May bawal ba sa mga taong tinanggal ang appendix?

Q: Ano po ang bawal kainin at dapat iwasan ng taong tinanggal na ang appendix?

A: Ang appendectomy o pagtanggal ng appendix ay isa sa pinakakaraniwang operasyon na isinasagawa sa tao, at ito ay ginagawa bilang lunas sa appendicitis, o pamamaga at impeksyon ng appendix.

Ano ba ang appendix? Ito ay isang bahagi ng katawan na noong una ay inakala ng mga scientist na walang silbi sa tao – isang ‘vestigial organ’. Subalit ngayon, ang appendix ay kinikilala bilang isang bahagi ng ating ‘immune system’ at tumutulong ito sa pagsupil sa pagkakasakit. Ang magandang balita sa mga tinanggalan ng appendix ay may mga iba pang bahagi ng katawan na gumaganap sa ganong ding tungkulin, at dahil dito, ang pagkawala ng appendix ay walang mabigat na epekto sa tao.

Kaya ang sagot ko ay: Wala namang dapat iwasan. Wala ring bawal kainin o inumin. Syempre sa unang mga buwan pagkatapos ng operasyon ay dapat umiwas muna sa mga aktibidad na matindi at pagbubuhat ng mabigat ngunit pagkatapos non ay okay ka na, ipagpatuloy mo lang ang pamumuhay ng masigla.