Q: ano po ba magiging resulta pag maliit ang matris ng babae
A: Gaya ng marami sa mga katunangan ng ating natatanggap dito sa Mediko.PH, ang sagot ko ay “Depende”. Una sa lahat, sino ba ang nagsabi ng “maliit” ang matris? Kung ang nagsabi ay ang iyong doktor o OB-GYN, maaring may napansin sya sa ultrasound tungkol sa korte ng iyong matris. Minsan, ang mga hilot sa panganganak o mga albularyo ay sinasabi rin sa ilang mga babae na ‘maliit’ ang kanilang matris. Kung OB-GYN ang nagsabi nito, magandang linawan kung ano ba talagang kanyang ibig-sabihin.
Sadyang maliit ang matris kapag hindi buntis ang babae, at ito ay lumalaki lamang kapag nagdadalang-tao. Sa karamihan ng kaso, kahit may problema pa ang matris sa hugis at anyo ay kaya nitong magdalang tao at hindi man lamang mararamdaman ng isang babae na may problema pala sa matris. Subalit mayroon ring mga hugis at anyo ng matris na pwedeng magdulog ng problema. Halimbawa, ang ‘uterine agenesis’ ay isang uri ng matris na halos hindi tumubo sa pagkabata pa lamang ng babae. Ngunit ito’y mahahalata na kaagad dahil ang mga babaeng apektado nito ay hindi rereglahin.
Mabuti pa ay klaruhin mo sa iyong OB-GYN ang tungkol dito sa maliit na matris. Maliban na lang sa ‘uterine agenesis’ at iba pang mga kaso, karamihan ng mga sinasabing ‘maliit na matris’ ay normal lamang at hindi makaka-apekto sa pagbubuntis o sa pang-araw-araw na buhay. Subalit, mas mabuti na yung sigurado.