Sa forum na pinamagatang “Pharmacovigilance for Consumers” na itinanghal sa Vivere Hotel, Alabang, Muntinlupa noong ika-30 ng Hulyo 2013, si Dr. Kenneth Hartigan-Go, direktor ng Food and Drug Administration (FDA, ang dating Bureau of Food and Drugs o BFAD), ay nagbigay ng mga paalala sa mga mamamayan tungkol sa pagpili at paggamit ng mga gamot. Ang pakikipag-ugnayan ng mga mamamayan, mga doktor, at mga kawani ng gobyerno para sa ligtas na paggamit ng gamot ay tinatawag na “Pharmacovigilance”.
Ilan sa mga payo ni Dr. Hartigan-Go sa mga pasyente at mga mamamayang gumagamit ng gamot:
- Basahing mabuti ang ‘label’ ng gamot
- Hanapin ang registration number ng FDA (o BFAD) sa gamot para masiguradong ito’y rehistrado sa gobyerno
- Hanapin ang expiration date at tiyaking hindi pa expired ang gamot
- Huwag mag-atubiling isumbong sa inyong dotor o sinong opisyal ang anumang anomalya o problema patungkol sa mga gamot. Bukas rin ang tanggapan ng FDA at maaari silang i-email sa info@fda.gov.ph.
Sa naturang talakayan, nabanggit rin ang iba pang importanteng alituntunin upang maging ligtas:
- Sunding mabuti ang payo ng doktor sa pag-inom ng gamot, kung gaanong karami, gaanong kadalas kada araw, gaanong katagal iinumin ang gamot.
- Alamin mula sa inyong doktor ang mga posibleng side effect ng anumang iniinom na gamot, at maging alerto sa pagkakaron ng mga side effect na ito.
- Huwag magpaloko sa mga di umano’y gamot o supplement na kayang gamutin lahat ng inyong sakit, at nangangako na magagamot ang mga sakit gaya ng kanser, rayuma, diabetes, high blood, at iba pa.
- Hindi komo nakasulat na ‘natural’ ay ibig-sabihin na ito’y ligtas.
- Patungkol sa mga supplements na nangangako na magpapapayat, magpapalaki ng katawan, at iba pa, maging maingat sapagkat ang mga ito ay maaaring may halong mga kemikal na nakakasama sa katawan. Walang kapalit ang disiplina, tamang pagkain, ang ehersisyo sa pagkakaron ng magandang katawan.
Sapagkat ang pagpili at paggamit ng gamot ay isang mahalagang bahagi ng kalusugan, ito’y mas tatalakayin pa ng mas malalim sa mga susunod na artikulo.