Ang pagtatanggal ng bato sa apdo ay karaniwang isinasaginagawa sa pamamagitan ng isang operasyon. Ngunit bukod dito, may ilang eksperto, lalo na yung mga naniniwala sa holistikong pamamaraan ng paggagamot, na naniniwalang maaari din daw matanggal nang natural ang mga bato sa tulong ng pag-inom sa katas ng pinaghalo-halong halamang gamot. Pero ito ba ay may katotohanan?
Upang mabigyang linaw ang katanungang maaari bang maalis nang natural ang mga namuong bato sa apdo, dapat munang alamin kung paano at saan nga ba ito nabubuo. Ang mga bato sa apdo o gallstones ay produkto ng namuong cholesterol sa katawan na napunta sa bahagi na kung tawagin ay apdo o gall bladder. Nagsisimula ito sa maliliit na butil na sinlaki lamang ng butil ng bigas o munggo, ngunit sa paglaon ng panahon, maaari itong lumaki at makaapekto na sa normal na paggana ng katawan ng tao. Kalimitan, ito ay nananatili lamang doon at hindi na maalis pa, ngunit kung sakaling ito ay gumalaw at maalis sa apdo, madalas ay nagbabara lamang ito sa daluyan ng bile (bile duct) at sa kalaunan ay magdudulot ng karamdaman sa atay. Hindi maari o napakaliit lamang ng posibilidad na makalabas ang namuong bato sa bituka at mailabas ito kapag dumumi.
Sa ngayon ay wala pang sapat na pag-aaral o siyentipikong pagsasaliksik na makapagpapatunay sa paniniwala ng ilan na ang namuong bato sa apdo ay maaaring mailabas sa natural na paraan. Tanging operasyon lamang ang tiyak na hakbang sa pag-aalis sa mga namuong bato sa apdo.
Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na gall stone sa sumusunod na link: Gallstone.