Sumasakit ba ang iyong bayag (scrotum) o mga itlog (testicles)? Ang mga ito ay posibleng mga sanhi:
1. Baka nadali o nabuntol ito.
Kung ikaw ay aktibo sa sports, lalo na yung medyo brusko ang laro, o di kaya kung ikaw ay nasipa sa bayag, natural, ito’y mamamaga. Maaari rin itong mangyari sa mga mahilig mag-bisikleta. Subalit kalimitan naman ito’y mawalala rin ng ilang araw lamang. Para maka-iwas, magsuot ng tamang brief o underwear – yung hindi masikip. At saka syempre, iwasang madali ang iyong bayag.
2. Impeksyon, STD man o hindi.
Kung ikaw naman ay aktibo sa sex, o “malikot”, pwede ring maging isang sintomas ay pamamaga at pagkirot sa may bayag. Isa ring impeksyon na hindi naman STD ngunit maaari ring maka-apekto ay ang beke. Kung ikaw ay may beke, o nagkaron ng beke kamakailan lang, ito’y isang konsiderasyon. Magpatingin kaagad sa doktor kung ganito ang kaso.
Mga ugat sa loob ng bayag, o “Varicocoele”.
Kapag kinakapa mo ang iyong bayag, para bang may mga bulate sa loob? Kung oo, maaaring mayroon kang “varicocoele” o mga ugat sa loob ng bayag. Bagamat hindi naman itong seryong karamdaman, maaari itong magdulot ng kirot.
Luslos o “hernia”.
Kapag ba ikaw ay napapagalaw, napapaubo o napapa-haching, mas lumalala ba ang sakit? At minsan ba parang may nalalaglag na bahagi ng iyong tiyan sa iyong bayag, at umuumbok ito, ngunit bumabalik rin sa normal? Kung oo, maaaring mayroon kang luslos.
Pagkapulupot ng mga itlog o “testicular torsion”.
Napakasakit ba ng iyong nararamdaman? As in, masakit talaga na masakit? Maaaring pumupulot ang isa sa iyong itlog sa mga ugat na nakakabit dito. Ito’y isang emergency na dapat ma-aksyonan kaagad; magmadali papunta sa E.R. o sa pinakamalapit na ospital.
Dahil sa sobra o naputol na pakikipag-sex.
Mahilig o madalas ka bang makipagsex? Kung ikaw ay nakipag-sex sa iyong ka-partner ngunit hindi ka nilabasan, pwedeng magkaron ng kirot sa iyong bayag dahil sa tamod na naipon sa loob. Naka-ready na dapat sila, ngunit na-udlot, kaya masakit. Mawawala rin ito ng kusa; para sa iba, ang pagjajakol ay nakakatulong.
Bato sa bato.
Ang pagkakaron ng bato sa bato ay makirot na makirot, gumuguhit mula sa tagiliran pababa. May mga kasamang sintomas ito gaya ng makirot na pag-ihi, o ihi na mapula dahil may kahalong dugo. Ang pagkirot ay dahil sa isang bato sa bato na nalaglag at pilit na dumadaloy papalabas.
Kanser sa itlog, o “testicular cancer”.
Bagamat ito’y bihira, dapat rin itong i-konsidera sapagkat ito ang pinaka-karaniwang kanser sa mga binatang lalaki mula edad 18 hanggang 35. Kapain mo ang iyong bayag. May parang bukol ba? Hindi ba pantay? Kung oo, magpatingin agad sa doktor upang masuri. Kung maagang makita, mataas ang probabilidad na maagapan ito.