Sa panahon ngayon na ang mga tao ay abala at walang sapat na oras upang makapaghanda pa pagkain na kakainin, usong-uso ang mga instant food. Konting init lang o konting buhos ng mainit na tubig, at ilang minuto lang ng paghihintay, agad na mayroon nang pagkain. Sa kasamaang palad, ang mga pagkaing “instant” ay kadalasang kulang sa nutrisyon na kinakailangan ng tao sa araw-araw, bukod pa sa taglay nitong mga sangkap na maaaring makasama rin sa kalusugan. Kaya naman, kung mapaparami ang pagkonsumo sa ganitong uri ng pagkain, hindi malayong magkaroon ng problema sa kalusugan.
Ano ang masasamang epekto ng madalas na pagkain ng instant food?
Problema sa bato (kidney)
Ang mga instant food ay kadalasang may mataas na lebel ng sodium, phosphorus, at mga artipisyal na pampalasa. Ang pagkonsumo sa mga sangkap na ito, kung mapaparami, ay maaaring makasama sa kalusugan, partikular sa mga bato. Maaari itong magdulot ng pamumuo ng bato (kidney stones) sa mga bato at magdulot ng pagbabara sa daluyan ng ihi.
Altapresyon
Ang mineral na sodium na mataas din sa mga instand food ay nakaaapekto sa presyon ng dugo. Kung ang lebel nito sa katawan ay tataas nang husto mula sa sobrang pagkonsumo ng mga instant food, malamang ay tumaas ang presyon ng dugo at maranasan ang kondisyon ng altapresyon o high blood pressure. Ang kondisyong ito ay hindi biro sapagkat kung mapapabayaan, maaari itong humantong sa stroke o atake sa puso.
Malnutrisyon
Dahil pa rin sa dalas ng pagkain ng mga instant food, posible na hindi matapatan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng katawan sa iba’t ibang mahahalagang sustansya. Ito’y sapagkat limitado ang mga bitamina, mineral at iba pang mahahalagang sustansya na matatagpuan sa mga pagkaing instant. Malnutrisyon ang maaaring kahinatnan ng mga indibidwal na aasa nang husto sa mga ganitong uri ng pagkain.