Ano ang blood sugar?
Ang blood sugar ay ang sukat ng dami ng glucose sa dugo. Ang glucose ang bumubuo sa mga asukal at ito ang nagbibigay enerhiya sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Normal itong natatagpuan sa katawan, ngunit kung mataas ang antas nito sa dugo (hyperglycemia), ito ay maaaring makasira sa iba’t ibang bahagi ng katawan at magdulot sa diabetes at ang mga komplikasyon nito.
Anong laboratory test ang ginagamit upang malaman ang antas ng blood sugar sa katawan?
Isang bahagi ng ‘blood chemistry’ ang pagsusuri ng blood sugar, subalit mas malimit, lalo na kung gusto madetermina kung ang isang pasyente ay maaaring may diabetes, na sa umaga kinunan ng dugo ang pasyente, pagkatapos ng 12 na oras na hindi kumakain o umiinom ng kahit ano maliban sa tubig. Mahalagang masunod itong 12 na oras na hindi kumakain sapagkat kung ikaw ay kumain ng kahit ano, normal na tataas ang antas ng dugo at hindi magiging makatotohanan ang resulta.
Karaniwan, kinukunan ang pasyente ng 2-5 mL ng dugo sa harap ng siko. Ilang oras lamang ay maaari nang makakuha ng resulta nito.
Ano ang normal na resulta ng ‘fasting blood sugar’ sa katawan?
Kung ang pagsusuri ng dugo ay ginawa makalipas ang 12 na oras na hindi kumain ang pasyente, tinuturing na normal ang resulta na 3.9 hanggang 5.5 mmol/l (70.2 hanggang 100 mg/dl). Kung ang resulta ay 5.5 hanggang 7 mmol/l (101–125 mg/dl), hindi pa naman ito diabetes ngunit medyo nakakabahala narin ang resulta kaya maaaring may ibigay na gamot ang doktor o payuhan na ang pasyente na umiwas sa pagkain ng mga pagkain na mataas ang glycemic index (Basahin: Mga Pagkaing Dapat Iwasan sa Diabetes). Kung ang resulta ang higit sa 7 mmol/l (126 mg/dl), ito ay mataas at maaring maging batayan sa pag-diagnose ng diabetes ngunit kailangan paring iugnay ito sa ibang findings ng doktor.
Paano makakaiwas sa mataas na blood sugar?
Image Source: www.health.harvard.edu
Ang mga sumusunod ay mabisang paraan upang mapababa ang blood sugar:
- Pag-iwas sa mga matatamis na pagkain
- Pag-iwas sa mga pagkain na mataas ang glycemic index
- Pag-iwas sa pagkain ng maramihan; mas maganda ang pa-unti-unti
- Pagkain ng ampalaya na natural na nakakapagpababa ng blood sugar
- Pag-eehersisyo ng regular
- Masipag na pag-inom ng gamot na naireseta ng iyong doktor