Malnutrisyon – Problema ng Kahirapan sa Pilipinas

Ang problema ng malnutrisyon ay patuloy pa rin na gumigimbal sa milyon milyong tao sa buong mundo partikular sa mga mahihirap na bansa kabilang na ang Pilipinas. At patuloy itong lumalala kasabay ng tumataas na kaso ng kahirapan at lumolobong populasyon. Ayon sa Food and Agriculture Organization (FAO), ang kaso ng malnutrisyon sa Pilipinas konektado sa kakulangan ng sapat na masusustansyang pagkain o kaya’y dahil sa hirap na maiabot ang mga kinakailangang pagkain sa buong populasyon. Bukod pa rito hindi din daw sapat ang kaalaman ng lahat tungkol sa kahalagahan ng nutrisyon.

Sinasabing ang kakulangang sa protina (protein-deficiency) ang pangunahing kaso ng malnutrisyon sa Pilipinas. At tinatayang umaabot sa tatlong milyon ang dumaranas nito. Dahil dito, laganap ang kakulangan sa timbang at pagiging bansot ng mga kabataan sa mga lugar na talamak ang kaso ng malnutrisyon. Ayon sa FNRI, ang pagkabansot (stunted growth) ay problemang matagal nang kinahaharap ng bansa at sadyang nakaaalarma, mula sa 16% rate ng pagkabansot sa mga kabataan noong 2011, dumoble ito sa 33% rate sa sumunod na taon. Ayon naman sa World Health Organization, 28 na milyong Pilipino ang nanganganib na dumanas ng malnutrisyon, dahil pa rin sa hindi maipaabot ng husto ang kinakailangang nutrisyon sa buong ng populasyon.

Upang malabanan ang kaso ng malnutrisyon sa bansa, nagsasagawa ng ilang programa ang pamahalaan upang maikalat ang impormasyon sa lahat. Ipinaaabot ang kaalaman sa kahalagahan ng nutrisyon sa mga kabataan sa mga pampublikong paaralan, kasabay din nito ay mga feeding program para sa lahat. Target ng pamahalaan na mapababa ang mga kaso ng malnutrisyon, gayundin ang bilang nga mga kabataan na namamatay dulot din ng malnutrisyon sa pagsapit ng 2015.

Ayon pa sa mga pag-aaral ng ilang respetadong institusyon, ang mataas na kawalan ng trabaho sa Pilipinas ay tinuturo ding salik kung bakit hindi sapat ang sustansyang nakukuha ng bawat pamilya. Ang tinatayang 7.8 na porsyente ng kawalan ng trabaho sa bansa ay masasabing dahilan kung bakit hindi nabibili ang mga wastong pagkain na kailangan ng bawat myembro ng pamilya. Dagdag pa rito ang mataas na presyo ng mga bilihin sa merkado. Ang mga pamilya na biktima ng mga kalamidad ay nanganganib din na maging biktima ng malnutrisyon.

Sa huli, mahirap man malabanan ang malnutrisyon sa bansa, hindi pa rin dapat mawalan ng pag-asa na darating at darating pa rin ang panahon na masusugpo ang ito sa bansa. Kinakailangan lamang siyempre na pag-ukulan ng pansin ang isyung ito, lalo na mula sa gobyerno. Siyempre pa, kinakailangan din ang pakikiisa ng lahat ng sektor ng lipunan nang sa gayon ay makamtan natin ang layuning mabura ang malnutrisyon sa mga Pilipino.