Mahapdi ang ihi at may nana na lumalabas sa ari

Q: Ako po ay isang lalaki. Mahapdi na pag ihi at may nana na lumalabas sa ari. baka ito na ang kinakatakotan sakit na tulo. Ano ang magandang gawin at gamot na kailangan? Tatlong linggo ko na itong nararamdaman.

A: Ang mga nabanggit mo sa akin ay mga sintomas nga ng tulo, at bagamat may iba pang posibleng dahilan nito, kung naisip mong ito’y maaaring tulo, ibig-sabihin ay alam mo rin na ito’y posible, kung ang pagbabasihan ay ang iyong sex life.

Ang payo ko sa’yo ay magpatingin sa doktor upang matuloy kung ano ba ang partikular ng sanhi ng tulo. Bagamat ang ‘translation’ ng tulo ay ‘gonorrhea’, posible rin na ‘chlamydia‘ ang mikrobyo na may dala nito. Dahil gusto natin na ang iinumin mong antibiotiko ay talagang para sa sakit mo, magandang ma-examine ang iyong ihi at makuhanan ng sample ang nana na lumalabas sa iyong uri upang makita ang mikrobyong may gawa nito.

Basahin: Tulo: Kaalaman at Gamot

Posible rin naman na bigyan ka ng antibiotiko ng doktor kahit walang pagsusuri; ito’y naka-depende sa kung ano-ano pang mga sintomas ang makikita nya. Basta asahan mo na bibigyan ka ng antibiotics para diyan kung base sa kanyang eksaminasyon ay ‘tulo’ nga talaga. Iwasan ang pag-inom ng antibiotics ng walang reseta ng doktor sapagkat baka hindi angkop na antibiotics ang iyong mainom.

Habang hindi ka pa nakakapagpatingin sa doktor, iwasan mo muna ang pakikipaag-sex sapagkat baka ikaw ay makahawa. Uminom ng maraming tubig para mabawasan ang pagiging mahapdi ng iyong pag-ihi.