Mababaog ba kung tumama ang bayag sa bike?

 title=

Q: Doc, itatanong ko lang po kung mababaog kaba kapag naitama ang isang bayag mo sa bar ng bike at nabitak ito. Mababaog ba ako? Sana po masagot nyo ang katanongan ko. Thanks po & more power sa column nyo.

A: Hindi ka nag-iisa sa katanungang ito sapagkat isa sa pinaka-karaniwang paliwanag ng mga tao sa pagkabaog ng isang lalaki ay mga aksidenteng nakaraan. Oo, posibleng maging sanhi ng pagkabaog ang pagkadali ng bayag ngunit hindi ito karaniwan. Sa katunayan, sa dami ng mga nakakaranas ng ganitong aksidente, bibihira ang nagdudulot sa komplikasyon, maliban na lang kung malala talaga ang tama.

Isa sa dahilan kung bakit bihira ito dahil dalawa ang itlog (testicle) ng lalaki at maski isa lang dito ay sapat na upang gumawa ng sperm cells na kinakailangan para makabuntis.

Kaya kung hindi naman malala ang nangyari at wala ka namang nararamdaman na paglala sa iyong bayag, hindi ka dapat mabahala. Subalit kung may pamamaga, pagbabago ng kulay, pagkirot, o iba pang sintomas na patuloy na nararamdaman, magpatingin ka na sa doktor upang masuri ng mabuti ay kondisyon ng iyong bayag.