Masusustansyang Prutas para sa Bagong Taon

Ngayong Bagong Taon, sunod sunod na naman ang kasiyahan, sunod sunod din ang mga kainan, at sunod sunod din ang mag kaugalian at tradisyon. Isa sa mga hilig na gawin ng mga Pinoy ang pangongolekta ng mga prutas na ang hugis ay bilog. Ayon sa tradisyon, kinakailangan daw makaipon ng labindalawang uri ng prutas na bilugan bago sumapit ang alas-dose ng bagong taon. Ang 12 na prutas ay magdadala daw ng swerte sa susunod na 12 na buwan ng bagong taon. Wala namang mawawala kung susunod sa mga tradisyon at kaugalian na gaya nito, at isa pa, hindi naman makadudulot ng masama ang pangongolekta ng mga prutas. Sa katunayan nga, makabubuti pa ito sa ating kalusugan.

Narito ang ilan sa mga masusustansyang prutas na bilugan na madalas natin nakikita sa hapag sa oras ng bagong taon:

Mansanas

Ang mapupula at matamis na mansanas ang isa sa mga pinapa-popular na prutas na nakikita natin sa buong taon. Bagama’t hindi ito natural na tumutubo sa mga lugar na nasa rehiyong tropiko gaya ng Pilipinas, kadalasan ay sapat naman ang suplay nito at madali pa rin mabili sa palengke o pamilihan para sa tradisyon sa bagong taon. Ayon sa mga pag-aaral, ang isang mansanas ay mayaman sa ilang bitamina lalo na sa Vitamin C at Beta-Carotene. Mataas din ito sa dietary-fiber kung kaya’t makatutulong ito na linisin ang mga bituka. Higit sa lahat, taglay din ng mansanas ang anti-oxidant na flavonoids and polyphenolics na makatutulong alisin ang free-radicals sa katawan na nakapagpapatanda at maaaring magdulot ng sakit na cancer. Hindi rin gaanong mataas ang taglay nitong calories kaya’t maaari itong kainin ng mga taong nagdi-diyeta.

Ponkan

Hindi rin nawawala ang ponkan o orange sa mga bilugang prutas na iniipon tuwing bagong taon. Ang prutas na ito ay madali lang din mabibili sa mga pamilihan sapagkat may ilang taniman din nito sa ating bansa. Hindi lingid sa kaalaman ng nakakarami na mayaman ang mga prutas na citrus, gaya ng ponkan, sa Vitamin C. Ngunit bukod dito, mayaman din ito sa dietary fiber na pectin na kilalang tumutulong sa paglilinis ng bituka. Ang ponkan ay nagtataglay din ng anti-oxidant na flavonoid.

Image Source: www.britannica.com

Pakwan

Ang pakwan ay isang napakalaking biyaya para sa mga nauuhaw lalo na sa tag-init. Mayaman ito sa tubig at electrolytes na kailangan ng katawan upang hindi ma-dehydrate. Bukod dito, mayaman din ito sa vitamin A na makatutulong sa pagpapalinaw ng paningin. Siyempre pa, mayroon din itong mga anti-oxidant na flavonoids gaya ng lycopene, beta-carotene at lutein na makatutulong makaiwas sa mga sakit na cancer. Madali lang din itong mabibili sa mga pamilihan kaya madalas din itong makita sa bagong taon.

Melon

Ang melon ay isa sa mga prutas na may pinakamataas na mapagkukunan ng Vitamin A na tutulong sa pagpapabuti ng paningin. At gaya ng pakwan, mayroon din itong anti-oxidants na flavonoids gaya ng lycopene, beta-carotene at lutein. Hindi rin ito mahirap hanapin sa mga pamilihan.

Image Source: en.wikipedia.org

Ubas

Marahil, ubas ang pinaka-popular na bilog na prutas para sa bagong taon. Ngunit bukod sa pagiging popular, ito rin ay likas na masustansya at mayaman sa polyphenolic phytochemical na resveratrol. Ang resveratrol ay isang napakalakas na anti-oxidant na tumutulong sa paglabas sa mga sakit gaya ng cancer, Alzheimer’s Disease, at ilan pang sakit sa puso at nerves ng katawan. Bukod pa rito, tumutulong din ang resveratrol na dumaloy nang ayos ang dugo sa katawan. Taglay din ang ubas ang ilang mahahalagang bitamina at mineral na kailangan ng tao gaya ng Vitamin C, Vitamin K, Beta-Carotene at iba pa.

