Mabuti at masamang epekto ng Pagpapamasahe

Ang pagpapamasahe o massage therapy ay isang pamamaraan kung saan pinipisil-pisil, pinipindot o dinidiinan ang ilang bahagi ng balat, kalamnan o mga kasukausan sa katawan. Bukod sa ito ay masarap sa pakiramdam, nakakawala ito ng pagod at stress na nararanasan, ang pagpapamasahe ay may mabuting naidudulot sa kalusugan. Sa katunayan, sa maraming bahagi ng mundo, ang pagpapamasahe ay tinuturing na isang mahusay na paraan ng paggagamot sa ilang kondisyon na nararanasan.

Ang pagpapasamahe ay isinasagawa sa iba’t ibang mga paraan. Maaaring gamitin ang mga daliri, kamay, siko o paa sa pagbibigay ng diin sa ilang mga bahagi ng kalamnan ng katawan. Maaari ding magaan lamang ang pagpipisil o kaya ay diinan ng husto sa mga pressure points ng katawan.

Madali lamang din makahanap ng lugar na mapagpapamasahehan. Maaaring magtungo sa mga klinika, ospital o kaya naman sa mga spa, mall, o kaya ay on-call na masahista.

Ano ang mga benepisyo ng pagpapamasahe?

Ayon sa ilang mga pag-aaral, ang pagpapamasahe ay maaaring makatulong sa mga sumusunod na kondisyon:

  • Pagkabalisa
  • Problema sa pagtunaw ng mga kinain
  • Pananakit ng mga kalamnan o fibromyalgia
  • Pananakit ng ulo
  • Insomnia na dulot ng stress
  • Pananakit ng nerves o naipit na ugat
  • Pilay at pulikat
  • Pananakit ng mga kalamnan sa mukha at panga

Panganib ng pagpapamasahe

Sa kabila ng mga benepisyo sa kalusugan na hatid ng pagpapamasahe, hindi sa lahat ng pagkakataon ay rekomendado ito. Dapat iwasan ang pagpapamasahe kung dumadanas ng mga sumusunod na kondisyon:

  • Dumaranas ng pagdurugo sa ilang bahagi ng katawan
  • May paso o bukas na sugat
  • Kakagaling pa lamang sa operasyon
  • May pamumuo ng dugo sa mga ugat na daluyan
  • Malalang pilay, o nabalian ng buto
  • Malalang kondisyon ng osteoporosis o marupok na buto
  • Madaling pagpapasa sa katawan

Dapat ding maging maingat sa pagpapamasahe kung buntis o may sakit na kanser.

Minsan pa, lalo na kung ang masahista ay baguhan o walang lisensya, maaaring dumanas ng ilang masasamang epekto sa hindi maingat na pagpapamasahe. Kabilang dito ang sumusunod:

  • Internal bleeding
  • Pagkasira ng nerve
  • Pansamantalang pagkaparalisa
  • Allergic reaction sa langis na ginamit sa pagpapamasahe

Paano maiiwasan ang masamang epekto ng pagpapamasahe?

Maaari namang maiwasan ang masasamang epekto ng pagpapamasahe sa tulong ng mga sumusunod na hakbang:

  • Tiyakin na lisensyado at may karanasan sa pagmamasahe ang masahista na kukunin
  • Magpamasahe lamang sa mga kilalang establisimyento
  • Kumonsulta muna sa doktor kung maaaring magpasahe lalo na kung may kakaibang nararamdaman