Ang pagpapawis ay isang natural na proseso sa katawan na nararanasan kung sakaling mainit ang panahon, aktibong kumikilos, o nakakaramdam ng matinding emosyon. Sa kasamaang palad, marami ang may ayaw na mapagpawisan. Marahil dahil ayaw nilang magmukhang hapo at pagod, at mangamoy pawis na agad sa umagang papasok pa lamang sa eskuwelahan o sa trabaho. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, may mga benepisyo sa kalusugan ang regular na pagpapawis.
Saan nagmumula ang pawis?
Ang pawis ay lumalabas mula sa maliliit na sweat glands sa balat sa buong katawan. Lumalabas ang likido mula sa mga glandulang ito sa oras na ma-trigger o ma-stimulate ng mga nerves. Ang pawis ay binubuo ng tubig, sodium, at iba pang mga substansya sa katawan na kinakailangang mailabas.
Bakit dumaranas ng pagpapawis?
Ang pagpapawis ay isang paraan ng katawan upang palamigin ang nagiinit na sistema. Kung baga sa mga makina, ito ang cooling system ng katawan upang hindi mag over-heat. Mararanasan ang pagpapawis kung sakaling mainit ang panahon, pagod ang katawan mula sa aktibong pagkilos gaya ng pagtakbo o paglalaro sa labas, o kaya naman ay may biglaang pagbabagong emosyonal sa katawan gaya ng pagiging kabado.
Ano ang mabubuting epekto sa kalusugan ng pagpapawis?
Bukod sa pagpapanatili ng tamang temperatura sa katawan, may ilan pang mabubuting epekto ang pagpapawis sa kalusugan. Kabilang dito ang sumusunod:
1. Mahusay na pagdaloy ng dugo sa katawan. Isa sa pinakamabuting benepisyo ng pagpapawis ay ang mas mahusay na sirkulasyon ng dugo sa katawan. Kasabay kasi ng pagpapawis ng katawan, doble rin ang pagtatrabaho ng puso sa pagbobomba ng dugo sa buong bahagi ng katawan. Bukod sa mas mabilis na nakapagsusuplay ng oxygen sa iba’t ibang bahagi ng katawan, mas mabilis ding nailalabas ang mga dumi ng katawan at naisasama sa lumalabas na pawis.
2. Detoxification. Kasamang lumalabas sa pawis ang ilang mga kemikal na maituturing na dumi ng katawan. Kabilang dito ang sodium, nicotine na nakuha sa paninigarilyo, mga heavy metals, ininom na alak at maging cholesterol. Ang mga substansyang ito, kung maiipon sa katawan, ay maaaring may masamang epekto sa paglipas ng panahon gaya na lang ng pagkakaroon ng sakit na kanser.
3. Pagkabawas ng sobrang taba sa katawan. Ang pag-eehersisyo ang pinakamahusay na paraan ng pagsusunog sa sobrang taba sa katawan. Ngunit bukod dito, ang mismong proseso ng pagpapawis pagkatapos ng pag-eehersisyo ay nakakatulong din sa pagbabawas ng mga taba.
4. Nakakapagpasaya ng pakiramdam. Ayon sa ilang mga pag-aaral, kasabay ng pagpapawis ng katawan ay naglalabas din ng kemikal na endorphins ang mga nerves sa utak. Ang kemikal na ito ay may epektong nakakapagpagaan ng pakiramdam, nakakabawas sa stress, at nakatatanggal din sa pananakit na nararanasan ng katawan.
5. Nakakahilom ng sugat. Isa pa sa magagandang epekto ng pagpapawis ay ang mas mabilis na paghilom ng sugat. Ayon kasi sa pag-aaral ni Laure Rittie ng University of Michigan, taglay ng pawis ang ilang stem cells na nakatutulong sa mas mabilis na pagsasara ng mga nakabukang sugat.
6. Natural na depensa laban sa impeksyon. Nakatutulong din ang pawis sa paglaban sa mga mikrobyong nais manghimasok sa balat. Kung sakaling may sugat sa balat o may kagat ng insekto, sumasama sa pawis ang isang uri ng natural na antibiotic ng katawan na kung tawagin ay dermcidin at nilabanan ang mga mikrobyong mapagsamantala.