan ng pagkakaranas ng mga nabanggit na sintomas at sa paggamit ng vetsin sa mga kinakain. At ang mga sintomas na sinasabing konektado daw sa vetsin ay kadalsang hindi naman seryoso at hindi nangangailangan ng agarang atensyong medikal.