Masasamang epekto ng sobrang asin sa pagkain

Ang paglalagay ng asin sa ating mga pagkain ay isang paraan ng pagpepreserba o kaya ay paglalagay ng lasa sa ating mga kinakain. Kahit magmula pa noong sinaunang panahon, ang asin ay talamak nang ginagamit bilang pampalasa at pagpoproseso ng mga pagkain.

Bagaman may nakukuha din naman benepisyo sa asin, tiyak pa rin na may masama itong epekto kung mapapasobra. Ang mga sumusunod ay ilan sa masasamang epekto sa kalusugan ng pagkonsumo ng sobrang asin.

1. Pamamanas (edema)

Isa sa mga epektong nakababahala na maaaring idulot ng sobrang pagkonsumo ng asin ay ang pamamanas ng ilang bahagi ng katawan dahil sa fluid retention o pag-ipon ng tubig sa ilang bahagi ng katawan. Ang lebel kasi ng asin o sodium sa katawan ang magdidikta kung kinakailangang bawasan ang tubig sa katawan. Kung masyadong mataas ang lebel ng asin, pipigilan ng kidney na magpalabas pa ng tubig sa katawan at ang resulta ay pamamanas.

2. Kawalan ng tubig sa katawan (dehydration)

Ang epektong pamamanas na unang nabanggit ay mangyayari lamang kung may sapat na tubig sa katawan. Ngunit kung kulang naman ang tubig sa katawan, at mapasobra ang asin sa pagkain, maaaring maranasan naman ang epekto ng dehydration. Isa rin kasi sa mga epekto ng sobrang asin sa katawan ay ang pag-higop ng tubig mula sa mga cells ng katawan upang makakalap ng karagdagang tubig at mabalanse ang lebel ng asin sa katawan. Bilang resulta, maaaring makaranas ng dehydration. Basahing ang kahalagahanan ng tubig sa kalusugan: Kahalagahan ng tubig sa buhay.

3. Altapresyon

Ang pagtaas ng presyon ng dugo sa katawan ay isa sa mga kilalang epekto ng pagkonsumo ng asin. Ito ay delikadong kondisyon lalo na sa mga nakararanas na ng sakit na altapresyon. Ang epektong ito ay konektado sa pagpipigil ng mga kidney na magpalabas ng tubig mula sa katawan. Ang naiipong tubig sa katawan ay maaaring humalo naman sa dugo na sa huli’y makapagpapataas sa presyon. Ang taong may mataas na presyon ng dugo ay may mataas din na panganib ng pagkakaranas ng stroke o atake sa puso. Alamin ang mga pagkain na dapat iwasan kung may altapresyon: Mga pagkain na dapat limitahan kung may altapresyon.

4. Pagrupok ng mga buto (osteoporosis)

Ang pagrupok ng mga buto o osteoporosis ay isang pangkaraniwang kondsiyon na nararanasan ng marami. May iba’t ibang salik na nakaka-kontribyut sa pagkakaranas nito at isa na rito ang sobrang asin sa pagkain. Dahil kasi sa sobrang asin, tumataas ang lebel ng calcium na nailalabas sa ihi imbes na mapunta sa mga buto at makapagpatibay dito. Ang malala pa, maaaring mabawasan din ang naka-imbak na calcium sa mga buto dahil sa sobrang inilalabas na calcium sa ihi. Basahin ang iba’t ibang paraan para matulungang mapatibay ang mga buto: Mga paraan ng pagpapatibay ng buto.

5. Bato sa bato (kidney stones)

Kaugnay ng pagtaas ng lebel ng inilalabas na calcium sa katawan sa pamamagitan ng ihi, lumalaki ang posibilidad na mamuo ang mineral na calcium sa bato (kidney) at humantong sa pagiging bato (stones) na maaaring makabara sa daluyan ng ihi. Ang kondisyong ito ay masakit at maaaring pag-ugatan ng impeksyon sa daluyan ng ihi o UTI. Alamin kung paano maiiwasan ang pagkakaroon ng bato sa bato o kidney stones: Pag-iwas sa bato sa bato.

6. Kanser sa sikmura

Ang pagkonsumo ng sobrang asin sa mahabang panahon ay may masamang epekto sa sikmura. Nakapagpapanipis kasi ito sa lining o pang-ibabaw na patong ng sikmura na nagpoprotekta laban sa impeksyon. Kung masyado nang manipis ang lining sa sikmura, maaaring magsimula ang impeksyon ng bacteria na Helicobacter pylori na kilalang nagdudulot din ng sakit na ulser sa sikmura. Kung hindi maaagapan, maari itong humantong sa pagkakaroon ng kanser sa tiyan.