Q: Paano tumubo ulit ang buhok ng nakakalbo? May gamot ba para bumalik ang buhok ko?
A: Una sa lahat, ang pagiging kalbo ay hindi isang sakit; ito ay isang natural na bahagi ng pagtanda ng mga tao, lalo na ng mga kalalakihan. Subalit may ilang mga gamot na napag-alamang nakakapigil sa pagka-kalbo.
Ang pagiging kaldo ng mga lalaki sa pagtanda, o siyang tinatawag na “male pattern baldness” o “androgenic alopecia” ay isang ‘genetic’ na bagay, o namamana sa mga magulang, at karaniwan, ang edad kung kailan ang iyong tatay o mga lolo ay nag-umpisang makalbo ay siya ring edad kung kailan ikaw ay makakalbo, subalit hindi rin naman palaging nasusunod ito.
Maraming kalalakihan ang tinatanggap na lamang ang pagiging kalbo bilang isang natural na bahagi ng pagtanda. Subalit marami ring gusto itong iwasan, sapagkat para sa kanila, hindi magandang tingnan ang isang lalaki na nalalagas na ang buhok. Dahil marami ang ganito ang pananaw, isang malaking industriya ang pagsusupil sa pagkakalbo ng mga kalalakihan.
Sa kasalukuyan, may ilang mga gamot na napag-alamang epektibo sa pagsupil sa pagiging kalbo, ang mga ito ay ang Minoxidil na pinapahid sa ‘scalp’, at Finasteride na iniinom na gamot. Kung kalbo ka na, hindi masyadong nakakatulong, ngunit kung ang mga ito’y inumpisahan mong gamitin habang nakakalbo pa lamang, maaaring makatulong ang mga ito upang supilin o pabagalin ang pagka-kalbo. Magpatingin sa doktor upang magabayan ng maayos sa paggamit ng mga gamot na ito.
Para rin sa ibang mga nakakalbo, ang pagsusuot ng ‘wig’ o peluka ang isang posibilidad.
Muli, ang pagiging kalbo ay isang natural na bahagi ng pagtanda, at bagamat may mga gamot na pwedeng inumin, ang mga ito ang nakakatulong lamang ng bahagya, at hindi pwedeng asahan bilang “lunas” sa pagkakalbo.