Masasamang epekto ng ingay o noise pollution

Ang ingay o noise pollution ay isang bagay na kadalasa’y binabalewala ng marami sa atin. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, ang matagal na paninirahan sa lugar na maingay ay may masamang epekto sa kalusugan sa paglaon ng panahon. Ayon sa pag-aaral ng US Environmental Protection Agency, hanggang 55 decibels lamang ang ingay na maaaring tanggapin ng katawan sa loob ng 24 oras, anumang paglampas sa limitasyon na ito ay may masama nang epekto sa kalusugan. Bilang paglilinaw, ang isang matahimik na pamayanan ay may tunog na 50 decibels, ang ingay sa isang kalsada na maraming dumadaang sasakyan ay umaabot naman sa 70 decibels, ang ingay naman na binibigay ng busina ng kotse ay umaabot sa 110 decibels.

Narito ang masasamang epekto ng matagal na pagkakalantad sa isang maingay na kapaligiran.

1. Sakit sa puso

Napatunayan ng ilang mga pag-aaral na ang matagal na pagkakalantad sa ingay ay nakaka-kontribyut sa pagkakasakit sa puso. Ito’y maisisisi sa stress na nararanasan sa kapag nakakarinig ng ingay. Ang mga hormone na cortisol, adrenaline, at noradrenaline na lumalabas sa katawan kapag nakakakaramdam ng stress ay pareparehong nakapagdudulot ng pagtaas ng presyon ng dugo. Dahil dito, tumataas ng 80% ang posibilidad ng pagkakaroon ng sakit sa puso.  

2. Pagkabingi

Siyempre pa, ang matagal na pagkalantad din ng mga sensitibong tenga sa malakas na ingay ay nakakaapekto sa abilidad na makarinig. Ang paulit-ulit, matagal, at pagiging malapit sa ingay na umaabot sa 85 decibels ay tiyak na makapagdudulot ng pagkawala ng pandinig.

3. Problema sa pagtulog

Ang kawalan ng maayos at kumpletong pagtulog sa gabi ay may implikasyon din sa kalusugan sa paglipas ng panahon. Ito’y maaaring makaapekto sa pagiging produktibo sa trabaho, at sa pakikisalamuha sa ibang tao. Maaari din humantong sa malagim na aksidente ang kakulangan ng tulog. Mas madali ring mabalisa at madepress ang taong walang sapat na tulog.

4. Kawalan ng konsentrasyon

Hindi biro ang pagkawala ng konsentrasyon ng isang tao sapagkat nakakaapekto ito sa performance at pagiging produktibo ng bawat indibidwal sa paaralan man o sa trabaho. Bukod pa rito, maaari ding malagay sa panganib ang buhay lalo na sa mga panahong panahong kinakailangan ang pagiging alerto at agarang pagkilos.

5. Kalusugan ng bata sa sinapupunan

Apektado rin ng ingay ang kalusugan ng bata na nabubuo pa lamang sa sinapupunan ng ina. Ayon sa mga pag-aaral, mas mataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng abnormalidad at mababang timbang sa mga batang may maingay na kapaligiran habang ipinagbubuntis kung ikukumpara sa mga batang nasa matahimik na pamayanan habang ipinagbubuntis. Maging ang pag-uugali ng bata ay sinasabing apektado rin ng ingay sa kapaligiran.