Malamig na tubig kapag may lagnat, bawal nga ba?

Isa sa mga sikat na paniniwala kapag may lagnat ang isang indibidwal ay ang pagbabawal ng pagpapainom sa kanya ng malamig na tubig. Ito’y sapagkat maaari daw lumala ang kanyang kondisyon. Ang ganitong paniniwala ay hindi lamang para sa lagnat, kundi pati na rin sa mga dumaranas ng iba pang pangkaraniwang karamdaman gaya ng ubo at sipon. Sa halip na malamig na tubig, mas mainam daw para sa kondisyon ang maligamgam na tubig. Pero may katotohanan nga kaya ang paniniwalang ito?

Totoo na ang pag-inom ng tubig tuwing may sakit ay isang mahalagang hakbang para mapabilis ang paghupa ng mga sintomas na nararanasan. Halimbawa, kapag may sipon, mas madaling mailalabas ang sipon kung sapat na nakakainom ng tubig at maiiwasan ang pababara sa ilong. Gayun din ang may ubo, mas madaling mapapalabas ang plema kung sapat ring nakakainom ng tubig. Pero bilang sagot sa katanungan na bawal nga ba ang pag-inom ng malamig na tubig tuwing may sakit, ang totoo niyan, walang halaga ang temperatura ng iniinom na tubig sa nararanasang sakit. Samakatuwid, walang epekto kahit pa uminom ng malamig na tubig kapag may sakit. Malamig man o mainit ang inumin, ito ay makabubuti sa may sakit.