Suha

Ang suha, gaya din ng iba pang uri ng citrus fruit, ay mayaman sa Vitamin C. Ang isang buong suha ay kayang magbigay ng sapat na Vitamin C na kailangan ng isang tao sa araw-araw. Bukod pa rito, makukuhanan din ito ng Potassium, isang uri ng electrolyte na mahalagang kailangan ng katawan upang magkaroon ng lakas at gumana ng husto ang puso at bato. Ang prutas na ito ay karaniwan din makikita at mabibili sa mga pamilihan.

Image Source: tl.wikipedia.org

Peras

Isa rin sa mga paboritong prutas ay ang peras. Gaya ng mansanas, mayaman ito sa dietary fiber na nakalilinis ng bituka at tumutulong sa maaayos na pagdudumi. Makatutulong ito sa mga taong mahilig mag-diyeta sapagkat mababa lamang ang nilalaman nitong calories. Makukuhanan din ito ng Vitamin C at ilang mahahalagan mineral gaya ng copper, iron, potassium at magnesium. Marami rin nito sa mga pamilihan.

Bayabas

Ang bayabas, na isang uri ng tropical fruit, ay karaniwang nakikita sa mga pamilihan, at kung papalarin ay nakikitang nakatanim sa bakuran. Ito ay kilala as pagkakaroon ng napakataas na lebel ng Vitamin C, isa sa pinakamataas sa lahat ng mga prutas. Ayon sa mga pag-aaral, ang madalas na pagkain ng bayabas ay makatutulong na makaiwas sa pagkakaroon ng mga sakit na dulot ng impeksyon. Mataas din ang lebel ng Vitamin A sa prutas na ito. Ngunit bukod sa mga bitamina, ang isang prutas ng bayabas ay mapagkukunan din ng flavonoids gaya ng lycopene, lutein at beta-carotene na mga uri ng anti-oxidant.

Image Source: bscsdeleon.yolasite.com

Mangosteen

Ang mangosteen na tinuturing na queen of tropical fruits ay madaling makikita sa mga lugar sa Mindanao. Taglay nito ang mataas na lebel ng Vitamin C pati na ang Vitamin B. Makakakuha din ng mga mineral gaya ng copper, manganese at magnesium mula sa prutas na ito.

Kaimito

Ang kaimito o star apple ay kilala rin sa Pilipinas, bagama’t ito ay prutas na panapanahon lang. Mayaman ito sa calcium at phosporus na kailangan ng mga buto at ngipin ng ating katawan. Mayroon din itong Vitamin A at C na tumutulong sa paningin at karagdagang resistensya ng katawan. Ito rin ay may mataas na lebel ng dietary fibers kung kaya’t nakatutulong ito na maglinis ng ating mga bituka.

Image Source: www.pinterest.ca

Chico

Ang prutas na chico na isa ring tropical fruit ay paborto ng mga Pinoy, bagama’t isa ring napapanahon na prutas. Mataas ang lebel ng anti-oxidant poly-phenolic compound na tannin. Ang tannin ay tumutulong bilang anti-inflamatory, anti-bacterial, at anti-viral na kayang lumaban sa ilang sakit na dulot ng impeksyon. Mayroon din itong sapat na Vitamin C at vitamin A. Ang iba pang makukuha dito ay ang mineral na potassium, iron at copper.

Lansones

Ang prutas na kilala sa mga probinsa ng Laguna at Camiguin ay paborito din ng mga Pinoy. Bagama’t ito rin ay panapanaohn lamang. Ang prutas na ito ay mayaman sa Vitamin B2 o Riboflavin na tumutulong sa pagpapalakas ng katawan. Ito rin ay naglalaman ng ilang anti-oxidants na tumutulong sa pag-iwas sa sakit na cancer.

Image Source: indigenousbartender.com

Santol

Ang santol na isa ring napapanahon na prutas ay nakikita rin minsan sa hapag sa panahon ng bagong taon. May mataas itong lebel ng Vitamin B at C at mga mineral na Phosphorus, Iron at Calcium. May mataas din itong dietary fiber na tumutulong sa paglilinis ng bituka.

Image Source: viralityfacts.com