Ligtas bang alisin ang mga buhok sa ilong?

Ang pag-alis sa mga buhok sa ilong lalo na kung ito ay masyado nang mahaba at nakikita nang lumalabas sa butas ng ilong ay matagal nang ginagawa ng marami lalo na ng mga modelo at artista na madalas nakikita sa mga telebisyon, magazine, at billboard. Ito ay kanilang inaalis sa kadahilanang nagiging sagabal ito sa kanilang magandang hitsura. Ngunit ang tanong ngayon, ligtas bang tanggalin ang mga buhok na ito?

Bago ang lahat, alalahanin na ang buhok sa ilong ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pagpapanatiling malinis ng hangin na nalalanghap ng ilong. Ito ay nagsisilbing harang o pansala sa mga maliliit na bagay na maaaring magdulot ng iritasyon at impeksyon sa ilong. Kung uubusin ang mga buhok sa ilong, hindi malayong mapadalas ang pagkakaranas ng sipon at allergic reaction.

Payo ng mga doktor, alisin lamang ang mga buhok na nagiging sagabal. Gupitin lamang ang mga buhok na masyadong mahaba at lumalabas na sa butas ng ilong at hayaan na ang iba pang buhok sa loob ilong.