Mabuting epekto ng bentosa sa kalusugan

Ang bentosa, o cupping therapy sa Ingles, ay isang makalumang pamamaraan ng panggagamot na ginamit din ng mga sinaunang sibilisasyon sa Ehipto, Tsina at Gitnang Silangang Asya. Gamit ang baso, garapon, o anumang bagay na may malalim na ukab, gumagawa ng paghigop o suction sa tulong ng init o apoy at dinidikit sa balat. Ang paghigop sa balat ay pinaniniwalaang nakatutulong sa mas maayos na daloy ng dugo at nakapagdudulot ng mabubuting epekto sa kalusugan.

Bagaman wala pang sapat na pag-aaral na makapagpapatunay na talagang epektibo ang bentosa sa panggagamot sa ilang karamdaman, ilang mga pagsasaliksik sa Tsina at Australya ang nagsasabing epektibo ang bentosa kung gagamitin kasabay ng iba pang pamamaraang medikal gaya ng acupuncture at pag-inom ng gamot.

Pinaniniwalaang makatutulong ang bentosa sa ilang mga kondisyon gaya ng sumusunod:

1. Karamdaman sa dugo. Ang mga sakit sa dugo tulad ng anemia at hemophilia ay pinaniniwalaang matutulungan ng bentosa.

2. Pananakit ng mga kasukasuan. Sinasabing mabisa din ang bentosa para sa mga kondisyon ng pananakit sa kasukasuan na dulot ng rayuma at arthritis.

3. Karamdaman sa balat. Ginagamitan din ng bentosa ang mag kondisyon ng eczema at tagihawat sa balat.

4. Altapresyon. Ang pagtaas ng presyon ng dugo ay maaari ding matulungan ng bentosa.

5. Pananakit ng ulo. Mabisa din daw ang bentosa para sa karaniwang sakit ng ulo at maging sa pabalik-balik na sakit o migraine.

6. Depresyon at pagkabalisa. Ang relaxation na hatid ng bentosa at mabisang lunas sa kondisyon ng depresyon at pagkabalisa.

7. Varicose veins. Ang mga nakalitaw na ugat sa hita at iba pang bahagi ng katawan ay matutulungan din ng bentosa.

8. Paninikip ng paghinga. Ang pagsikip sa daluyan ng paghinga na dulot ng hika o bronchitis ay pinaniniwalaan ding masosolusyonan ng bentosa.

 

ventosa

Sa kabila ng mga benepisyong hatid ng bentosa, may ilan din itong epekto na bagaman hindi seryoso ay hindi naman kaayaaya sa paningin o sa pakiramdam. Maaari itong magdulot ng paso (burns), at pasa (bruise) kung hindi sanay ang nagsasagawa ng pamamaraan.