Ang zumba ay isang masaya at makabagong paraan ng pag-eehersisyo na nauuso sa panahon ngayon. Nagsimula ito noong 2005 sa bansang Colombia, at ngayon ay kilala at ginagamit na ng marami sa pagpapanatili ng magandang hubog ng kanilang katawan. Bukod sa simple at madaling sundan ang sayaw ng zumba, hindi rin ito mabigat sa bulsa, kaya naman kuhang-kuha nito ang kiliti ng madla.
Ang masayang ehersisyong ito ay may mabuting epekto sa kalusugan. Bukod sa nakatutulong ito sa pagpapayat at pagpapaganda sa hubog ng katawan, may ilang pang mabubuting dulot ang zumba sa ating kalusugan.
1. Nakakabawas ng timbang
Ang mga simpleng sayaw sa zumba ay epektibong paraan ng pagpapapawis, kung kaya’t nakatutulong ito sa pagbabawas ng timbang. Ang isang oras ng pagsasayaw sa zumba ay maaaring makasunog ng 800 hanggang 1000 calories o taba sa katawan.
2. Nakakapagpaganda ng hubog ng katawan
Kasunod ng kabawasan sa mga taba ng katawan ay ang unti-unting pagganda ng hugis at hubog ng katawan. Maaaring ma-develop ang mga kalamnan sa hita, balikat, at tiyan. Ang maliit na baywang na ninanais ng maraming kababaihan, gayundin ang matitikas na abs na nais naman ng kalalakihan ay maaaring makamit sa tulong ng zumba.
3. Nakakabawas sa stress
Siyempre pa, ang masayang tugtugin at aliw na hatid ng pagsasayaw ay epektibo ding nakakabawas sa stress na dinadala ng isang tao. Dapat alalahanin na ang stress ay konektado sa maraming karamdaman na nararanasan ng tao.
4. Nakakapagpabuti ng koordinasyon ng katawan
Ang paggalaw ng katawan kasunod ng mga galaw ng lider na nagpapasimula ng sayaw sa zumba ay nakatutulong sa pagpapabuti ng koordinasyon ng katawan. Ang koordinasyon ng katawan ay isang mahalagang abilidad na na kailangan ng isang tao sa pang-araw-araw na trabaho lalo na sa panahon ng emergency.
5. Mahusay na paraan ng pakikisalamuha sa ibang tao
Ang pakikisalamuha sa ibang tao ay mahalagang aspeto sa buhay ng isang tao. Dahil dito, mas yumayaman ang kaalaman, kultura at pananaw ng isang indibidwal. Ang pagsasayaw sa zumba ay isang mabuting paraan ng pakikisalamuha sa iba.